Inday TrendingInday Trending
Mukhang Pera si Inay at Itay

Mukhang Pera si Inay at Itay

Habang nag-aaral sa kolehiyo si Ana ay inengganyo siya ng kaniyang ina na pumasok bilang call center agent malapit sa kanilang bahay.

“Anak, mayroong urgent hiring doon sa call center na pinapasukan ng pinsan mo. Bakit ‘di mo subukang mag-apply doon?” nakangiting sabi ng ina.

“Sigurado kayo, mama? Baka kasi hindi kayanin ng katawan ko kung pagsasabayin ko ang ganoong klase ng trabaho at pag-aaral,” nag-aalalang sagot ni Ana. Kahit na ganoon na ang sagot ng dalaga ay hindi pa rin nagpatinag ang ina nito.

“Anak, naman. Susubukan mo lang naman na magtrabaho. Tsaka malaking tulong sa amin ng papa mo ‘yon. Isa pa, kung magkakasakit ka, eh, nandito naman kami para alagaan ka,” nakangising sabi ng ina.

Walang nagawa si Ana kung ‘di ang sumunod sa utos ng ina kaya naman agad itong gumayak at umalis patungo sa sinasabing kompaniya.

Nang makarating si Ana sa call center ay agad siyang pinag-agawan ng kung sinu-sinong headhunters para makuha ang pangalan niya sa kani-kanilang listahan.

“Halika, ako na ang magre-refer sa iyo! Tutulungan kitang maipasa ang interview at iba pang exam,” alok ng isang babae.

“Dito ka na lang sa akin! Lahat ng nagpapa-refer sa akin ay natatanggap dito. Siguradong makakapasa ka sa exam at interview kapag ako ang nagturo sa’yo,” pagmamalaki pa ng isa.

Hindi naman pinansin ng dalaga ang dalawang nag-aagawan kaya tuluy-tuloy itong naglakad papunta sa front desk ng kompaniya.

“May nag-refer, ma’am?” tanong ng isang babae sa front desk na siyang nag-aasikaso ng mga naghahanap ng trabaho. “None. I came here alone,” sagot naman ni Ana sabay ngiti sa babae.

Lumipas ang dalawang oras at natapos na ni Ana ang pag-aapply sa call center. Iniabot na rin sa kaniya ang sulat kung saan nakalagay kung tanggap ba siya sa trabaho o hindi. Hindi niya maintindihan ang kaniyang nararamdaman pero ipinagdadasal niya na sana ay hindi siya matanggap sa trabaho.

Pagkabukas niya ng sulat ay dito tumambad sa kaniya ang isang kontrata na nagsasabing tanggap siya. Hindi mawari ni Ana ang lungkot na kaniyang nararamdaman dahil alam naman niyang pera lang ang habol sa kaniya ng kaniyang magulang.

Pagkauwi ng dalaga sa kanilang bahay ay iniabot ni Ana ang sulat sa kaniyang ina.

“Ano ito, anak? Kontrata? Tanggap ka?” nagtatakang tanong ng ina ng dalaga. “Opo, tanggap po ako sa trabaho,” mahinang sagot ni Ana habang nakaupo sa harapan ng lamesa.

Labis ang tuwa na naramdaman ng ina ni Ana kaya naman agad nitong niyakap ang anak at pagkatapos ay pinapirmahan na dito ang kontrata.

Ilang buwan matapos matanggap ni Ana sa trabaho ay pansin ng mga kaklase ng dalaga ang pagiging matamlay nito sa eskwela.

“Ana, ok ka lang ba? Sobrang putla mo na, ha,” nag-aalalang tanong ng kaibigan ng dalaga.

“Oo nga! Diyos ko! Bakit kasi pinagtrabaho ka agad? Alam naman ng nanay mo na mahina ang resistensya mo, ah!” nag-aalalang sabi pa ng isa.

“Kailangan ko kasing makapagbigay sa mga magulang ko kaya pinilit nila akong magtrabaho kahit na nag-aaral pa ako,” mahinang sagot ni Ana habang pinipigilan ang mga luha galing sa kaniyang mga mata.

Dahil dito ay hindi na pinansin ng mga kaklase ni Ana ang hirap na nararamdaman ng kanilang kaibigan. Natapos na ang klase nila kaya naman dumiretso na si Ana sa kaniyang pinapasukang trabaho.

“Ana, you’re late. AGAIN! Kung hindi mo kayang pagsabayin ang work at study mag-resign ka na lang. Sinisira mo lang ang record ng team ko,” galit na sabi ng team leader ni Ana.

“Sorry, sir. Hindi na po mauulit. Ako lang po kasi ang inaasahan sa bahay namin. Simula po nang matanggap ako sa trabaho ay tumigil na ang mga magulang ko sa pagbebenta sa palengke,” naiiyak na sabi ni Ana sa TL niya habang naglalakad papunta sa kaniyang puwesto.

Nakaramdam naman ng kaunting awa ang kaniyang TL kaya’t napagdesisyunan nitong palagpasin na lang muna ang pagka-late ng dalaga.

Habang nagtatrabaho ang dalaga at nakikipag-usap sa isang customer ay nagulat ang lahat nang bigla na lang tumumba si Ana sa kaniyang pwesto.

“Team, tumawag kayo sa clinic! Magpadala agad ng ambulansya!” nag-aalalang sigaw ng team leader ng dalaga. Agad nitong binuhat si Anna pababa ng clinic para matignan agad ng doctor. Dahil mabilis na nakarating ang ambulansya ay isinakay na agad nito ang dalaga para madala na sa ospital.

Ilang oras ang lumipas nang magising si Ana mula nung mawalan ito ng malay. Nakita ng dalaga ang kaniyang mga kaklase, team leader at magulang sa kaniyang tabi.

“Ano pong nangyari?” tanong ng dalaga.

“Naging masama kaming magulang. Ayun ang nangyari. Nasilaw kami sa ginhawa ng dagdag na kita kung magtatrabaho ka na kaya pinilit ka namin na magtrabaho agad-agad at nakalimutan namin ang iyong kalusugan,” sabi nang naiiyak na ina ni Ana.

“Sana ay mapatawad mo kami, anak. Imbes na ikaw ang binubuhay namin ikaw pa ang bumubuhay sa amin. At imbes na kami ang pumoprotekta sa iyo kami pa ang nagdala sa’yo sa kapahamakan,” sabi naman ng ama ng dalaga.

Dahil sa pangyayaring ito ay pinatawad ng dalaga ang kaniyang mga magulang. Nagpaalam na rin siya sa kaniyang team leader na titigil na sa pagtatrabaho upang mapangalagaan ang kalusugan at babalik na lamang sa oras na makamit na niya ang kaniyang diploma.

Nang dahil sa nangyari ay mas pinahalagahan na ng mga magulang ni Ana ang kaniyang kapakanan at kalusugan. Hindi matutumbasan ng kahit na anong salapi ang buhay ng kanilang anak.

Advertisement