Dahil sa sobrang katamaran ng asawa ni Celine ay natanggal ito sa kanyang pinapasukang trabaho.
“Saan na naman tayo kukuha ng pangkain? Akala mo ba sapat ang kinikita ko para sa lahat ng pangangailangan natin? Dalawa na nga tayong nagtatrabaho, kinukulang pa tayo. Tapos ngayon, natanggal ka pang bwisit ka! Tamad ka na rito sa bahay, tamad ka pa rin sa trabaho?!” galit na sabi ni Celine sa kanyang asawa.
Hindi naman siya pinansin ng asawa dahil abala ito sa panonood ng telebisyon. Nakapatong pa ang paa at ngumunguya ng tsitsirya.
“Alam mo, John, ‘pag hindi ka pa nakahanap ng trabaho sa susunod na linggo? Iiwan talaga kita at isasama ko ang anak ko!” pagbabanta ni misis kay mister, sa pag-asang baka sakali ay matauhan ito.
Tila narindi at hindi na kapagpigil si John. Huminga ng malalim na akala mo’y siya ay aping-api, at saka sinigaw-sigawan ang asawa.
“OO NA! MAGHAHANAP NA NG TRABAHO! Nawalan na nga ako ng trabaho, sinisigawan mo pa ako? E noong may trabaho, sinisigawan mo pa rin. Ano ba talaga? At isa pa, ano bang tingin mo sa’kin? ATM?” pikon na sabi nito na lalong nagpainit sa ulo ng kanyang asawa.
“OO, SANA ATM KA NA LANG! PARA NAMAN HINDI MAWALAN NG PERA SA BAHAY NA ITO. PARA HINDI KAMI NAHIHIRAPAN NG ANAK MO! Naturingan kang lalaki, hindi mo magawang magsakripisyo para sa amin,” galit, ngunit umiiyak na sagot ng ginang na siyang umagaw ng pansin ng kanilang anak na si Omar.
“Ma, tama na ‘yan. Tutulungan kita, kaya ko naman mag working student e. Payagan mo lang ako,” mahinahon na sabi nito habang pinapakalma ang ina.
“Buti ka pa anak, may silbi, masipag, handang tumulong sa akin dito sa bahay,” parinig pa ng ina sa muling nakahiga at nanonood ng telebisyong si John.
Dahil dito ay matagal na hindi nagpansinan ang mag-asawa. Kapag nagluluto si Celine ay sinisigurado niyang pangdalawang tao lamang ang kanyang ihahanda dahil ilang araw na ang lumipas subalit hindi pa rin naghahanap ng trabaho si John.
Nais lang naman ni Celine na matauhan na itong kanyang mister.
“Omar, halika’t kumain na tayo para makapagpahinga ka pa. Kumusta pala ang trabaho mo?” nakangiting sabi nito habang hinahanda ang pagkain ng anak.
“Ayos lang naman ma, may libreng pananghalian kami doon kaya tipid talaga. Kumusta yung unang sahod ko ma, ok lang ba? Kaya mo bang pagkasiyahin yun? Sabihin mo lang sa akin para makalipat agad ako ha,” sagot naman nito sa ina. Habang nag-uusap ang dalawa ay bigla namang sumabat si John dahil naghahanap ito ng makakain.
“Bakit nakakandado ang ref?” inis na tanong nito sa mag-ina.
“Lahat ng laman ng ref, sa akin at sa anak ko. Ako yung bumili ng ref, lahat ng nakikita mo sa paligid mo, sa akin. Damit mo lang ang sa’yo. Kung gusto mong makakain, magsipag ka. Maghanap ka ng trabaho. Tatlong araw na lang at iiwan ka na namin ng anak mo,” sagot naman ni Celine dito.
Tinawanan lang siya ng kanyang asawa sa kanyang pagbabanta na iiwan siya ng mga ito. Ang buong akala niya ay hindi kaya ng mag-ina na wala siya sa kanilang tabi.
Umabot ang isang buong linggo na nakahilata lamang sa bahay si John. Laking gulat nito nang makita ang kanyang mga magulang sa sala pagkalabas nito ng kwarto.
“John, mag-empake ka. Uuwi na tayo,” sabi ng ama nito kaya nagtaka siya kung bakit siya sinusundo ng kanyang mga magulang.
“Bakit niyo ako sinusundo, e dito ang bahay ko?” inis na sabi nito na siyang nagpapikon sa kanyang ina.
“Hindi ka na nahiya sa asawa mo! Ikaw na ang tamad, ikaw na ang walang trabaho, ikaw pa ang may ganang magreklamo!” nanggigigil na sabi nito habang pinipilit na hatakin ang kanyang anak.
“Kung ayaw mo talagang umalis dito sa bahay ni Cecil, papahatak na kita sa mga tanod!” muling sabi ng ina. Biglaan namang nagsipasukan ang nga baranggay tanod para hatakin palabas si John sa bahay ni Celine.
Nang dahil sa pag-alis ni John sa bahay ng mag-ina, naging maganda ang takbo ng pamumuhay nila. Napakasakit para kay Celine ang pag-alis ng kanyang mister, ngunit napagdesisyunan niyang mas makabubuti kung lumayo muna ito pansamantala upang matuto ng leksyon na hindi pwede ang tatamad-tamad kung ikaw ay isang haligi na ng tahanan.
Ilang buwan ang lumipas, tahimik na kumakain ng hapunan ang mag-ina sa kanilang maliit na tahanan, nang isang katok ang bumulabog sa kanilang katahimikan.
“Sino kaya ‘yan, mama? Alas diyes na ng gabi ah,” tanong ng nagtatakang anak.
“Teka, bubuksan ko,” sagot ni Celine sabay tayo upang buksan ang pinto.
Pagbukas niya ng pinto, hindi nila inaasahan ang kanilang nakita. Nakatayo at may luha sa mga mata si John dala ang kanyang mga kagamitan.
“Celine, patawarin mo ako. Naging walang kwentang asawa ako sa iyo. Nang dahil sa pagkakatanggal ko sa trabaho, naramdaman kong wala na akong kwentang tao. Ngunit imbes na bumangon upang lumaban sa buhay para sa inyong mag-ina ko, nilamon ako ng katamaran at kawalan ng kumpiyansa sa sarili,” umiiyak na salubong ni John kay Celine.
“At sa iyo naman, anak, patawarin mo si papa dahil hindi ako naging mabuti at huwarang ama. Kung tatanggapin ninyo ako, ipinapangako kong gagawin ko ang lahat upang makabawi. Miss na miss ko na kayo,” sabi naman ni John kay Omar.
Nagkatinginan ang mag-ina, at parehong tinamaan ng awa para kay John. Agad nila itong pinapasok at saka mahigpit na niyakap.
“May trabaho na ako. Natanggap ako bilang isang drayber sa isang malaking kompanya. Pinapangako ko sa inyo, hinding-hindi ko na ipagpapalit ang pamilya ko sa kahit na ano pang bagay,” wika pang muli ni John sa kanyang mag-ina.
Naging mabilis ang pagpapatawad ng dalawa sa haligi ng kanilang tahanan. Ani ni Celine, iyon lang naman ang gusto niya, ang matauhan ang kanyang mister sa mga pagkakamali niya. Nang dahil sa pangyayaring iyon, naging mas malapit ang tatlo sa isa’t isa. Naging buklod ang kanilang pamilya at hanggang ngayon, sila’y nagtutulungan at nagsusuportahan sa mga problemang hinaharap ng kanilang pamilya.