Inday TrendingInday Trending
Sa Sipag at Tiyaga

Sa Sipag at Tiyaga

“Di ka yayaman, mananatili kayong sadlak sa kahirapan! Di ka matalino, wala rin namang talento. Paano ka aasenso? Bayaran ninyo ang utang niyo!”

Iyan ang mga katagang paulit-ulit na tumatakbo sa utak ni Patrick, dalawampu’t isang taong gulang, habang siya’y nag-aaral sa ilalim ng paubos nang kandila. Naputulan na naman kasi sila ng kuryente dahil inuna muna ng kanyang mga magulang ang pagbabayad sa may-ari ng apartment na kanilang tinutuluyan. Sinugod kasi sila ng may-ari upang maningil ng renta at pinagsabihan ng masasakit na salita.

“Kaunting tiis, Patrick. Maiaahon mo rin ang buong pamilya mo sa kahirapan. Tama, hindi ka ganoong katalino. Hindi rin talentado. Pero maniwala ka, sipag at tiyaga ang magdadala sa iyo sa tagumpay!” bulong niya sa kaniyang sarili habang pinipigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha.

Kumakalam na rin kasi ang kaniyang sikmura dahil hindi pa sila nakakapaghapunan. Bukod kasi sa renta ay may dinagdag pang penalty ang may-ari na siya ring siningil sa kanila kanina. Tanging bente pesos na lamang ang naiwan sa mag-anak, na siya namang gagamitin ng kanilang ama kinabukasan papasok sa trabaho.

“Pasensiya na kayo mga anak, hindi ganitong buhay ang ipinangarap namin ng papa niyo para sa inyo,” naiiyak na sambit ni Leslie, ang ilaw ng kanilang munting tahanan.

“Huwag kayong mag-alala, bukas ay makaka-ekstra ako sa construction pagkatapos ko sa pabrika. Bibili tayo ng kalahating kilo ng hotdog! Paborito niyo ‘yon ‘di ba?” pinipilit na ngumiting sabi ni Nestor, ang haligi naman ng kanilang tahanan.

Naghiyawan naman sa tuwa at tila nakalimutan na walang kuryente at walang laman ang kanilang mga sikmura ang dalawang nakababatang kapatid ni Patrick. Napangiti na rin siya dahil napagtanto niya na ang samahan ng kaniyang pamilya ang pagkukunan niya ng lakas upang lumaban sa buhay at galingan sa kaniyang pag-aaral.

Ikaapat at huling taon na ni Patrick sa kursong Computer Science sa isang kilalang unibersidad. Sa tulong ng kaniyang mga magulang, pati na rin ang mga iskolarship na nakuha niya mula sa mga mayor at councilor sa kanilang lugar, sa wakas ay makaka-graduate na si Patrick.

Aminado si Patrick na mahirap makipagsabayan sa mga kaklase niyang marami nang alam sa kanilang pinag-aaralan. Ngunit hindi pinanghinaan ng loob ang binata dahil alam niya, at naniniwala siyang, ang lahat ay maidadaan sa sipag at tiyaga.

Sa nakalipas na apat na taon sa kolehiyo, sa tuwing uwian na ng mga kapwa niya estudyante ay nagpapaiwan itong si Patrick sa kanilang library. Doon, inaaral niya ang lahat ng maaari niyang matutunan upang makisabay sa mga kaklase niya. Kahit pa madalas ay niyayaya siya ng mga ito na lumabas o gumala muna kasama sila ay mas pinili niyang mag-aral.

Ilang buwan ang lumipas, nagising si Patrick sa malakas na galabog sa kanilang pintuan. Naroon na naman ang may-ari ng apartment upang marahas na maningil sa kanila. Naiintindihan niyang karapatan ng may-ari na maningil, pero hindi niya maintindihan kung bakit napakasakit nitong magsalita sa kaniya.

“Lumayas na kayo rito! Ayoko na, wala nang palugit pa! Mga hampaslupa kayo,” nanggigigil na sabi ng may-ari sa kanila.

At dahil wala pang maipambayad, wala nang nagawa ang kanilang pamilya kung hindi ang mag-alsa balutan at maghanap na ng pansamantalang matutulugan.

“Mama, papa, saan po tayo matutulog?” tanong ng bunsong si Carlene habang sila ay nakaupo sa tabing lansangan.

Dahil walang mga kamag-anak sa Maynila, maluha-luhang inilabas ni Nestor ang apat na pirasong karton at saka dahan-dahang inilatag sa gilid ng kalsada. Naglabas naman ng mga kumot at unan si Leslie, at saka mahigpit na niyakap ang mga anak.

“Halika, matulog na muna tayo. Yayakapin kayo ni mama para hindi na kayo lamigin pa,” wika ni Leslie na halatang nagpipigil ng kaniyang mga luha.

Nang makatulog na ang mga bata, tumapat na lamang sa maliwanag na poste itong si Patrick hawak ang kaniyang aklat. Huling pagsusulit na niya kinabukasan, at ‘di niya inaasahang ganoon pa ang kanilang sasapitin.

Makalipas ang isang linggo, hindi pa rin nakakahanap ng bagong matitirhan ang kanilang mag-anak. Karamihan kasi ng nagpapa-upa sa Maynila ay nanghihingi ng isang buwang advance payment, at dalawang buwang deposito. Wala pang ganoong pera ang mag-asawa kahit nagpapakakuba na sila sa pagta-trabaho.

“Ma! Pa!” masayang-masayang sabi ni Patrick nang siya ay umuwi galing eskwela.

“Su- suma Cum Laude po ako!”

Nanlaki ang mata ng mag-asawa. Hindi nila akalaing makakaya ng kanilang anak na magtagumpay sa eskwela sa kabila ng lahat ng pinagdadaanan ng kanilang pamilya. Naiyak naman sa tuwa si Leslie at pinangakong pupunta ang buo nilang pamilya kinabukasan sa araw ng pagtatapos ng binata.

Naging madamdamin ang pahayag ni Patrick tungkol sa pinagdadaanan nilang mag-anak, at ang hirap na naranasan niya makapagtapos lamang ng pag-aaral. Nagtayuan at nagpalakpakan ang mga tao matapos ang kaniyang talumpati.

Pabalik na sila sa kalsada upang makapagpahinga, nang isang lalaki ang lumapit sa kanila.

“Hijo? Ikaw ‘yong Suma Cum Laude sa taong ito, tama ba?” tanong ng lalaki.

“Opo, ako nga po. May maitutulong po ba ako?” tugon naman ni Patrick.

Laking gulat niya sa naging sagot ng misteryosong lalaki.

“Kinilabutan ako sa talumpati mo. Hindi ko inakalang may estudyante pa palang ganiyan kasipag sa panahon ngayon. Kung papayag ka, gusto ko sanang kunin ka sa kompanya ko bilang isang specialist. Sigurado ako, sa sipag mo ay magiging asset ka ng kompanya,” mahabang paliwanag nito.

“At isa pa, huwag mo nang alalahanin ang tirahan ninyo. Kung papayag kang magtrabaho sa amin, ngayon din ay ibibigay ko ang susi ng tutuluyan ninyong bahay,” nakangiting dagdag ng lalaki.

Hindi makapaniwala si Patrick sa alok ng lalaki. Hindi siya nagdalawang isip at tinanggap na ang alok nito.

Ilang buwan lamang ang lumipas at kitang-kita kung gaano na kalaki ang iniunlad ng kanilang pamilya. May sarili nang bahay, nakadamit ng maayos, pumapasok sa pribadong eskwelahan ang dalawa niyang kapatid, at napatayuan niya pa ng maliit na tindahan ang kaniyang ina.

Tunay ngang may nahihita sa sipag at tiyaga!

Advertisement