Inday TrendingInday Trending
Bawal Daw Sabi ng Boypren Ko

Bawal Daw Sabi ng Boypren Ko

Malapit na magkakaibigan simula pa noong kolehiyo sina Joanna, Grace, at Cristine. Halos gabi-gabi silang magkasama dahil hilig ng kanilang barkada na lumabas upang magparty sa iba’t ibang bar sa Maynila. Kada alas singko ng hapon, matapos sa kani-kanilang trabaho ay aregladong magkakasama na ang tatlong nag-aayos upang maghanda sa pupuntahang gala.

Pare-parehong single ang magkakaibigang ito, kaya’t labis ang naramdaman nilang pagbabago noong nagkaroon na ng nobyo si Cristine. Kung noon ay laging magkakasama, ngayon, sa tuwing niyayaya ni Joanna at Grace si Cristine upang lumabas ay palaging negatibo ang sagot nito.

“Hindi raw pwede e, sabi ni Matteo. Pasensiya na. Sa susunod na lang siguro,” ayan ang madalas na sagot ni Cristine sa tuwing niyayaya siyang lumabas ng dalawa.

Nakilala ni Cristine si Matteo sa kaniyang opisina. Matagal nang magkatrabaho ang dalawa, at nito lang din lamang nang magtapat ang binata ng nararamdaman niya para sa dalaga. Dahil sa masugid nitong panliligaw ay mabilis niya namang nakamit ang matamis na oo ni Cristine.

“Ano ba ‘yan? Bakit palaging bawal bawal bawal! Nag-iba na ‘yan si Cristine! Halika’t puntahan natin sa opisina niya. Makakarinig talaga sa’kin ang babae na ‘yan,” nanggigigil na sabi ni Joanna habang tumatawag ng taxi kasama si Grace.

Nang makarating sa opisina ni Cristine, agad nilang namataan ang kaibigan na nakaupo sa lobby. Nilapitan kaagad siya ng dalawa at saka kinausap.

“Cristine! Ano ka ba? Simula nang nagka-boypren ka, ganiyan ka na?!” inis na inis na bungad ni Grace sa kabigan.

“Oo nga! T*ngina, ‘wag na ‘wag kang lalapit sa amin kapag na-broken hearted ka o kaya kapag nagkaproblema ka ha? Bwisit ka!” dagdag naman ni Joanna.

Hiyang-hiya naman itong si Cristine dahil agad silang pinagtinginan ng mga tao.

“Pa-pasensiya na kayo… Eh kasi…” uutal-utal na paliwanag ni Cristine.

“Magpapaliwanag ka pa! E under na under ka lang ata sa boypren mo!” sigaw ni Joanna.

Natigilan sila nang bigla na lamang makarinig ng sigaw ng isang lalaki. Kanina pa pala nakikinig sa isang sulok ang boypren ni Cristine na si Matteo.

“Oo, tama kayo. Payo ko kay Cristine na iwasan na ang pagsama sa inyo. Bakit? Kasi, mga bad influence kayo! Wala kayong ibang ginawa kung hindi ang uminom, manigarilyo, at makipaglandian sa kung sino-sino sa tuwing magpa-party kayo. Hindi na uubra ngayon kay Cristine, dahil magkakaroon na kami ng sariling pamilya,” tugon ni Matteo sa dalawang babae.

“Totoo. Tama ang sinasabi ni Matteo. Buntis ako, kaya’t iniiwasan ko na ang pagsama sa inyo. Napagtanto ko kasi na walang magandang mapapala sa mga nakasanayan nating gawi. Pasensiya na kung sa ganitong paraan niyo pa nalaman. Pero mahalaga kayo sa’kin, kaya’t sana ay magbago na kayo. Matatanda na rin kasi tayo,” sagot naman ni Cristine.

“Wow! Kami pa ang masama ha?! Halika na Grace! Umalis na tayo rito!” palabang sigaw naman ni Joanna at saka nagmadaling umalis sa opisina ng kaibigan.

Malungkot man si Cristine ng dahil sa nangyari, alam niyang kailangan na niyang magbago para sa kapakanan ng magiging anak niya. Sawa na rin kasi siya sa ganoong klase ng pamumuhay. Magmula nang makilala niya si Matteo, napagtanto niyang hindi magandang makita sa isang babae ang hilig nilang gawain noon.

Ilang buwan pa ang lumipas at patuloy na lumaki ang tiyan ni Cristine. Nakaplano na rin ang nalalapit na kasal nila ni Matteo bago pa niya iluwal ang bata. Bago iyon, gaganapin muna ang baby shower kung saan magsasalo-salo ang malalapit na kaibigan ng magkasintahan kasama ng kanilang mga pamilya upang malaman ang kasarian nang dinadala niyang sanggol.

Habang nagkakainan sa nasabing baby shower, laking gulat ni Cristine nang bigla na lamang dumating ang dalawa niyang kaibigang sina Joanna at Grace.

“Cristine… Patawarin mo kami sa inasal namin sa opisina mo noon. Napagtanto rin namin na tama ka. Tumatanda na kami at hindi na magandang ganito pa rin ang nakawilihan naming gawain… Sana’y tanggapin mo pa rin kami bilang mga kaibigan mo, dahil sa ngayon ay nagbabago na kami,” naluluhang sabi ni Joanna habang iniaabot naman ni Grace ang munti nilang regalo para sa ipinagbubuntis ni Cristine.

Agad naman silang niyakap ni Cristine.

“Mahal na mahal ko kayo, girls. Maraming salamat at naisipan niyo nang magbago. Para ito sa kapakanan natin,” nakangiting sabi ng babae.

“Huwag kayong mawawala sa binyag ha? Ninang kayong dalawa ng anak namin,” nakangiti namang sabi ni Matteo.

Nang isilang na ang babaeng sanggol ni Cristine at Matteo, agad na nagtungo ang dalawa sa ospital upang masilayan ang magandang mukha ng bata. Doon, ipinangako nilang magiging mabuting ninang sila sa bata. Gagabayan nila ito upang hindi maligaw ng landas kagaya ng nangyari sa kanila noon. Mula noon ay lalong nagtibay ang pagkakaibigan ng tatlo.

Advertisement