Inday TrendingInday Trending
Ma, Pangit ba Ako?

Ma, Pangit ba Ako?

Ilang na ilang na naman si Melinda habang naglalakad siya sa mall. Pinagtitinginan na naman siya ng mga tao lalo na ng mga lalaki. Hindi niya maunawaan kung bakit sa tuwing naglalakad siya at may makakasalubong ay laging tumitingin ang mga ito sa kaniyang mukha. Ganoon na ba siya kapangit? Kaya ang ginagawa niya ay yumuyuko na lamang. Hindi niya kayang tumingin sa mga mata ng ibang tao.

Bata pa lamang si Melinda ay naiparamdam na sa kaniya ng kaniyang pamilya na hindi siya maganda.

Ang kaniyang papa ay may dugong Kastila kaya matangkad ito at matangos ang ilong. Ang mama naman niya ay dating beauty queen sa Pangasinan. Kuwento nito ay sasali sana ito sa Binibining Pilipinas subalit nakilala nito ang kanilang papa kaya nakapag-asawa ng maaga.

Ang kaniyang nakatatandang kapatid naman na si Mariah ay tila isang buhay na manika. Matangkad, maputi at balingkinitan. Ubod ng ganda sa paningin at pamantayan ng lipunan. Hindi nawawalan ng manliligaw. Laging isinasali at nagwawagi sa mga pagandahan. Kaya naman tuwang-tuwa kay Mariah ang kanilang mama. Ito kasi ang nagpatuloy sa frustration nito sa buhay.

Ramdam ni Melinda na mas paborito at pinapaboran ng kanilang mama ang kaniyang Ate Mariah kaysa sa kaniya. Nasanay si Melinda na ang kaniyang mga damit at gamit ay mga pinaglumaan ng kaniyang ate o ayaw na nito. Lagi rin itong isinasama sa mga lakaran at ipinakikilala sa mga amiga. Laging may bagong gamit. Ito ang “apple of the eye” ng lahat. Tinanggap ito ni Melinda. Umukilkil sa kaniyang isipan na pangit siya kahit na maraming nagsasabing maganda siya.

Sa tuwing may nagsasabi sa kaniyang maganda siya ay hindi mapakali si Melinda. Lagi niya kasing naaalala ang kaniyang mga magulang at ang kagandahan ng kaniyang ate. Nagkaroon ng kaisipan si Melinda na ang pamantayan ng kagandahan ay ang mukha ni Mariah.

Bumaba ang tiwala sa sarili ni Melinda lalo kapag ipinaghahambing sila ng kaniyang ate. Minsan kahit wala pang sinasabi ang tao ay agad nang nakararamdam ng panliliit sa sarili si Melinda. Hindi malilimutan ni Melinda noong makita silang dalawa ni Mariah sa isang mall ng kasamahan sa trabaho ng kanilang papa. Nagtaka ito dahil magkapatid daw sila ni Mariah pero hindi magkamukha. Dito na napagtanto ni Melinda na hindi siya maganda dahil hindi niya kamukha ang ate niya.

Maraming nagtangkang manligaw kay Melinda subalit hindi niya ito pinag-aksayahan ng panahon. Isinubsob niya ang kaniyang atensyon sa pag-aaral upang ipagmalaki siya ng kaniyang mga magulang. Ayaw niyang makarinig mula sa mga ito na hindi na nga siya maganda hindi pa siya matalino.

Consistent dean’s lister si Melinda. Nakuha niya ang atensyon ng kaniyang mga magulang dahil dito subalit hindi ganap lalo na ng kaniyang mama na wala pa ring bukambibig kung ‘di si Mariah. Mas ibinida pa nito ang pagkakapasok ni Mariah sa Binibining Pilipinas.

“Ma, bakit kayo ganiyan? Hindi niyo ba ako mahal?” tanong ni Melinda sa kaniyang mama. Napatigil ang babae dahil sa kaniyang tanong. “Melinda, anong sinasabi mo?”

“Lagi na lang si Ate Mariah ang pinupuri ninyo! Laging siya ang bida! Porke’t ba hindi ako maganda? Tanggap ko naman pong pangit ako pero huwag niyo naman akong ituring na wala lang ako sa inyo!” humahagulgol na sumbat ni Melinda sa kaniyang mama. Hindi na niya napigilan ang hinanakit na matagal na niyang kinimkim noong bata pa siya. Napalabas din sa kaniyang kwarto si Mariah nang marinig ang tinig ng kapatid.

“Bakit mo sinisigawan ang mama, Melinda?” tanong ni Mariah sa bunsong kapatid.

“Ikaw, ate! Ikaw na naman ang bida. Ikaw na naman ang laging maganda. Sa iyo na naman ang atensyon ng lahat. Kaunting kibot mo lamang pinupuri na. Samantalang ako ni hindi niyo man lamang mapuri! Parte pa ba ako ng pamilyang ito?” puno ng hinanakit na saad ni Melinda.

Nilapitan ng ina si Melinda at niyakap ito.

“Patawarin mo ako, anak, kung naiparamdam ko sa iyo ang bagay na iyan. Pantay-pantay ang tingin ko sa inyo. Mahal ko kayo ni Mariah. Nakikita ko lang kasi ang sarili ko sa kaniya. At hindi totoong hindi ka maganda, anak. Huwag mong itanim sa isip at puso mo ang bagay na iyan,” sabi ng mama ni Melinda.

Dumating na rin ang kanilang papa mula sa trabaho at kanina pa pala nakikinig sa usapan nilang tatlo.

“Patawarin mo kami, anak, kung pakiramdam mo ay hindi ka namin mahal o may paborito kami. Napansin kasi namin na inilalayo mo ang sarili mo sa amin noon pa. Maganda ka, tatandaan mo iyan. May mga pansarili kang katangian na unique sa iyo kaya hindi mo kailangang maliitin ang sarili mo,” paliwanag ng papa ng dalagita.

Niyakap si Melinda ng kaniyang mga magulang at ganoon na rin si Mariah. Napagtanto ni Melinda na kahit kailan ay wala namang nagsabi sa kaniyang pangit siya. Sa katunayan ay may mga pumupuri pa nga sa kaniyang kagandahan subalit hindi lamang niya pinapansin dahil sa mababa ang tingin niya sa kaniyang sarili. Simula noon ay naging maganda na ang relasyon ni Melinda sa kaniyang pamilya. Ginamit niya ito upang mapaganda naman ang tingin niya sa kaniyang sarili.

Advertisement