
Ang Itim na Tupa ng Pamilya
“Tinulungan niyo na naman ‘yang paborito niyong anak!” sambit ni Angelo sa kaniyang amang si Mang Berto. “Kailan niyo ba matatanggap, tay, na wala ng pag-asa ‘yang si Kuya Dave? Imbes na maaasahan siya sa bahay ay puro kahihiyan na lang ang dinadala niya sa atin. Bakit hindi na lang niya alagaan ang nanay nang sa ganoon ay may pakinabang siya? Walang ginawa kung ‘di mamerwisyo!” dagdag pa ng binata.
Masama ang loob ni Angelo sa amang si Mang Berto sapagkat lagi nitong sinasalo ang kapalpakan ng kaniyang Kuya Dave. Madalas kasing laman ng basag-ulo at iba pang kaguluhan sa kanilang lugar kaya madalas ay kung hindi sa himpilan ng pulisya ay sa opisina ng barangay ito dinadampot ng kaniyang ama.
Hirap sila sa kanilang buhay lalo pa at nakaratay ang kanilang ina na may c*ncer. Kahit na may part-time na trabaho itong si Angelo ay hindi sasapat ang kinikita niyang pera para sa kaniyang matrikula. Ilang buwan na lang kasi ay magtatapos na siya sa kaniyang kursong Engineering.
“Baka sa susunod, tay, ay hindi na lang sa kulungan natin sinusundo ‘yang si kuya. Baka mamaya sa morgue na! Mas maayos nga ‘yun nang mawalan na tayo ng sakit ng ulo!” galit na sambit ni Angelo sa ama.
“Tigilan mo ang pagsasalita ng ganiyan sa kuya mo. Tama na ‘yan at sumosobra ka na!” sigaw na tugon naman ni Mang Berto. “Ang hirap sa’yo ayaw mong bigyan ng pagkakataon ang kuya mo na magbago! Laging masama na lang ang tingin mo sa kanya!” pagtatanggol ng ama sa kapatid.
“Tay, ako pa ang hindi nagbigay ng pagkakataon? Ilang beses na ba akong nagparaya para sa kaniya. Hindi ba tumigil ako sa pag-aaral para lang makapag-aral siya? Pero ano ang ginawa niya? Puro siya pagbubulakbol. Ang matindi pa nun ay pinagnakawan niya ang eskwelahan. Buti nga hindi siya kinulong,” tugon ni Angelo.
“Tsaka tignan niyo. ‘Yang pinangpiyansa niyo sa kaniyang pera ay dapat ginastos na lamang sa pagpapagamot kay nanay o kaya pangmatrikula ko. Tanggapin niyo na lang kasi, tay, na wala ng pag-asa ‘yang anak niyo,” dagdag pa ng binata.
Narinig naman ni Dave ang mga tinuran ng kaniyang kapatid. Naisip niya ang pinagdadaanan ng kanilang pamilya. Nakokonsensya siya sapagkat ang kaniyang ina ay halos mabawian na ng buhay at nangangailangan ng mahal at matagalan na gamutan. At ang kapatid naman niya ay naghahagilap din ng pera para sa kaniyang matrikula. Sa puntong iyon ay natauhan ang binata na magbago na.
Isang madaling araw ay nagising si Angelo dahil sa ingay na nanggagaling sa labas ng kanilang bahay. Nagkakagulo ang mga kapitbahay at maraming pulis ang nakapalibot sa bahay nila. Nang tinangka ng binata na lumabas ng silid upang tignan ang kaganapan sa labas ay nakita niya ang kaniyang Kuya Dave na balisang-balisa at may dugo ang damit. May kutsilyo din itong hawak habang inaalo ang kanilang ama na nanginginig din sa takot.
“T*ngina, kuya, ano na namang kawal*ngyaan ang ginawa mo?” Halos maputol ang litid ni Angelo sa gigil sa kapatid. “Ano, tay? Ano na naman ang balak niyong gawin? Itatago niyo ang kuya? T*ngina! Puro kahihiyan na lang ba ang dadalhin mo sa pamamahay at pamilya na ‘to,” dagdag pa ng binata.
Mayamaya ay sapilitan nang binuksan ng mga pulis ang kanilang pintuan at nakita ang tatlo na nagtatalo.
“Susuko na po ako! Wala po silang kinalaman dito. Naabutan lang po nila akong ganito. Susuko na po ako. Huwag niyo lang silang idamay!” natatarantang sambit ni Dave sa mga pulis habang nakataas ang kaniyang mga kamay. Agad siyang nilapitan ng mga pulis at dinakip. Pinosasan siya at dinala sa himpilan ng pulisya.
Nagtataka naman si Angelo sa mga nangyayari. Bakit duguan ang kaniyang kapatid. “Tay, ano ba ang nangyari? Magsabi naman kayo!” pagpupumilit ng binata sa ama. Ngunit tikom lamang ang bibig nito at tulala pa rin dahil sa mga pangyayari.
Napag-alaman ni Angelo sa iba nilang kapitbahay na nilooban pala ang bahay ng isang matanda na nakatira sa hindi kalayuan. Kinuha ang mga mamahaling alahas at ang selpon ng matanda. Nang mapansin ng lola na may ibang tao sa bahay ay agad itong nanlaban. Sa takot ng salarin na makilala siya ng biktima ay inundayan niya ito ng saksak at nap*tay.
Lubusang galit ang naramdaman ni Angelo sa kaniyang Kuya Dave. Ni ayaw niya itong puntahan sa kulungan upang dalawin. Ilang buwan na ang nakakalipas at pilit ibinabaon ni Angelo ang kahihiyan na ginawa ng kaniyang nakatatandang kapatid.
“Tignan mo naman ang kalagayan ng kuya mo doon sa kulungan, Angelo. Dalawin mo naman siya,” sambit ni Mang Berto sa binata. “Wala akong kapatid na kriminal,” tugon ng binata sa ama.
“Huwag kang magsalita ng ganiyan sa kuya mo! Kuya mo pa din siya!” wika naman ng ama.
“Puwede ba, tay, ayan na naman kayo! Hindi na magbabago ang kuya! Bakit ba hindi niyo na siya sukuan? Wala na kayong ginawa kung ‘di ipagtanggol ‘yang anak niyong pinaglihi yata sa dem*nyo!” sumbat ni Angelo sa ama. May sasabihin pa sana ang binata nang biglang lumapat ang kamay ni Mang Berto sa pisngi nito.
“Tigilan mo na ‘yan! Hindi dem*nyo ang kapatid mo!” sigaw ni Mang Berto.
“Talaga, tay? Ano ang tawag niyo sa nagnakaw at pum*tay ng walang awa!” mariing tugon ng binata.
“Tigilan mo na ‘yan, Angelo, sapagkat hindi kuya mo ang totoong may sala kung hindi ako!” Halos maupos si Mang Berto dahil sa kaniyang pag-amin. Napaupo na lamang ang lalaki habang inaamin sa anak ang lahat.
“Ako ang nanloob sa bahay nung matanda! Kailangan natin ng pera para sa nanay mo at pangmatrikula mo kaya naisipan kong kumuha ng kaunting alahas niya at gamit. Naisip ko na dahil matanda na naman ito ay magiging madali para sa’kin na salisihan ito. Pero nakita niya ko. Namukhaan niya ko. Nataranta ako noon kaya bigla ko na lamang siyang nas*ksak. Hindi ko naman talaga balak ang pum*tay, Angelo! Ang gusto ko lang ay makakuha ng pera para naman matustusan ko ang pagpapagamot ng nanay mo at makapagbayad ka na ng matrikula!” saad ni Mang Berto na walang tigil sa paghagulgol.
“Pagpasok ko sa pinto ay nadatnan ko ang kuya mo na gising at nasa mesa. Naghahanap siya ng trabaho sa dyaryo! Nang makita niyang duguan ako at takot na takot ay agad siyang nakipagpalit ng damit sa akin at kinuha ang kutsilyo sa aking kamay. Pinunasan niya ang katawan ko upang walang makitang marka ng dugo sa akin,” pagpapatuloy ng ama ni Angelo.
“Inako ng kuya mo ang kasalanan na hindi naman talaga siya ang may gawa kaya tigilan mo na ang kuya mo! Oo, naging sakit siya ng ulo natin ngunit hindi puro kasamaan lamang ang kuya mo,” walang tigil sa pag-iyak si Mang Berto.
“Patawarin mo ako, anak. Patawin mo na rin ang kuya mo!” pagmamakaawa ng ama.
Hindi makapaniwala si Angelo sa kaniyang narinig. Ang buong akala niya ay ang kuya niyang basagulero ang nakagawa ng krimen. Hindi niya akalain na ang kaniyang ama pala ang tunay na may sala at pinagtakpan lamang ito ng kaniyang nakatatandang kapatid.
Pinuntahan ni Angelo ang kaniyang kuya sa kulungan upang kausapin.
“Kuya, alam ko na ang totoo. Bakit mo ginawa ‘yon?” tanong ni Angelo sa kapatid.
“Marami na akong nagawang kasalanan sa inyo, sa pamilya natin. Si tatay ang laging umaayos ng mga gusot ko. Nagtiwala siya sa akin na kaya kong magbago. Ayaw ko siyang makulong, Angelo. Mas wala namang silbi ang buhay ko kung ikukumpara sa kaniya kaya inako ko na lang ang lahat,” saad ni Dave.
“Kahit anong gawin ko ay talagang nahihirapan akong magbago kaya hindi ko rin naman kayo masisisi kung hindi niyo na ako pagkakatiwalaan pang muli. Ayos lang ako dito. Mas nanaisin ko pang ako ang nakapiit kaysa kay tatay,” wika ni Dave. Napayuko na lamang si Angelo.
Nang makauwi ang binata ay sinabihan siya ng kaniyang ama ukol sa desisyon nitong sumuko na.
“Hindi na kakayanin ng aking konsensya ang lahat ng ito. Isusuko ko na ang aking sarili sa mga pulis. Hindi dapat ang kuya mo ang nagdurusa doon kung ‘di ako. Isa lamang ang ipapakiusap ko sa’yo, Angelo. Pakisamahan mo ang kuya mo ng maayos. Huwag mo siyang susukuan. Magbabago din siya. Naniniwala ako diyan,” habilin ni Mang Berto.
‘Di naglaon ay isinuko ni Mang Berto ang kaniyang sarili at napakawalan si Dave nang mapatunayan na wala nga itong kasalanan.
Sa paglabas ni Dave sa kulungan ay sinalubong siya ng kaniyang kapatid.
“Patawarin mo ako sa lahat ng mga hindi tamang ginawa ko noon. Pangako gagawin ko ang lahat upang makabawi,” wika ni Dave sa kapatid.
“Patawarin mo rin ako, kuya. Palagi kitang nahuhusgahan. Hindi ko kaya ang ginawa mong pagsalo sa kasalanan ni tatay,” tugon naman ni Angelo.
“Ngayon ay magkasama nating iaahon ang ating pamilya sa lahat ng pagdurusa na ito. Naniniwala ako sa’yo, kuya. Kaya mong magbago. Katuwang mo ako sa lahat ng ito,” dagdag pa ni Angelo.
Mula noon ay tuluyan na ngang nagbago si Dave. Hindi na ito nasangkot pa sa kahit anong gulo. Nakahanap na rin ito ng trabaho at tinutulungan ang kaniyang kapatid sa pagpapagamot ng kanilang ina. Si Angelo naman ay nakapagtapos na rin ng pag-aaral at isa ng ganap na inhinyero. Hindi nila pinabayaan ang kanilang pamilya. Magkasama ang magkapatid na pinagtagumpayan ang lahat ng hamon ng buhay na dumating sa kanila.