Walang araw na hindi pinagsabihan ni Aling Mildred ang kanyang anak na si Diane. Naiinis siya sa anak sapagkat may tinapos naman ito sa kolehiyo ngunit ayaw maghanap ng trabaho. Ang gusto niya ay magnegosyo at magbenta lamang ng kung anu-ano. Paaral kasi si Diane ng kanyang kapatid na isang OFW kaya naiisip ni Aling Mildred na baka ikasama ng loob ng ate ng dalaga ang hindi nito pagtupad sa kanilang plano na maging isa siyang nurse.
“Anak naman, kapag nalaman ng ate mo na ayaw mong humanap ng trabaho ay malalagot ka na naman doon. Alam mo naman na ginapang niya sa ibang bansa ang pag-aaral mo para lang makatapos ka. Tapos ayaw mo pang maghanap ng trabaho. Ano ang mapapala mo d’yan sa pagbebenta mo sa online ng mga damit? Tignan mo at napupuyat ka lang sa kakakuha ng larawan sa mga ‘yan,” wika ng ina.
“Nay, hindi naman po sa ayaw kong humanap ng trabaho. Pero noon pa po alam nyo naman na pagnenegosyo ang gusto ko. Pinilit ninyo lang naman ako ni ate na kumuha ng nursing. Hindi ko naman ‘yun linya. Ipinasa ko na rin naman po ang board exam, nay, bakit hindi ninyo muna ako hayaan sa gusto ko,” tugon ng anak.
“Pero sayang ang pinag-aralan mo at sayang ang pinangpaaral sa’yo. Bahala ka kapag tumawag ang ate mo ha,” sambit pa ni Aling Mildred.
“Oo na po, nay. Ito lang naman po ang hinihiling ko sa inyo. Pagbigyan ninyo muna po ako. Kung hindi po ako magtatagumpay dito ay itutuloy ko na po ang pagne-nurse ko,” pangako ni Diane sa kanyang ina.
Kinabukasan ay tumawag nga ang kanyang ate na galit na galit nang malaman na hindi niya gusto na humanap ng trabaho bilang isang nurse.
“Ano ka ba naman, Diane! Bakit mo sinasayang ang pinag-aralan mo para lang sa mga ganyan. Wala ka talagang kapanga-pangarap. Hindi mo ba alam kung ano ang kailangan kong danasin dito sa ibang bansa para lang tustusan ko ang pag-aaral mo! Sana pala ay pinangpagawa na lang ng bahay yung pinangmatrikula mo, ayaw mo rin palang gamitin.” panunumbat ng nakatatandang kapatid.
“Ate, nangako naman ako kay nanay na kung hindi ako magtatagumpay dito sa ginagawa ko ay maghahanap na ako ng trabaho. Sa ngayon bigyan ninyo muna kasi ako ng pagkakataon para naman patunayan ko ang sarili ko,” tugon ni Diane.
“Wala kang kinabukasan sa pagbebenta ng kung anu-ano sa internet, Diane. Nasa iyo na ang lahat ng oportunidad, bakit hindi mo gamitin? Hindi ba ang plano natin ay kukuha ka lamang ng karanasan diyan sa Pilipinas tapos ay susunod ka na dito sa ibang bansa. Mas malaki ang kikitain mo, Diane. Magkano lang ba ang tinutubo mo diyan sa pagtitinda mo?” naiinis na pahayag ng kanyang ate.
Hindi na nakasagot si Diane sapagkat alam niyang dadaan siya sa butas ng karayom para tuluyang magtagumpay ang kanyang online store. May punto naman ang kanyang ate. Totoo naman na mas malaki ang kanyang kikitain sa pagtatrabaho sa ibang bansa bilang isang nurse. Lalo pa at malaki ang demand sa ganitong trabaho.
“Hindi ako susuko. Papatunayan ko sa kanila na may patutunguhan itong pagbebenta ko,” wika ni Diane sa kanyang sarili.
Madalas ay abutin na ang dalaga ng madaling araw sa pagkuha lamang ng larawan at pag-upload nito sa internet. Ngunit lubusang matiyaga itong si Diane.
“Anak, puyat ka ng puyat. Kumikita ka ba sa ginagawa mo?” pag-aalala ni Aling Mildred sa kanyang anak.
“Sa totoo lamang po, nay, ay maliit lamang ang kinikita ko. Pero ganon naman po talaga kung nagsisimula ka pa lang sa negosyo, ‘di ba?” pagpapaliwanag ni Diane.
“Naaawa na ako sa’yo, anak. Alis ka ng alis. Umulan o umaraw, namimili ka. Baka nga talo ka pa sa pagod at pamasahe, eh. Inoobserbahan ko ang tinda mo, wala naman gaanong bumibili, napakatumal,” wika ng ina. “Hindi kaya mas mabuti na sundin mo na ang ate mo?” dagdag pa niya.
Kahit na walang sumusuporta sa kagustuhan ni Diane ay hindi siya pinanghinaan ng loob bagkus ay lalo pa siyang nagsikap. Kahit na napupuyat at napapagod ay hindi niya ito ininda.
Isang araw ay nakatanggap si Diane ng isang mensahe mula sa isang kumpanya na nagbebenta din ng mga damit. Nais nitong subukan ang kaniyang mga itinitinda na kanya rin namang inaangkat. Kahit na medyo may pag-aalinlangan ang dalaga ay agad siyang tumugon. Nagpadala siya ng mga sampol ng damit at nang magustuhan naman ito ng kumpanya ay agad silang nagbigay kay Diane ng paunang bayad. Gulat na gulat si Diane sa laki ng perang kanyang natanggap at sa laki ng order sa kanya ng nasabing kumpanya.
Lubusan ang kaligayahan ng dalaga sapagkat sa wakas ay mapapatunayan na niya sa kanyang nanay lalo sa kanyang ate na may napatunguhan ang kanyang paghihirap. Naaatat na si Diane na ipagmayabang sa kanyang ate na walang ginawa kundi maliitin ang kanyang ginagawa. Ngunit nagbago ang lahat ng ito ng makausap niya ang babaeng may ari ng kumpanya.
“Nagagandahan talaga ako sa mga paninda mo. Hindi nagkamali ang ate mo sa pagrekomenda sa iyo,” sambit ng may ari ng kumpanya.
“Anong ibig ninyo pong sabihing si ate ko po?” pagtataka naman ni Diane.
“Kaklase ko nga pala ang ate mo noong kolehiyo. Hindi mo ba alam? Sa katunayan nga alam ko ay halos lahat kaming mga kaibigan niya ay binigyan niya ng listahan ng mga binebenta mong damit. Tamang-tama naman na kakatapos lamang ng kontrata namin sa dating nag-supply sa amin kaya minabuti kong subukan ang paninda mo,” dagdag pa ng babae.
Panandaliang natigilan si Diane sapagkat hindi niya akalain na kahit ganoon pala ang sinasabi ng kanyang ate ay palihim pala siyang tinutulungan nito. Pagkatapos ng kaniyang transaksyon sa kumpanya ay agad siyang tumawag sa kanyang ate.
“Ate, salamat,” saad ni Diane hindi pa man nakakapag-hello ang kapatid. “Para saan naman?” tugon ng kanyang ate.
“Alam ko na ang ginawa mo, ate,” wika ng dalaga. “Maraming salamat kasi akala ko hindi mo ako sinusuportahan sa gusto ko. Salamat ate, ha,” naiiyak na wika ni Diane.
“Wala naman akong gusto kung hindi mapaayos lamang ang buhay mo, Diane. Bilang ate mo ay wala akong hinangad na makakasama sa’yo. Naisip ko kasi na kung ayaw mo talagang mag nurse at gusto mo ‘yang ginagawa mo sa ngayon ay tulungan na lamang kita. Ganon naman ang magkapatid, ‘di ba? Nagtutulungan,” dagdag pa nito.
Mula noon ay pinagpatuloy na ni Diane ang kanyang pagtitinda online. Madalas din siyang tulungan ng kapatid. Bumibili ang ate ni Diane ng mga bagay sa ibang bansa at kanila itong binebenta dito sa Pilipinas. Dahil sa lakas ng kanilang kita ay napagawa na rin nila ang kanilang bahay. Malapit na ring umuwi ang kanyang ate at manirahan na dito ng tuluyan at ipagpatuloy na lamang ang kanilang nasimulang negosyo sa online.