Inday TrendingInday Trending
Totoo ba ang Pamahiin?

Totoo ba ang Pamahiin?

Maraming taon na ang nakalipas mula nang sumakabilang buhay ang asawa ni Cecilia. Naaksidente ito sa barko kaya ganoon na lamang ang pag-iyak niya. Naiwan sa kaniya ang nag-iisang anak na si Renan.

Malaki ang paniniwala ng ginang sa mga pamahiin. Sa katunayan ay alam niyang kaya pumanaw ang kaniyang mister ay dahil hindi nito sinunod ang kaniyang bilin.

“Tignan mo ang mister ko. Kung nakinig lamang siya sa akin, eh, ‘di sana ay kapiling pa namin siya nitong si Renan ko,” kuwento ni Cecilia sa kumare.

Kasalukuyan silang nasa bahay upang magsalu-salo. Kumpleto ang kaniyang mga kamag-anak at kaibigan dahil matapos ang ilang taong pagtatrabaho sa Amerika ay nagbakasyon muli rito sa Pinas si Renan.

Tahimik lang namang nakikinig ang binata.

“Bakit, mare, ano ba iyong bilin mo?” usisa ng kumare ni Cecilia. “Aba, eh, bago siya umalis noon napansin kong naghikab siya. Gawa nga siguro ng puyat sa page-empake. Sabi ko kapag maghihikab takpan niya ang bibig niya dahil baka pasukin ng dem*nyo ang katawan niya. Tinawanan lang ako. Ayan.” Bumuntong-hininga pa si Cecilia bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Minalas. Iniwan kami agad.”

Nalungkot at hindi nakaimik ang mga nakikinig. Nabasag lang ang katahimikan nang ‘di sinasadyang mailaglag ni Renan ang hawak nitong tinidor.

“Naku! May bisita, lalaki,” wika agad ni Cecilia.

“Paano mo naman po nasabi, ma?” takang tanong ni Renan. “Nalaglag ang kubyertos, eh. Kapag tinidor lalaki. Kapag kutsara naman babae.”

Ilang minuto silang naghintay pero wala namang dumating. Kibit-balikat lang si Renan sa kaniyang ina habang si Cecilia naman ay malaki ang paniniwalang may darating talaga.

“Ma, come on. Iligpit na natin itong pinagkainan at maaga pa po tayong magsisimba bukas,” yaya ni Renan sa ina. “Hindi, anak. May bisita pang darating, eh,” tugon ni Cecilia.

Bumuntong-hininga ang binata. “Ma, maaari namang nagkamali ka lang. Pamahiin lang iyon. Puwedeng hindi totoo,” pangungumbinsi ng binata.

“Never pang nagkamali ang paniniwala ko. Ikaw, ha, porke’t nakapag-ibang bansa ka ay sinasalungat mo na ang mama mo,” may halong pagtatampo pa ang tinig ni Cecilia.

Para ‘di sumama ang loob ng ina ay hindi na lamang nagsalita ang lalaki at pinagbigyan na lang ito.

Kinabukasan ay maghapon namasyal ang mag-ina. Nasa liblib na parte pa ng probinsya ang bahay nila pero wala namang problema dahil gamit nila ang sasakyang napag-ipunan ni Renan noon.

Alas nuwebe na siguro ng gabi at binabaybay na nila ang daan pauwi. Masukal iyon at tanging ilaw lamang ng kanilang kotse ang nagbibigay liwanag sa paligid. Ganoon na lamang ang pagkasindak ni Cecilia nang may tumawid na pusang itim!

Buti na lang ay natapakan agad ni Renan ang preno kung ‘di ay baka nasagasaan nila ito!

“Iliko mo! Iliko mo diyan sa shortcut dali at mamalasin tayo sa daang ito!” utos ng ina sa binata.

Sa halip na sumunod si Renan ay sinipat nito ang paligid. Hindi nito pinakinggan ang ina. Nagdirediretso lang ito at mas binilisan pa ang pagmamaneho.

“Sabi nang iliko mo, anak, mamalasin nga tayo. Hindi mo ba nakita iyong pusang itim?” pagbubunganga ni Cecilia sa kotse pero ni hindi man lang ito tinatapunan ng tingin ni Renan.

Nakaramdam ng pagkainis si Cecilia. Dahil ba galing Amerika ang anak kaya hindi na nito nirerespeto ang mga paniniwala niya?

“Ma, baba na po,” sabi ng binata at pinagbuksan pa ng pinto ng kotse ang ina. Pero masama ang loob na humalukipkip si Cecilia.

“Hindi mo na naman ako pinakinggan, eh,” reklamo ng babae.

“Ma, wala naman hong masamang kung maniniwala ka sa mga pamahiin pero lagi niyo hong tandaan na hawak pa rin natin ang ating buhay. Kung mapapahamak tayo o hindi ay nasa atin na iyon,” makahulugang sabi ng lalaki bago nito inakay ang ina papasok sa loob.

Hindi pinagkakausap ni Cecilia ang anak. Lalong lumalim ang pagtatampo niya dito dahil tila wala itong pakialam. Kinuha lang ng anak ang selpon at may tinawagan roon. Nakatulugan na ng babae ang sama ng loob.

Kinabukasan ay nagising si Cecilia sa ingay ng kaniyang mga kumare.

“Good morning, mars! Kain tayo!” sabi ni Mercy na kasalukuyan pang naghahain ng pancit sa mesa.

“Para saan iyan? Bakit kumpleto kayo?” natatawa pero nagtatakang wika ni Cecilia. Sinalubong siya ng yakap ng kaniyang anak. “Para sa atin, ma. Isine-celebrate natin ang ikalawang buhay nating dalawa,” sagot ni Renan.

Lalo namang nagtaka si Cecilia sa sinabi nito.

“Ay, hindi mo alam? Doon daw pala sa lilikuan niyo dapat kagabi ay may natanaw si Renan na mga armadong lalaki. Kaya nagmadali siyang dumiretso rito. Ayun, itinawag niya sa mga pulis at naabutan ang walang buhay na katawan ng magnobyong hinarang roon. Ninakawan na, tinanggalan pa ng buhay. Grabe talaga ang mga tao ngayon kahit dito sa probinsya,” pagpapaliwanag ni Mercy.

“Imagine, mare, kung kayo ang dumaan roon ay baka nadamay kayo ng anak mo,” dagdag pa ng babae.

Gulat na gulat na napatingin si Cecilia kay Renan. Mga pulis pala ang tinawagan nito kagabi.

“Sorry, ma. Ayaw ko lang matakot ka kaya hindi ko sinabi agad,” paliwanag ng binata.

Niyakap ni Cecilia ang anak at napahikbi sa dibdib nito. “Hindi kamo. Sorry, anak, dahil muntik ko pang ilagay tayong dalawa sa panganib.”

Kung sinunod ni Renan ang bilin niya dahil sa pusang itim ay baka wala na silang dalawa ngayon.

Doon na-realize ni Cecilia na totoo ang sinabi ng binata. Walang masama kung maniniwala ka sa mga pamahiin at, oo, wala namang mawawala. Pero laging tandaan na tayo pa rin ang driver ng sarili nating buhay. Huwag ibase sa pamahiin ang ating kinabukasan.

Advertisement