Sa susunod na pasukan ay nasa huling taon na ng high school si Claire. Kung ang ibang estudyante ay masaya at excited dahil sa wakas ay malapit na rin silang mag-kolehiyo kabaligtaran naman ang kaniyang nararamdaman. Nalulungkot siya. Hindi kasi siya makakapagpatuloy ng pag-aaral.
Apat silang magkakapatid na mag-isang binubuhay ng kaniyang ina. Isa itong tindera ng mais at napakaliit ng kinikita roon. Kung mag-aaral pa siya ay baka hindi na sila kumaing magkakapatid.
“Nay, basta ho makaipon tayo mage-enroll ako, ha?” wika ni Claire.
Napabuntong-hininga naman si Aling Nenita dahil sa awa sa anak. Kitang-kita niya ang determinasyon sa mukha ng dalagita. Kung sana lang talaga ay kaya niya. Kung sana lang ay hindi sila iniwan ng ama nito.
“Oo naman, anak. Basta paunahin muna natin ang mga kapatid mo. Para naman lahat kayo kahit na papaano ay tapos ng high school. Sige na, kilos ka na,” wika ni Aling Nenita.
Akala nila ay kakalam na ang sikmura nila dahil mahina ang kita sa mais ngayon. Buti na lang at natanggap na kasambahay si Aling Nenita sa isang mansyon sa Maynila. Kapitbahay lamang nila ang nagturo noon. Isang katulong rin ito.
“Ayos na ho ba itong suot ko, nay?” tanong ni Claire. Sasama siya sa ina at tutulong maglinis doon tutal ay bakasyon naman.
“Ayos na iyan. Mamamalantsa at maglilinis lang naman tayo roon,” tatawa-tawang sagot ng ale. “Basta ba hindi dugyot tingnan,” dagdag pa nito.
Maiiwan ang mga kapatid ni Claire sa pangangalaga ng isa niyang tiyahin dahil stay in silang mag-ina. Libre naman raw ang pagkain at komportable pa ang tulugan.
Pareho napanganga ang mag-ina nung nasa tapat na sila ng mansyon. Diyos ko po! Akala nila ay sa mga teleserye lang ang ganito kalaking bahay!
Ilang segundo silang kumatok sa gate pero walang nakaririnig. Natawa na lang silang pareho nang makita ang kapirasong doorbell sa gilid ng gate. Ang hirap talagang maging mahirap. Wala kasing ganito sa barung-barong nila!
Pinindot ng nanay ni Claire ang doorbell at ilang sandali pa ay lumabas ang isang ginang na halos ka-edad lamang ni Aling Nenita.
Taas noo ito at minasdan sila mula ulo hanggang paa.
“Magandang araw po. Ako ho si Nenita, iyong kapitbahay na sinasabi ni Vangie. Naghahanap raw ho kayo ng katulong,” magalang na sabi ng nanay ni Claire.
Tumaas lang ang isang kilay ng ginang, “Ako si Ma’am Cynthia mo. At sino ito?” wika ng babae na gumawi ang tingin kay Claire.
“Ay, anak ko ho. Isinama ko lang ho para may karelyebo ako sa…”
“Hindi ko siya babayaran, ha? Kasi isa lang ang hinahanap ko,” pagputol ng babae sa sinasabi ni Aling Nenita.
Tumango ang mag-ina. “Oho. Alam naman ho namin iyon, ma’am. Gusto niya lang talagang tulungan ako dahil wala naman siyang ginagawa ngayong bakasyon,” saad ni Aling Nenita.
Hindi pa tapos magsalita ang nanay ni Claire pero tumalikod na si Ma’am Cynthia at naglakad papasok ng bahay.
Nalaglag ang panga ng mag-ina nang makita ang kabuuan ng mansyon. Parang palasyo. May mga malalaking chandelier, napakakintab ng sahig at halatang mamahalin ang mga kagamitan. Aircon rin ang buong bahay.
Pero kung anong ganda pala ng mansyon ay siyang impiyerno naman ng kanilang dadanasin. Napakasama ng ugali ni Ma’am Cynthia. Palagi itong may mga bisita at ipinapahiya sila sa mga iyon. Para bang ipinamumukha nito na sobrang baba nila, mga alipin. Bagama’t totoo naman iyon ay siyempre napakasakit kay Claire na makitang ginaganoon ang nanay niya.
“Ano ‘to? P*tang inang baboy ‘to. Sunog!” wika ng lasing na si Ma’am Cynthia. Inihagis nito sa sahig ang pinggan kaya nabasag iyon at napapitlag si Aling Nenita.
Nangangatog naman si Claire sa isang gilid. Ito kasi ang pang-anim na beses na pinabalik-balik ang nanay niya para sa pulutan. Noong una ay matigas raw, iluto pa nang kaunti. Noong pangalawa ay ganoon pa rin, gusto raw ng tustado. At ngayong tustado na ito ay sinaktan naman ni Ma’am Cynthia ang kaniyang ina.
Kitang-kita ni Claire kung paano sampalin ng amo ang kaniyang ina kaya ‘di na niya napigilan ang kaniyang sarili. “Tama na ho, Ma’am Cynthia!” sigaw ng dalaga.
Napatingin kay Claire ang mga lasing na bisita ni Ma’am Cynthia. Tapos ay nagpalakpakan. Parang napahiya naman ang amo kaya dali-dali nitong nilapitan si Claire at hinila ang buhok nito.
“Huwag, ma’am. Huwag naman ho ang anak ko. Bata lang ‘yan!” pigil ni Aling Nenita pero binigwasan siya ng babae.
“Cynthia!”
Napatigil ang lahat nang dumagundong ang boses na iyon sa buong salas. Nang lingunin ni Claire ang pinanggagalingan ng boses ay isang sopistikadang babae ang nakatayo sa pinto. May mga maleta pa ito. Kaniya-kaniyang tayo ang mga bisita ni Ma’am Cynthia. Parang mga binugaw na kalapati.
Samantalang ang kaninang parang tigreng amo ng mag-ina ay naging maamong tupa bigla.
Naguguluhan si Claire. Sino ba ang babaeng ito? Ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya nang magsalita si Ma’am Cynthia.
“Ma’am Isabel, ano ho sorry kasi itong mga ito…”
“Hindi mo na ako maloloko. Grabe ang ginagawa mo sa mga kasambahay. Akala mo hindi ko pa alam ang totoo?” Iyon lang ang sinabi ng ale.
Nagmamadaling tumakbo si Cynthia palabas ng bahay para sana tumakas pero naroon na pala ang mga pulis.
Parang baliw itong nagsisigaw habang pinoposasan.
Ang babae ay walang iba kung ‘di si Ma’am Isabel. Ang totoong may-ari ng bahay. Si Cynthia ay isang mayordoma lamang. Siya ang gumagawa ng mga kalokohan. Kadalasan ay nagnanakaw pa sa amo dahil lagi naman itong wala at may mga business trips.
Ibinibintang niya sa mga kawawang kasambahay ang kaniyang mga kasalanan kaya laging napapaalis. Pero matalino si Ma’am Isabel. Naglagay siya ng mga hidden camera kaya nalaman nito ang totoo.
“Pasensya na kayo. Gusto niyo bang dalhin ko kayo sa ospital?” mabait na sabi ni Ma’am Isabel sa mag-ina. Niyakap pa niya ang mga ito.
“Ayos lang ho, ma’am. Sorry ho. Hindi naman ho namin alam na hindi siya ang…”
“Tapos na iyon. Naloko niya lang rin kayo. Huwag kayong mag-alala. Hindi ko naman kayo papaalisin.” nakangiting sabi ng babae.
Sa tuwa ni Claire ay si Ma’am Isabel pa ang nagprisinta na paaralin siya ng kolehiyo dahil nakita nitong matalino at mabait siyang bata.
Napakalaki ng utang na loob nila sa kanilang amo.
Ngayon ay nalaman nila kung bakit ganoon ito kayaman at patuloy sa pag-asenso. Napakabuti kasi ng puso ng babae.
Sabi nga nila ang mga nagmamataas sa kapwa’y ‘di magtatagal ay ibababa rin. At ang mga mabubuti naman at may mababang loob ay patuloy na itataas ng Panginoon.