Inday TrendingInday Trending
Bulag na First Love

Bulag na First Love

Nasa huling taon na ng kolehiyo si Heidi. Kumukuha siya ng kursong Business Management sa isang unibersidad sa Maynila. Isa siya sa mga nangunguna sa klase kaya naman expected na ng lahat na ga-graduate siyang may mataas na honor.

“Huy, nakikinig ka ba?” untag kay Heidi ng kaibigan niyang si Wena. “Ha?” bulong ng babae sa kaibigan. Abala kasi si Heidi sa pagsusulat sa kaniyang notebook kahit wala namang lecture. Nagsasalita sa unahan ang kanilang gwapong professor, si Sir Edward Soriano.

“Sabi ko kung nakikinig ka ba? Mamaya makita ka ni sir masabihan ka pang bastos. Nagdi-discuss siya sa unahan. Halos ingudngod mo na iyang ulo mo sa notebook,” saad ni Wena.

“Oo, nakikinig ako,” sagot na lang ni Heidi bago pilit na ikinubli ng buhok ang mga mata.

“Girls, is everything okay? Care to share?” napapitlag naman ang dalawa nang sabihin iyon ng guro. Kanina pa pala napapansin nito na nagbubulungan sila.

“No, sir. May tinanong lang po ako sa kaniya. Sorry po.” Si Wena na ang sumagot pero si Heidi ay nakatungo pa rin.

Tumango na lamang ang binata bago nagtuloy sa pagtuturo. Tatlong taon lamang ang pagitan ng edad nito sa mga estudyante. Kaga-graduate lang nito at dahil sadyang matalino ay nakapasa sa board exam tapos ay nakapagturo na agad sa unibersidad.

Ang totoo kasi niyan ay iniiwasan talaga ni Heidi na magtama ang mga mata nila ni Sir Edward. At bakit? Dahil mahal niya ito! Matagal na!

Dito rin nag-aral ang binata at first year pa lamang si Heidi noon nung una niyang nakita ang lalaki. Nagka-crush agad siya dito.

Napatalon nga ang puso ng dalaga nang malamang bumalik ito sa eskwelahan pero bilang isang guro na.

Noong una ay simpleng papansin lang ang ginagawa ni Heidi. Kunwaring hihingi ng tulong sa homework. Kunwaring magpapa-tutor. Hanggang ang crush ay nauwi na sa pag-ibig.

Dama niya rin naman na ganoon rin ang nararamdaman ni Sir Edward. Madalas na nga ang paglabas nila na hindi related sa school. Pero ‘di niya alam kung ano ang nangyari.

Isang araw matapos siyang halikan ng lalaki ay bigla na lamang itong nawalan ng imik.

Pagkatapos noon ay pumutok ang balita sa eskwelahan na mayroon na raw itong nobya at balak na nga raw pakasalan.

Kaya heto ngayon si Heidi, wasak na wasak ang puso. Pilit sinisisi ang sarili dahil umpisa pa lang ay alam niyang bawal, ‘di ba?

Mabilis lumipas ang mga araw. Wala silang ibang ginawa kung ‘di iwasan ang isa’t isa. Hanggang sumapit ang araw ng graduation ni Heidi. Todo iyak ang mga kaklase niya, ganoon rin siya.

Hindi alam ng mga kaklase ng babae na hindi lamang sa pagtatapos naiiyak si Heidi. Naiiyak din ito sa isiping hindi niya na rin makikita ang unang lalaking nagpatibok sa kaniyang puso.

Nang matapos ang ceremony ay nagyakapan ang mga magkakaklase. Hindi na napigilan ni Heidi ang kaniyang sarili nang matanaw niyang mag-isa si Sir Edward sa isang sulok.

“Kakausapin mo lang naman siya bilang teacher mo. Iyon lang. Hindi na siguro nakakahiya,” wika ni Heidi sa sarili kahit ang totoo ay miss na miss na niya ito.

Bumuntong-hininga si Heidi at dahan-dahang lumapit.

“Sir…” bago pa naituloy ni Heidi ang sasabihin ay isang magandang dalaga ang yumakap sa lalaki ng mahigpit. Kitang-kita niyang kuminang ang mata ni Edward nang masilayan ang dalaga.

“Congratulations. Ang galing mo talagang prof. Look at all your students. Lahat sila may award!” sabi ng babae.

“Thanks,” sabi naman ng binata. Gumanti rin ito ng yakap sa babae. Doon lang nagawi sa direksyon ni Heidi ang mga mata ng binata. Halatang nagulat pero hindi pa man naibubuka ni Edward ang kaniyang bibig ay naglakad na paatras si Heidi.

Ang lakad ay naging takbo na.

“Mauuna na po ako sa sasakyan.” sabi ni Heidi sa parents niya.

Nagtataka man ay nagpaalam na rin ang mga ito sa ibang magulang at sinundan nila ang kanilang anak.

Makalipas ang ilang araw ay sinimulan na rin ni Heidi ang paghahanap ng trabaho. Pagod na pagod siya dahil nag-ikot siya sa buong Maynila. Suwerte naman na natanggap siya agad dahil magaganda ang kaniyang marka sa eskwela.

“Hello.” tinatamad na sagot ni Heidi sa telepono. Tumatawag kasi si Wena. Kasalukuyan siyang nakasakay ng taxi.

“Nasaan ka?” tanong ni Wena. “Pauwi na. Nag-apply kasi ako. Bakit?” tanong ni Heidi. “Emergency. Nandito kami sa bahay ninyo,” sagot ni Wena.

Napuputol-putol pa ang linya kaya ‘di masyadong maintindihan ni Heidi ang sinasabi ng kaibigan. Pero kinakabahan siya. “Kami? Sinong kasama mo? Anong emergency?”

“Si Sir Edward! Wala kasi kaming ibang mapuntahan. Malapit lang ang bahay ninyo sa madadaanan namin! Bulag na siya…” Hindi na pinatapos ni Heidi ang sasabihin ng kaibigan. Ibinaba niya agad ang telepono.

“Manong, paki bilisan ho.” nag-aalalang wika ni Heidi.

Napakaraming tanong ang tumatakbo sa isipan ng dalaga. Una sa lahat, bakit kasama ni Wena ang guro? May ugnayan ba ang mga ito? Saan sila pupunta?

Sa kabila ng mga isiping iyan ay hindi rin naman maitatanggi ang matinding pag-aalalang nadarama ni Heidi. Mahal nito ang lalaki at kung sakaling napahamak ito ay hindi nito alam ang gagawin.

Sa wakas ay nakarating na si Heidi sa kanilang bahay. Patakbo siyang pumasok ng gate.

“Ma! Open the door! Wena!” kalampag ng dalaga.

Hinihingal pa ang dalaga at nangangatog. Ang tagal namang buksan ng pinto!

“Hi, anak,” chill na chill na wika ng mama ni Heidi.

“What happened, ma? Mabubulag si sir? Bakit hindi niyo dalhin sa ospital?” sunud-sunod na tanong ni Heidi.

“Bakit ko naman dadalhin?” balik tanong ng ina ng dalaga.

Hindi makapaniwala si Heidi na sobrang kalmado ng kaniyang ina.

“Of course, kung naaksidente iyong tao dapat lang na dalhin sa ospital! Nasaan ba sila? Why are you so…” Hindi na naituloy ni Heidi ang sasabihin nang makita niya ang nakatayo sa likod ng kaniyang mama. Nangingiti ang binata.

Si Edward.

Namumungay pa ang mga mata. Ito ba ang mabubulag?

Sa gilid nito ay humahagikgik sa kilig si Wena.

“Nag-aalala ka pa rin pala,” wika ni Edward.

Diyos ko po. Ayaw mang aminin ni Heidi pero na-miss niya ang boses nito. Iyong masuyo kung kausapin siya at hindi tonong guro na puno ng awtoridad.

“Anong ginagawa mo rito? Wena, ano ‘to?” taray-tarayang sabi ni Heidi kahit ang totoo ay halos mangisay na siya sa kilig.

“Hindi mo naman kasi pinatapos ang sasabihin ko sa phone, friend. Ang sabi ko si Sir Edward, bulag. Bulag sa pagmamahal sa’yo.” Pagkasabi noon ni Wena ay tumili pa ito kasabay ng ina ni Heidi. Ang papa naman ng dalaga ay prenteng nakaupo sa sofa at nakangiti rin.

Hindi namalayan ni Heidi na inilang hakbang lang ni Edward ang pagitan nila at ilang pulgada na lang ang layo nito sa dalaga.

“I’m really sorry kung akala mo iniwan kita sa ere. Naisip ko lang ang kapakanan mo noon. Magaling kang estudyante at makakasira sa record mo kapag nalaman ang relasyon nating dalawa. Tama ang pag-ibig natin. Mali lang ang panahon. Kaya kahit masakit para sa akin ay nagtiis ako. Tiniis kita,” paliwanag ng binata.

“Kung alam mo lang kung gaano kita gustong yakapin everytime na makikita kong malungkot ka. Sana naman sapat na ang paghihintay kong iyon para mapatunayan na malinis ang intensyon ko. Ngayon ay gusto kong magsimula sa tama. Puwede ka bang ligawan?” masuyong saad ni Edward.

Hindi nagsasalita si Heidi pero pulang-pula ang mukha niya. Sinegundahan pa iyon ng kaniyang ina. “Ay, kinausap na kami ni sir. Payag kami ng papa mo.”

“Pero paano ang girlfriend mo, iyong babaeng yumakap sa’yo noong graduation. Hindi ba balak mo na siyang pakasalan?” naguguluhang tanong ng dalaga.

“Hindi ko iyon girlfriend. Kapatid ko iyon. At ikaw lang naman ang babaeng balak kong pakasalan, the one and only girl who owns my heart,” saad ni Edward.

Magpapakipot pa ba siya? Kinikilig na tumango si Heidi.

Yayakapin sana siya ni Edward pero nagkunwaring umuubo ang papa ng dalaga kaya natawa na lang silang lahat.

Ilang buwan ang nakalipas at sinagot rin ni Heidi ang binata. Sa kanilang ikatlong anniversary bilang magkasintahan ay nag-propose si Edward ng kasal at ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ng dalawa nilang anak.

Advertisement