Muling pinasadahan ni Gabriel ng tingin ang papeles na nasa unahan niya. Siguro ay tatlong oras na siyang nakababad rito pero wala pa rin siyang napapala. Isa siyang baguhang pulis at ito ang kauna-unahang kasong napunta sa kaniya.
Ang pagkawala ng kanilang kapitbahay na si Mr. Jacinto Guillermo. Malapit nang mag-85 years old ang matanda kaya ganoon na lamang ang gulat ng lahat nang bigla na lamang itong ‘di matagpuan isang linggo na ang nakalilipas. Grabe rin ang iyak ng misis nitong si Lola Mercy.
Alam naman ng mga kamag-anak na hindi na rin magtatagal ang matandang lalaki sa mundo dahil ulyanin na si Lolo Jacinto pero hindi naman nila kailanman ninais na mawala na lamang ito sa ganoong paraan. Ni wala silang makitang katawan kaya hindi nila alam kung maglalamay na ba o hindi.
“Hijo.”
Napalingon si Gabriel sa kumatok sa kaniyang bukas na namang pinto. Oo, nasa bahay siya at, oo, iniuuwi niya ang trabaho. Gustung-gusto niya kasi talagang maresolbahan na ang kaso.
“Lola Mercy, pasok po kayo.”
Malungkot ang mga mata ng matanda na umupo sa tapat ng lalaki. “May… May balita na ba sa asawa ko?” Bumuntong-hininga ang lalaki. “Wala pa hong bago. Pero ginagawa ko ang lahat. Magtiwala ka, lola, makikita rin natin siya. Titiyakin kong may mananagot sa kung ano man ang nangyari sa kaniya.” pangako ni Gabriel.
“Salamat, Gabriel. Hulog ka ng langit. Napakabuti mo,” naiiyak na sabi ng matanda.
“Pasensya ka na kung tuwing magkikita tayo ay iiyak ako. Naaalala ko lang kasi ang mister ko. Dinalhan pala kita ng meryenda,” sabi ng matanda at iniabot ang maliliit na cookies na binake nito.
“Nag-abala ka pa, lola. Alam ko naman na medyo hirap ka rin ngayon,” saad ni Gabriel.
Dalawa na lang sa buhay ang mag-asawa. May kani-kaniya ng pamilya ang mga anak ng mga ito at ang bumubuhay na lang sa mga matatanda ay ang pensyong natatanggap ni Mr. Jacinto buwan-buwan. Ngayong hindi pa napo-proseso ang mga papel ay naputol rin ang pinagkukunan ng pera ni Lola Mercy.
“Ayos lang iyan. Namigay rin ako sa mga kapitbahay. Pasasalamat ko na iyan sa lahat ng tumutulong sa akin. Kapag naman nakuha ko na ang pensyon ni mister hindi lang cookies ang ibibigay ko sa inyo.”
Lumipas ang mga araw na wala pa ring progreso ang kaso. Sa totoo lang ay sumasakit na ang ulo ni Gabriel. Lalo siyang naaaburido kapag nakikita niya si Lola Mercy na namimigay ng cookies dahil nakokonsensya siya. Araw-araw ay gawain na nito iyon. Nililibang lang raw ang sarili para hindi malungkot.
Gustung-gusto kasi talaga ni Gabriel na makatulong kaya ganoon na lang ang tuwa niya nang may makalap siyang impormasyon na maaaring makatulong para umusad ang kaso. Ayon sa presinto ay isang ex-convict ang bagong lipat sa kabilang barangay. Mahirap pang mapagtagni-tagni ang mga detalye pero at least ay may ideya na siya. Posibleng suspek ang taong iyon. Bago puntahan ni Gabriel ang bahay ng posibleng suspek sa pagkawala ni Lolo Jacinto ay tinawagan na muna niya si Lola Mercy para ihatid ang magandang balita.
“Hello, lola? Naku, magandang balita! May update na po! May ideya na kami kung ano ang posibleng nangyari sa inyong asawa. Hindi pa naman klaro pero nais ko lang ipaalam na kahit papaano ay may improvement.”
Narinig niyang suminghap ang matanda sa kabilang linya. “Naku, salamat! Pumunta ka rito, hijo, sa bahay. Ipagdiwang natin iyan. Tsaka may nabasa pala ako sa lumang diary ng aking asawa. Baka makatulong sa misteryong ito,” saad ng matanda. “Sige, po. Dadaan muna po ako sa bahay niyo bago ko puntahan ang bahay ng suspek,” tugon ng lalaki.
Ilang sandali lang ay natapos na ang tawag. Nilakad na lamang ni Gabriel ang bahay ni Lola Mercy dahil malapit lang naman iyon. May bitbit siyang recorder para i-record ang magiging pag-uusap nila ng ex-convict. May notebook rin siya at ballpen.
“Ba, gwapo naman ni mamang pulis. Nandiyan si Lola Mercy. Kapapasok lang. Namigay lang ng cookies,” sabi ng isa pa nilang kapitbahay na abala pang kumakain ng bigay ng matanda.
Pagpasok ni Gabriel sa loob ay sinalubong siya ng mabangong amoy ng tinapay.
“Pasok, Gabriel,” ngiting-ngiting sabi ni Lola Mercy. Nang umupo siya sa sofa ay ini-lock ng matanda ang pinto dahil mahirap na raw baka may makarinig sa kanilang pag-uusap. Maselang bagay pa naman iyon.
“Sandali lang, ha. Isasalang ko lang sa oven iyong mga cookies,” wika ni Lola Mercy.
Dahil tanaw sa salas ang kusina ay nakikita ni Gabriel si Lola Mercy na nagbubudbod ng kung anong ingredient sa mga susunod nitong ibe-bake.
“Ang dami, ano? Kasi lahat ng kapitbahay binibigyan ko. Mantakin mo tatlong oras na akong nagbe-bake rito.” kuwento ng matanda.
“Ano po iyang inilalagay ninyo sa ibabaw? Asukal?” usisa ni Gabriel. Kinindatan siya ng lola. “Secret ingredient. Iyan ang pampasarap.”
Nang isalang ng matanda sa oven ang mga niluluto ay nagpaalam ito sandali sa lalaki. “Magbibihis lang ako sa itaas, ha. Pagbaba ko ay mag-uusap na tayo.”
Naiwan sa salas si Gabriel. Hindi niya maiwasang tumayo at tumingin-tingin sa kusina. Na-curious rin siya sa secret ingredient na sinasabi ng matanda kaya binuksan niya ang garapon upang silipin iyon. Ganoon na lang ang pagkunot ng noo niya nang malasahan iyon. Nasinghot niya pa ang ilan. Abo?
Hindi pa man din siya nakakapag-isip ay may narinig na siyang kalabog sa isang maliit na pinto. Iyong mga lalagyan dapat ng mga kaldero sa ilalim ng lababo. Habang palapit nang palapit si Gabriel ay pabaho naman nang pabaho ang amoy. Binuksan niya ang pinto at natigagal siya sa nakita. Tinakpan niyang mabuti ang ilong at halos masuka na.
Naroon ang katawan ni Lolo Jacinto. Putol ang dalawang kamay at dinadaga na. Kaya pala may kumalabog ay dahil sa mga hayuk na hayok na dagang sabik kainin ang laman nito.
Ang akala ni Gabriel ay iyong bagong lipat na ex-convict ang posibleng may kagagawan ng pagkawala ni Lolo Jacinto. Hindi niya akalain na araw-araw na pala niyang nakakasalamuha ang tunay na salarin.
“Masarap ba ang cookies, Gabriel?”
“Kayo ang may kagagawan nito sa asawa nyo?” sigaw ni Gabriel. “Ako nga! Dahil ang tagal niyang mawala sa mundo. Gusto ko nang angkinin ang pera niya!” sigaw ni Lola Mercy.
Kasunod noon ay inundayan ng matanda ng kutsilyo si Gabriel. Buti na lang ay nakailag ito.
Nagpambuno sila at nadali ang balikat ng lalaki. Pero dahil likas na mas malakas si Gabriel ay nagawa nitong hawakan sa dalawang braso si Lola Mercy. Ngunt ‘di niya inaasahan ang susunod na gagawin ng matanda.
“Tulong! Tulungan niyo ko! Ito pala ang may kagagawan sa pagkawala ng asawa ko! Pulis pa man din!” sigaw ni Lola Mercy.
Lihim ang ngisi ni Lola Mercy dahil napaikot niya ang mga kapitbahay. Walang kaalam-alam ang mga ito na ang pinapakain niyang cookies ay may halong abo ng kaniyang asawa. Pinutol niya ang braso nito at sinunog iyon.
Mabilis na nagpasukan ang mga kapitbahay at kinuyog nila si Gabriel. Si Lola Mercy naman ay lihim na bumubungisngis sa isang tabi.
Sa wakas may suspek na rin sa pagkawala ng kaniyang asawa at malinis pa ang pangalan niya. Iyon lang naman ang dahilan kung bakit ayaw niya pang ilabas ang katawan ng lalaki, wala kasing ibang mapagbibintangan.
Ngayon ay malaya na niyang makukuha ang pensyon ng asawa. Iisipin ng lahat na isa siyang kawawang biyuda. Ang galing, ‘di ba?
Napatigil lang siya sa pagdiriwang nang biglang tumunog ang hawak na tape recorder ni Gabriel. Rinig na rinig doon ang pag-amin niya sa kasalanan.
“Hindi!” sigaw ni Lola Mercy.
Umalingawngaw ang sigaw ng matanda bago siya hinawakan ng mga kapitbahay.
Ngayon ay nakakulong na si Lola Mercy habang si Gabriel naman ay napuri sa trabaho.
Isang malaking aral ang natutunan ni Gabriel. Na dapat ay huwag pabibiktima sa pisikal na anyo ng isang tao. Ang mukhang masama sa panlabas ay maaaring busilak ang puso at ang tila anghel na itsura ay maaaring may itinatagong matinding baho.