Sabi nila, life starts at 40. Dalawang araw nalang ay kwarenta anyos na si Marissa pero hindi siya masaya. Ito na yata ang pinakamalungkot na birthday niya dahil sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang labinlimang taon ay hindi niya na kasama ang mister.
Pumanaw ang lalaki sa sakit na t*umor sa utak at kalilibing lamang kahapon.
Hindi niya maiwasang maluha. Sobrang sariwa pa ang kanyang sugat at sa totoo lang ay hindi niya alam kung maghihilom pa iyon. Pinipilit niya lamang talagang magpakatatag dahil may dalawang anak pa siyang kailangang itaguyod. Si Arjay na 12 years old at si Aris na 8 years old.
Parehong nag-aaral ang dalawa. Buti na nga lang ay may negosyong naiwan ang kanyang mister kundi ay baka pinulot silang mag iina sa kangkungan.
“Arjay,” tawag niya sa panganay. Sinulyapan niya ang relo sa dingding, alas siyete na ng gabi. Dapat ay makakain na ng hapunan ang mga ito dahil maaga pa ang pasok sa eskwela bukas.
Nakailang tawag pa siya sa binatilyo bago ito lumingon. Abala itong nagbabasa ng libro.
“Nak sana naman isang tawag lang ay lumalapit na kayo. Halika na nakahain na ako.” paalala niya.
“Sorry po Ma. May binabasa po kasi kami ni Aris.” paliwanag nito.
“Sige na kain na nang kain.”
Ganoon lang sila. Hindi na kagaya ng dati ang bahay nila na masigla at puno ng buhay. Mula nang mawala ang kanilang haligi ay malungkot na rin ang paligid at hindi na sila madalas magkwentuhan. Abala kasi palagi ang mga anak niya sa pagbabasa habang siya naman ay mas pinipiling humiga sa kwarto at doon ay umiyak nang umiyak.
Mabilis lumipas ang mga araw, nagising si Marissa na birthday niya na. Kahit paano ay may ngiti sa kanyang mga labi. Yayayain niya ang mga bata na kumain sa labas, baka sakaling mawala itong kahungkagan sa puso niya.
Pero tulad ng dati, nakailang tawag siya ay wala ang mga anak.
“Arjay! Aris!” nagpa-panic nang wika niya.
Tinawagan niya ang numero ng kanyang ina at biyenan dahil baka sakaling naroon ang dalawa pero maging ang mga ito ay hindi sumasagot.
Diyos ko po, nagpatulong na siya sa baranggay. Nawala na ang kanyang mister. Hindi niya kakayanin kung mawawala pa ang mga anak.
Malapit nang magtanghalian nang makarinig siya ng pagbukas ng gate. Pati ang mga tanod na kausap niya ay napatayo.
Pumasok si Arjay na pawis na pawis.
“Diyos ko, anak saan ka ba naman nanggaling? Nasaan si Aris?” nangangatog na wika niya.
“Diyan lang po, Ma.” simpleng sagot ng binatilyo.
Hindi na napigilan pa ni Marissa ang nararamdaman, napaluha na siya. Alam niyang mura pa ang isipan ni Arjay pero di niya maiwasang sumama ang loob rito. Birthday niya ngayon, alam nitong nangungulila siya dahil kawawala lang ng papa nito tapos ay pag aalalahanin pa siya ng ganito. Bago sasagutin siya ng ‘diyan lang’?
“Nak naman eh,” sabi niya nalang. Iyak siya nang iyak.
Sa halip na sumagot ay hinila nito ang kanyang braso at isinakay siya sa tricycle na kanina pa pala naghihintay.
“Saan ba tayo pupunta? Magsabi kana ng totoo pangako anak hindi ako magagalit. Nasaan ang kapatid mo?” pangungulit niya habang nasa tricycle pero tikom ang bibig ng bata.
Nagulat pa siya nang bumaba sila sa tapat ng bahay ng kanyang ina. Kumatok sandali si Arjay at pagbukas ng pinto ay biglang nagliwanag ang paligid.
“Happy Birthday!”
Napatanga sa kinatatayuan niya si Marissa, kumpleto ang kanilang pamilya. Nasa mesa pa nga ang larawan ng yumao niyang asawa at sa tabi noon ay may pulang rosas.
“Ma, bigay po ni Papa.” lumapit sa kanya ang batang si Aris at iniabot ang isang sulat.
Mahal,
Happy Birthday! Malakas ang pakiramdam ko habang isinusulat ko ito na hindi na ako aabot sa kaarawan mo. Kaya nga ibinilin na kita sa mga bata. Sinabi ko ang lahat ng plano para ma-sorpresa ka. Roses for you mahal ko.
Lagi mong tatandaan na ngumiti ka lang, tinatanaw kita palagi. Alam kong matatag ang puso mo, Marissa. Wag kang malulungkot dahil hindi naman ako nawala sa inyo. Lagi ko kayong binabantayan.
Arjon
Nailapit ng babae ang sulat sa kanyang dibdib tapos ay niyakap ang dalawang anak na umiiyak na rin.
Kaya pala laging abala ay mga bilin pala ng ama ang binabasa.
Mula noon ay parang nagkaroon ng panibagong pag asa si Marissa. Tinatagan niya ang loob, laging niyang inaalala ang mga sinabi ng mister tuwing nanghihina na siya. Humugot rin siya ng lakas sa kanyang mga anak.
Kapit kamay nilang hinarap ang mga hamon ng buhay. Hindi naging madali pero dahil nariyan ang isa’t isa, kinaya nila.