Inday TrendingInday Trending
Pinaka-Bobo sa Magkakapatid

Pinaka-Bobo sa Magkakapatid

Nakangiting minasdan ni Aling Merly ang mga anak. Kasalukuyan silang kumakain ng spaghetti, nagluto siya kahit kaunti dahil sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay nanalo muli sa quiz bee ang kanyang anak na si Mara. Double celebration rin dahil nalaman nilang 1st honor sa klase si Marlon.

“Sisiw nga eh. Hindi pa ako nag-review niyan pero nanalo pa rin. Iba talaga kasi pag matalino. Sabi ni nanay ipinanganak akong ganoon diba Nay?” tanong sa kanya ng sampung taong gulang na si Mara.

Masayang tumango ang ginang.

Sumali rin sa usapan ang batang lalaki na labing dalawang taong gulang, “Ako rin kaya. Ipinanganak na matalino. Di ba, Nay?”

“Oo naman, matalino kayong lahat.” puri niya na lamang para matahimik na ang mga ito.

Naghiyawan pa ang mga bata nang kunin niya ang softdrinks. Sa hirap ng buhay ay minsan lang sila nagkakaroon ng ganitong handa, nagkataon lang talaga na nakautang siya sa bumbay ngayon.

Nailigpit niya na ang pinagkainan nang mapansin ang bunso, si Mayeth na malungkot na nakatanaw sa bintana. Walong taong gulang pa lang ang bata.

“Ano naman ang iniisip ng baby ko na yan?” pukaw niya sa atensyon nito.

“Wala po Nanay. Naaalala ko lang po iyong paperdoll na nilaro namin ni Mercedes kanina.” sabi nito na mailap ang mga mata.

“Sus sus sus. Maglilihim pa sa nanay. Kaya nga ‘nanay’ ako hindi ba? Alam ko kung nagsisinungaling ka.”

Bumuntong hininga ang bata. “Nay, kinahihiya mo ba ako?”

Nagulat siya sa tanong na iyon. “Hindi mangyayari yan! Bakit mo naman iyan naisip? Ikaw nga ang prinsesa ng pamilya natin. Tingnan mo, ang kuya at ate mo ay kamukha ng nanay. Ikaw ay kamukhang kamukha ng tatay. Ikaw ang naiwan niyang alaala sa amin kaya mahal na mahal kita anak.” Hinaplos niya pa ang pisngi ng bata.

“Talaga Nay? Kahit ho.. hindi ako tulad ni ate at kuya na matalino? Kahit hindi ako ipinanganak na matalas ang utak gaya ng sa inyo?” inosenteng tanong nito.

“Kahit ano pa anak. Love na love ka ng nanay.” medyo nalungkot na sabi ni Aling Merly. Nakaramdam siya ng matinding awa sa bata dahil sa murang edad nito ay naiisip na nito iyon.

“Kasi po, ang galing-galing nilang dalawa. Palaging nananalo. Samantala ho ako ni hindi mapili ni teacher na sumali kasi mababa naman ang score ko.”

Umupo siya at ikinandong si Mayeth.

“Alam mo, bawat tao ay may kanya-kanyang regalo mula sa Diyos. Alam mo ba kung ano ang sa iyo?” nakangiting tanong niya.

“Nay? Nay, halika na po!”

Nagising mula sa pagkakatulala si Aling Merly. Ilang taon na ba ang nakalipas mula ang pangyayaring iyon? 25..30 years na rin!

May mga apo na nga siya ngayon.

Si Mara ay isa nang doktor, habang piloto naman si Marlon.

Sa katunayan ay masayang-masaya ang matanda dahil matapos ang mahabang panahon ay magkakasama-sama na ulit sila ng kanyang mga anak.

Dumalaw sila sa puntod ng kanyang asawa, tapos ay nagsimba. Buti nalang ay may sasakyan na ang mga anak niya dahil hirap nang maglakad si Aling Merly gawa ng rayuma.

Umuwi sila sa kanyang malaking bahay at masayang minasdan ng matanda ang mga apong nagtatakbuhan sa hardin habang nagpapaypay sa barbecue si Mara. Napapitlag siya nang maramdamang may humaplos sa kanyang kamay.

“Bunso.” masuyong wika niya kay Mayeth.

“Masaya ka ba Nanay?” tanong nito.

Masaya? Kulang pa yata ang salitang iyon sa lahat ng ginawa nito sa kanya. “Salamat anak.”

“Ngayon siguro Nay, pwede ko na hong malaman kung ano ang sinasabi ninyo noon na regalo ng Diyos sa akin?”

Natawa ang matanda, binitin niya nga pala ito noong bata pa. Bumuntong hininga muna siya bago nagsalita.

“Matatalino ang mga kapatid mo, iyon ang kaloob sa kanila. Pero ikaw.. hindi ka nga siguro ganoon katalas sa eskwela pero alam mo kung saan ka bumawi? Sa puso. Napakabuti ng puso mo anak.

Kundi dahil sayo, kundi dahil sa determinasyon mo sa buhay ay di makakapagtapos ang mga kapatid mo. Kundi ka naglakas loob na mag abroad at magnegosyo ay hindi nila magagawang ituloy ang kay mamahal na kurso. Iyan ang regalo ng Diyos anak, salamat sa lahat.” lumuluhang wika niya.

Totoo iyon, noon pa mang maliit ito ay kita na ni Aling Merly sa mga mata ni Mayeth ang pagiging busilak ng kalooban nito. Kailanman ay hindi niya ito ikinahiya.

Dahil alam niya, walang ginawang kulang ang Panginoon.

Advertisement