Inday TrendingInday Trending
Hiyang-hiya ang Binata nang Walang Maibigay na Regalo sa Nobya sa Unang Anibersaryo, Bumawi Siya sa Kanilang Ika-sampung Anibersaryo

Hiyang-hiya ang Binata nang Walang Maibigay na Regalo sa Nobya sa Unang Anibersaryo, Bumawi Siya sa Kanilang Ika-sampung Anibersaryo

“Jomarie, hindi ba’t bukas na ang unang anibersaryo niyo ng nobya mo? Anong balak mo? May surpresa ka ba sa kaniya?” pang-uusisa ni Ronwell sa kaniyang kaibigan, isang hapon nang makita niya itong naglalakad palabas ng kanilang eskinita.

“Hindi ko pa nga alam, eh, wala kasi akong pera ngayon. Iyong inipon kong pambili ng regalo niya, nagastos ko kahapon dahil wala kaming pambiling pagkain sa bahay,” malungkot na kwento ni Jomarie habang nagkakamot ng ulo.

“Ano pa nga bang aasahan sa’yo, Jomarie? Palagi ka namang gan’yan! Kawawa naman ang nobya mo sa’yo! Kung ako sa’yo, bigyan mo siya kahit isang rosas, sikwenta pesos lang naman ‘yon!” payo nito sa kaniya na ikinabuntong-hininga niya.

“Hindi pa rin kaya, eh, bente pesos na lang ‘tong natitira sa akin, kailangan ko pang bumili ng ulam namin mamaya,” nakatungo niyang sagot saka ipinakita sa kaibigan ang bente pesos na pera mula sa kaniyang bulsa.

“Diyos ko naman, Jomarie! Dapat hindi ka na nagnobya! Wala kang mapapakain doon kapag nabuntis mo ‘yon! Sayang naman ang ganda ng nobya mo kung kakawawain mo lang!” patawa-tawang sambit nito habang iiling-iling dahilan para agad na siyang magpaalam at magmadaling umalis sa paningin nito dahil sa kahihiyang nararamdaman.

Labis na namomroblema ngayon ang binatang si Jomarie. Bukod kasi sa wala siyang mapakain sa kaniyang pamilya na siya ang tanging inaasahan sa buhay dahil sa isang linggo pa ang araw ng kaniyang pagsahod sa konstruksyon, bukas na rin ang unang anibersaryo nila ng kaniyang kasintahan at hanggang ngayon, wala pa rin siyang mahagilap na pera pambili ng regalo nito.

Gusto niya sanang bilhan ito ng bulaklak at ilang tsokolate kaya lang, nagalaw niya na rin ang inipon niyang pera nang wala na siyang mahugot sa kaniyang bulsa pangpakain sa kaniyang pamilya. Ito ang dahilan kaya ganoon na lang siya kalungkot ngayong araw.

Kinabukasan, maaga siyang pinuntahan ng kaniyang nobya sa kanilang barung-barong na bahay. May dala-dala itong cake, lobo at ilang pagkain para sa kaniya na labis niyang ikinahiya dahil nga, wala siyang maibibigay kapalit ng mga ito.

“Pasensya ka na, mahal, walang-wala talaga ako ngayon,” mangiyakngiyak niyang sambit dito, ngumiti lang ito saka siya niyakap nang mahigpit.

“Hindi mo naman ako kailangang bigyan ng regalo, lalo na ngayong alam kong may pamilya kang pinapakain,” nakangiting sambit nito na lalo niyang ikinaiyak, “Oo nga pala, pupwede bang umalis ka na sa trabaho mong pagkokonstruksyon? Bukod kasi sa mababa na ang sweldo mo, pagod pa ang katawan mo. Naghahanap ng bagong waiter ang kuya ko sa restawran niya, roon ka na lang magtrabaho!” alok nito na ikinagulat niya.

“Sigurado ka ba?” paninigurado niya.

“Oo naman! Sinabi ko na nga kay kuya na ikaw na lang ang kuhanin!” sagot nito na labis niyang ikinatuwa dahilan para halos mapiga niya ito sa kaniyang pagkakayakap.

Agad nga silang nagtungo sa restawrang iyon pagkatapos nilang kumain at dahil nga kapatid ng kaniyang nobya ang may-ari nito, agad siya nitong pinagsimula sa trabaho noong araw na ‘yon.

Hindi man madali ang ginagawa niya roon dahil nga bago ang trabahong ito para sa kaniya, sa tulong ng kaniyang nobya, unti-unti niyang nagamay ang mga dapat niyang gawin doon.

Dito na siya unti-unting nakaipon ng pera para sa kaniyang pamilya hanggang sa makaipon siya ng pangpuhunan para sa karinderyang pangarap ng kaniyang ina noon pa man.

At dahil sa galing ng kaniyang ina sa pagluluto, unti-unting nakilala sa kanilang lugar ang karinderya nila at paglipas ng limang taon, kung kailan siya na ang manager sa restawran ng kapatid ng kaniyang nobyo, siya’y nakaipon na rin ng pangpagawa para sa restawrang nais ng kaniyang ina.

Doon siya nakipagsosyo sa negosyo sa kapatid ng kaniyang nobya at ginawang isang ganap na restawran ang kanilang karinderya na naging dahilan para tuluyang umangat sa buhay ang kaniyang buong pamilya.

Apat na taon pa ang lumipas, tuluyan na rin silang nakabili ng bahay at lupa na labis na ikinatuwa ng kaniyang mga magulang.

Dumating na rin ang ika-sampung anibersaryo nila ng kaniyang nobya at hindi siya nagdalawang-isip na surpresahin ito katulad nang nais niya noong una nilang anibersaryo.

Pinuno niya ng sandamakmak na bulaklak ang silid niya at doon niya ito inalok ng kasal.

“Nand’yan ka noong walang-wala ako, kaya ngayong unti-unti ko nang naabot ang mga pangarap ko dahil sa’yo, hindi ako magdadalawang-isip na bumawi sa’yo,” iyak niya habang nakaluhod sa harapan nito.

Katulad ng inaasahan niya, sumang-ayon ito sa alok niya na labis niyang ikinatuwa. Nabalitaan ito ng kaibigan niyang minsan siyang pinagtawanan na ngayong labis siyang pinagmamalaki sa kanilang barangay.

Ilang buwan lang ang lumipas, tuluyan na nga silang ikinasal at namuhay nang puno ng pag-ibig.

Advertisement