Inday TrendingInday Trending
Maarte sa Pananamit ang Dalagang Ito, Kahihiyan ang Inabot Niya dahil Dito

Maarte sa Pananamit ang Dalagang Ito, Kahihiyan ang Inabot Niya dahil Dito

“Mahal, tingin mo ba uulan ngayon?” tanong ni Chin sa kaniyang kasintahan, isang tanghali habang hinihintay siya nitong mag-ayos sa sala ng kanilang bahay.

“Oo, mahal, ang dilim-dilim ng kalangitan, o. Saka, narinig ko rin sa balita kaninang umaga habang nag-aalmusal ako, uulan nga raw ngayong araw dahil sa parating na bagyo. Bakit mo natanong?” kwento pa nito saka ipinakita sa kaniya ang madilim na kangitan na tanaw sa kanilang bintana.

“Iniisip ko kasi kung susuotin ko itong bagong biling sapatos ko, eh,” tugon niya habang inilalabas sa kahon ang bagong biling sapatos.

“Naku, huwag mo na ‘yang suotin, tiyak madudumihan lang ‘yan mamaya. Bagong bili pa naman ‘yan, nakakapanghinayang kung ilulusong mo lang sa baha,” payo nito sa kaniya habang siya’y pinagmamasdang mag-isip.

“Eh, anong ipapares ko rito sa suot ko? Wala naman akong ibang sapatos na babagay dito! Nakakainis naman, eh!” inis niyang sambit.

“Ikaw bahala, mahal, sa’yo naman ‘yang sapatos, eh. Sinasabi ko lang naman sa’yo ‘yong pupwedeng mangyari,” sagot nito upang siya’y bahagyang kumalma.

“Susuotin ko pa rin ito, pasanin mo na lang ako sa likuran mo kung abutin tayo ng baha!” sambit niya saka agad nang isinuot ang naturang sapatos na talaga nga namang babagay sa suot niyang damit.

Maarte sa pananamit ang dalagang si Chin. Nais niyang laging makakaugnay o magkakaparehas ang mga suot niya mula sa kaniyang pang-itaas na damit hanggang sa kulay at disenyo ng kaniyang sapatos.

Sa katunayan, halos kalahati ng kaniyang sweldo ay napupunta lamang sa pangbili niya ng mga bagong damit, short, pantalon, sapatos o kahit medyas na talaga nga namang nakapagpapasaya sa kaniya.

Ni ayaw niyang madudumihan ang mga ito lalo na ang kaniyang mga nagmamahalang sapatos na talagang kaniyang pinag-iipunan. Inilalagay niya ito sa isang malaking aparador at halos araw-araw sinisipat kung nadudumihan o nalalagyan ng kahit maliit na alikabok.

Kaya naman, ngayong araw na pakiwari niya’y uulan, ganoon na lang siya nagdadalawang-isip kung susuotin niya ba ang bagong bili niyang sapatos sa paggala nila ng kaniyang kasintahan sa Maynila.

At dahil nga palagi niyang gusto na maganda ang kalalabasan ng itsura niya sa kaniyang mga suot na damit, kahit nag-aalinlangan, kaniya pa ring isinuot ang bagong bili niyang sapatos na kulay puti.

Nang matapos na siyang mag-ayos noong tanghaling ‘yon, hindi pa sila agad umalis ng kaniyang kasintahan no’n. Nagpakuha muna siya nang sandamakmak na litrato sa kaniyang selpon. Nang makapili na siya ng litratong ilalagay niya sa social media, roon pa lang siya nagyayang umalis.

“Hay, salamat naman!” sambit ng kaniyang kasintahan na ikinasimangot niya, “Biro lang! Halika na, baka abutan pa tayo ng ulan!” yaya nito saka na siya agad na hinila patungo sa sasakyan nitong nasa tapat ng kanilang gate.

Sa isang mall sa Maynila sila dumiretso upang kumain, magliwaliw at magsaya. Binili pa siya ng ilang mga damit ng kaniyang kasintahan na labis niyang ikinasaya.

Bandang mga alas sais ng gabi, nagpasiya na siyang umuwi dahil pakiramdam niya’y nagpapaltos na ang kaniyang paa dahil sa bago niyang sapatos na suot.

“Sigurado ka ba? Ayaw mo nang maggala-gala rito?” tanong nito sa kaniya matapos niya itong yayaing umuwi.

“Oo, mahal, pagod na ako,” sagot niya dahilan para agad na silang magtungo sa parking lot ng naturang mall.

Kaya lang, habang naglalakad sila patungong parking lot, mayroong abot binti na baha sa nag-iisang daanan patungo roon.

“Hubarin mo muna ‘yang sapatos mo, mahal, wala tayong ibang pupwedeng daanan, eh,” payo nito sa kaniya.

“Ayoko, nga! Paglalakarin mo ako nang nakapaa sa bahang ‘yan? Nahihibang ka na ba? Hindi ba’t usapan natin, papasanin mo ako kapag bumaha?” inis niyang sambit dito.

“O, sige, walang sisihan, ha?” paninigurado nito saka siya agad na pinasan sa likuran.

Maingat itong lumusong sa baha kaya lang, sa bandang gitna, bigla lang lumusot sa isang bukas na kanal ang paa ng kaniyang kasintahan na naging dahilan para siya’y mabitawanan nito at mabasa rin ng baha.

“Mahal, naman!” iyak niya habang pinagmamasdan ang puti niyang sapatos na puro putik at dumi dahil sa baha.

“Ang arte mo kasing babae ka! Pupwede ka namang maglakad!” sigaw ng nakasaksing ginang saka nagtawanan ang mga kasama nitong kabataan na labis niyang ikinahiya dahilan para agad siyang tumakbo patungo sa sasakyan ng kaniyang kasintahan.

Doon niya labis na napagtanto na tila sumobra naman ang kaartehang mayroon siya ngayon. Pati kaniyang nobyo, nabasa na ng baha, napahiya pa sa mga taong nakakita.

Naging aral sa kaniya ang kahihiyang ito. Kaya naman simula noon, kapag alam niyang hindi maganda ang panahon, siya’y nagsusuot na lang ng tsinelas. ‘Di bale nang hindi tugma ang mga suot niya, huwag lamang silang muling mapahiya ng kaniyang kasintahan.

Advertisement