
Pumasok ng Trabaho ang Binatang Ito Upang Makatulong sa Pamilya, Katawan Niya Naman ang Sumuko
“Hoy, Carlo, ano bang pinaggagagawa mo sa buhay mo, ha? Mukha ka ng zombie ngayon! Hindi ka na naman ba nakatulog? Wala naman tayong asignatura o kahit proyekto para pagpuyatan, ha?” bungad ni Marga sa kaibigang kakapasok lamang sa kanilang silid-aralan na para bang isang taong kakabangon lamang sa ataul.
“Nagtatrabaho na kasi ako ngayon bilang isang call center agent. Wala pa kasi akong tulog kaya ganito ang itsura ko. Dumiretso na ako rito sa unibersidad pagkatapos ng trabaho ko, baka kasi mahuli ako sa klase,” walang lakas na sagot ni Carlo saka isinalampak ang sarili sa kaniyang upuan.
“May balak ka bang lagutan ang hininga mo, ha? Huwag mo namang pagkaitan ng tulog ang katawan mo! Kailangan mo rin ng pahinga!” sermon pa nito sa kaniya na ikinabuntong-hininga niya na lang.
“Gusto ko namang magpahinga, eh, kaso mas gusto kong tulungan ang pamilya ko,” tugon niya saka ipinikit ang kaniyang mata upang makapagpahinga.
“Marami namang ibang trabaho riyan, Carlo! Iyong pwede mong ipagsabay sa pag-aaral mo!” sigaw pa nito sa kaniya na ikinainis na niya.
“Pwede ba huwag ka na lang mangialam? Gusto kong ipahinga ang utak ko habang wala pa ang propesor natin. Bumalik ka na sa upuan mo,” seryoso niyang wika rito dahilan para siya’y iwan nito.
Nang malaman ng binatang si Carlo na nawalan ng trabaho ang kaniyang ama dahil sa pagkalugi ng kumpaniyang pinapasukan nito, agad siyang nakaramdam ng awa sa kaniyang mga magulang na labis na namroblema para sa kanilang kakainin para sa mga susunod na araw.
Ito ang dahilan para agad siyang maghanap ng trabaho kahit siya’y nag-aaral pa lamang upang makatulong sa mga ito. Sakto namang may kakilala siyang nagtatrabaho sa isang call center company sa Pasay dahilan para mapadali ang kaniyang pagpasok.
Wala naman talagang masama sa kagustuhan niyang makatulong sa kaniyang pamilya habang siya’y nag-aaral, kaya lang kasi, tila napabayaan na niya ang sarili sa napili niyang trabaho.
Halos araw-araw, dumidiretso siya sa unibersidad na pinag-aaralan mula sa trabaho nang walang tulog. Paminsan pa, pagkatapos ng klase niya, hindi pa siya makapagpahinga dahil sa dami ng kailangang ipasang gawain kinabukasan na talaga nga namang nagdadahilan ng pagkahina ng kaniyang katawan o pagkawala ng gana niya sa lahat ng bagay.
Ngunit dahil determinado siyang tumulong sa kaniyang pamilya, hindi niya ito iniinda at patuloy pa rin sa pagtatrabaho at pag-aaral. Pagsabihan man siya ng kaniyang mga kaibigan o kahit ng kaniyang magulang, hindi niya ito iniintindi. Katwiran niya, “Kung titigil ako rito, ano na lang ang kakainin ng pamilya ko?”
Nang araw na ‘yon, matapos siyang iwan ng kaniyang kaibigan, agad siyang nagpasiyang matulog muna habang naghihintay.
Ngunit mayamaya, nang makatulog na siya, bigla na lang siya nagulat nang sabay-sabay na bumati sa kanilang guro ang kaniyang mga kaklase dahilan para siya’y biglang mapatayo upang huwag nitong mapagalitan.
Siya’y labis na nabigla sa pagtayo niyang iyon dahilan para siya’y mahilo at magdilim ang paningin. Ang huling bagay na lang na narinig niya ay ang sigawan ng kaniyang mga kaklase.
Nagising na lang siyang nasa ospital na, narinig niyang nagpapaliwanag ang kaibigan niyang si Marga tungkol sa klinik ng kanilang paaralang hindi pa bukas dahil sobrang aga pa sa kaniyang ama’t inang nasa tabi ng kaniyang hinihigaang kama.
Sa kagustuhan niyang huwag sabihin nito ang ginagawa niyang hindi pagtulog, agad siyang tumayo at sinabing, “Ayos na ako, mama, papa, nahilo lang talaga ako,” na ikinataranta ng mga ito.
“Naubusan ka ng dugo, anak, dahil sa ginagawa mong hindi pagtulog! Magpahinga ka muna riyan!” sigaw ng kaniyang ina.
“Hindi mo naman ito kailangang gawin, anak, eh, dahil kaya ko namang maghanap ng panibagong trabaho. Mas matutulungan mo kami kung aalagaan mo ang sarili mo at kung mag-aaral ka nang mabuti para sa kinabukasan mo. Malakas pa naman si papa, anak,” wika ng kaniyang ama habang hinihinamas ang kaniyang buhok.
Ikinuwento pa ng kaniyang kaibigan na ipinangutang pa ng kaniyang mga magulang ang ibinayad sa ospital na labis niyang ikinakonsensya.
“Pasensya na po kayo, ha, hindi ako masyadong nag-iisip. Sa kagustuhan kong makatulong, lalo pa kayong nahirapan,” mangiyakngiyak niyang sambit sa mga magulang, ngumiti lang ang mga ito saka siya niyakap.
Simula noon, agad na siyang umalis sa kaniyang trabaho at mas itinuon ang kaniyang sarili sa pag-aaral habang tumutulong sa maliit na negosyong tusok-tusok ng kaniyang ina sa tapat ng kanilang paaralan.
“Ganitong pagtulong ang mas kailangan ng mga magulang ko,” wika niya sa sarili habang nagluluto ng kikiam katulong ang kaniyang ina.

Hiyang-hiya ang Binata nang Walang Maibigay na Regalo sa Nobya sa Unang Anibersaryo, Bumawi Siya sa Kanilang Ika-sampung Anibersaryo
