
Dahil Nalulugi na ang Negosyo ng Lalaki ay Nag-Isip Siya ng Paraan Para Makabangon; Sinuwerte nga Siyang Talaga Subalit may Kapalit Pala Itong Kamalasan
Sa Barrio Kuliglig ay nag-iisa lang ang negosyong punerarya at bentahan ng mga ataul na pagmamay-ari ni Estong.
Napapansin ng lalaki na ilang araw nang matumal ang negosyo niyang iyon.
“Anak ng tinapa! Mabibilang na lang sa daliri ang umoorder sa akin ng ataul! Tsk! tsk! Sa dalang ng mga taong binabawian ng buhay sa baryong ito ay tiyak na babagsak ang aking negosyo!” inis niyang sabi habang malalim na nag-iisip.
Sa sobrang pag-aalala ay bigla siyang napatingin sa tauhan niyang si Victo.
“Kapag nagkataon ay mapipilitan akong paalisin itong si Victo na matagal ko nang katiwala rito sa negosyo ko dahil baka wala na akong maipapasahod sa kaniya,” sambit pa niya.
Minana pa niya sa yumaong mga magulang ang negosyo niyang iyon kaya hindi niya hahayaan na basta na lamang itong mauwi sa wala. Malalim na ang gabi’y gising na gising pa rin siya. Pilit na hinahanapan ng solusyon ang problema.
“Hmmm! Ano kayang mabuti kong gawin para hindi tuluyang magsara ang negosyo na matagal kong pinaghirapan?”
At may pumasok sa kaniyang isip na agad niyang ikinatuwa.
“Alam ko na! At sa naisip kong ito’y tiyak na maisasalba ko ang aking negosyo at magkakamal pa ako ng malaking salapi,” nakangiting sabi ni Estong.
Dali-dali siyang pumunta sa bodega at may hinalungkat sa lumang aparador. Mayamaya ay inilabas niya ang isang nakakatakot na kasuotan.
“Si Victo at ang costume na ito ang solusyon sa problema ko!” sambit pa niya sa sarili habang hawak ang kasuotang kawangis ng isang nakakatakot na halimaw. Iyon ay lumang costume na ginamit niya noon sa halloween party.
Kinaumagahan ay sinabi niya sa tauhan niyang si Victo ang kinakaharap na problema ng kaniyang negosyo at ang naisip niyang solusyon para rito.
“I-isusuot ko ang costume na ito at magpapanggap akong halimaw, amo?” gulat na tanong ni Victo.
“Oo, Victo. At haharangin mo’t tatakutin ang mga magdaraang sasakyan sa may tulay na malapit sa bangin,” sagot ni Estong sa katiwala.
Dahil takot ding mawalan ng trabaho ay napapayag ni Estong si Victo sa plano niya.
“Okay, amo! Sabagay madali lang naman ang gagawin ko, mananakot lang ako at sino ba naman ang mag-aakalang ako ay huwad na halimaw lamang,” hayag pa ng lalaki.
“Mabuti at nagkakaintindihan tayo. Kaya mamayang gabi ay umpisahan mo na ang trabaho mo at doble ang magiging sahod mo kaysa sa dati,” tugon pa ni Estong.
“Areglado, amo! Basta pagkakaperahan ay ayos sa akin ‘yan!”
Nang sumapit ang dilim ay isinagawa na ni Victo ang balak. Nag-abang siya sa tulay at ilang minuto lang ay may nagdaang jeep.
“Hayun! Puno ng pasahero ang jeep na ‘yon!” tatawa-tawang sabi ni Victo sa isip.
Sinimulan na niya ang pananakot. Humarang siya sa daraanan ng jeep at umungol na parang isang tunay na halimaw.
“Growl, growl!”
Nahintakutan ang drayber ng jeep at mga pasahero.
“Halimaw, may halimaw sa daraanan natin!” sigaw ng drayber.
Sa takot ng drayber ay biglang kinabig nito ang manibela at nahulog ang jeep sa bangin. Walang nakaligtas sa aksidenteng ‘yon at lahat ay nas*wi.
Tagumpay ang mag-amo sa kanilang masamang gawain.
“O, eto ang para sa iyo, Victo! Ayon sa ating napagkasunduan,” masayang sabi ni Estong sa kaniyang tauhan.
“Maraming salamat po, amo! Ang laking halaga nito!”
“Ituloy mo lang ang ginagawa mo at marami pang darating na pera sa iyo, Victo,” aniya.
Ilang gabi na nilang ginagawa ang pananakot at ilang gabi na rin na maraming nasas*wi sa tulay kaya naman marami na ulit ang umoorder sa kaniya ng ataul at mabenta na ulit ang punerarya niya. Habang nasa kuwarto ay wala siyang inatupag kundi bilangin ang mga kinita niya.
“Utak lang ang kailangan upang pagpasok ng kaperahan ay makamtan,” nakangising sabi ni Estong sa isip.
‘Di nagtagal ay mas lalong umunlad ang negosyo ni Estong. Patuloy rin ang lagim na bumabalot kuno sa Barrio Kuliglig dahil sa paglitaw ng huwad na halimaw sa tulay na ikinakas*wi ng mga inosenteng tao. Nahihirapan naman sa pag-iimbestiga ang mga kapulisan sa sunud-sunod na insidente sa tulay dahil malinis trumabaho ang mag-among Estong at Victo na walang bakas ng ebidensiya na magtuturo sa kanila ngunit isang araw ay isang magandang balita ang natanggap ni Estong.
“Darating ang aking mag-iina sa susunod na araw! Maghahanda ako para sa kanilang pagdating. Ilang buwan din kaming hindi nagkita-kita mula nang mag-aral ang mga bata sa Maynila,” aniya habang binabasa ang mensahe ng kaniyang asawa sa cell phone.
Gaya ng dati, ipinagpatuloy pa rin nina Estong at Victo ang buktot na gawain. Isang gabi ay muling nanakot si Victo sa tulay at hinarang ang paparating na bus.
“May halimaw sa tulay!” takot na sigaw ng drayber.
Nataranta ang mga pasahero at ang drayber ng bus hanggang sa tuluyang nahulog ang sasakyan sa malalim na bangin. Gaya ng inasahan ay malagim na katapusan ang kinasapitan ng mga taong lulan ng bus. Lahat ay binawian ng buhay.
Tuwang-tuwa ang mag-amo dahil limpak-limpak na pera na naman ang kikitain nila ngunit isang nakagigimbal na balita ang sumalubong sa kanila.
“Kayo po ba si Mr. Asistio? Ikinalulungkot ko pong sabihin na kasama sa mga nas*wi sa aksidente sa tulay ang inyong mag-iina,” bunyag ng pulis na pumunta sa bahay niya.
“H-hindi! Hindi totoo ‘yan!” hiyaw ni Estong na agad na pumunta sa morge ng ospital kung saan dinala ang mga labi ng mga naging b*ktima nila. At tumambad nga sa kaniya ang wala nang buhay na mga katawan ng asawa at dalawa niyang anak.
“Patawarin niyo ako! Ako ang may kasalanan ng lahat!” hagulgol ni Estong na puno ng pagsisisi.
Kinarma rin si Victo dahil kasama rin sa nas*wi sa aksidente ang kaniyang mga magulang na nakasakay rin sa bus.
Dahil sa hangad na makapagtamo ng malaking halaga ay nakalimutan ni Estong na sa araw na iyon ang dating ng kaniyang mag-iina galing sa siyudad na malas namang sa bus na iyon napasakay kasama ng mga magulang ni Victo. May kasabihan nga na kapag buhay ang inutang ay buhay rin ang kabayaran.
Bukod sa nawalan ng mga mahal sa buhay ay kakaharapin pa ng mag-amo ang kaparusahan na bunga ng kanilang kabuktutan. Sa kulungan ang bagsak ng dalawa dahil sa paglikha nila ng huwad na halimaw na naminsala sa mga inosenteng buhay.