Inday TrendingInday Trending
Binigyan ng Pamasahe ng Lalaki ang Matandang Babaeng Nakasabay sa Bus; Ito Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Isang Mahalagang Tao sa Buhay Niya

Binigyan ng Pamasahe ng Lalaki ang Matandang Babaeng Nakasabay sa Bus; Ito Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Isang Mahalagang Tao sa Buhay Niya

“Buwisit na buhay ito! Kung kailan gustung-gusto ko nang makauwi sa amin ay saka pa nasiraan ang bus na ito!” inis na sabi ni Charles nang inihinto ng drayber ang bus kung saan siya nakasakay para panandaliang kumpunihin.

Pauwi siya sa probinsya para dalawin ang anak niyang si Loty na kasalukuyang nasa pangangalaga ng kaniyang mga magulang. Nagtatrabaho siya bilang manager sa isang malaking kumpanya sa Maynila.

“Miss na miss ko na ang anak ko! Ilang buwan din kaming hindi nagkikita,” bulong pa niya sa sarili habang pinagmamasdan sa cell phone ang litrato ng anak.

Bukod sa kaniya ay inip na inip na rin ang iba pang pasahero ng bus ngunit wala silang magagawa kundi ang maghintay na maayos iyon. Habang naghihintay ay bumaba muna ng bus si Charles at naghanap ng tindahan na mabibilhan ng pagkaing pampasalubong niya sa anak.

“Saan kaya may malapit na bilihan ng pagkain?” tanong pa niya sa isip.

Mayamaya ay may lumapit sa kaniyang matandang babae.

“Amang, maaari mo ba akong matulungan? Nawalan kasi ako ng pera, hindi ko alam kung saan ko iyon nawala o baka nadukutan ako nang hindi ko nalalaman. Isang sakay pa ako papunta sa amin, eh wala na akong pera, baka puwede namang makahiram ng pera? Babayaran ko rin sa iyo,” wika ng matanda.

Nakaramdam ng awa si Charles kaya inabutan niya ng pera ang kawawang ale.

“Ganoon po ba, lola? Naku, mahirap nga po ‘yang kalagayan niyo. O, heto po ang pera, gamitin niyo pong pamasahe sa inyong patutunguhan,” sagot ng lalaki.

“Maraming salamat, amang, napakabuti mo. Hayaan mo at babayaran ko ito. Nakasakay ka rin sa bus na ‘yon, ‘di ba?” tanong ng matanda.

“Opo, pero huwag niyo na pong bayaran ‘yan. Tulong ko na po ‘yan sa inyo,” sambit pa ni Charles.

“Aba’y nakakahiya naman, amang, pero salamat na rin sa iyong pagmamagandang loob,” tugon ng kausap.

“Walang anuman, lola. Sa susunod po ay mag-iingat kayo. Marami pa namang mandurukot ngayon,” saad pa ni Charles.

‘Di nagtagal ay nagbalik na sila sa kinaroroonan ng bus. Sinabi rin ng drayber na maayos na iyon at maaari na ulit sumakay ang mga pasahero.

Nang muling makasakay sa bus ay tinabihan na ni Charles ang matandang babae na nakita niyang nag-iisa lang sa kinauupuan.

“Tabihan ko na po kayo, lola. Para may kausap kayo habang nasa biyahe tayo,” aniya.

“Sige, amang. Eh, saan bang baba mo?”

“Sa San Isidro po.”

“Malapit lang pala ang bababaan mo sa bababaan ko. Sa San Martin lang ako bago ang bayan na pupuntahan mo.”

“Ang lapit po pala sa amin niyon! Ang mabuti pa po’y sasamahan ko na kayo sa inyong pagbaba at ihahatid sa inyong paroroonan, tutal ay malapit lang naman ang San Martin sa San Isidro,” alok ni Charles.

Napansin kasi niya na hirap na rin sa paglalakad ang matanda sa mga dala nitong bagahe kaya naisip niyang ihatid na lang ito sa bahay nito kapag ito’y bumaba.

“Naku, amang, sobrang abala na para sa iyo!” nahihiyang tugon ng matanda.

“Okay lang po, lola. Para may katulong po kayo sa pagbubuhat ng mga dalahin niyo,” paliwanag niya.

“Kung ‘yan ang gusto mo ay ikaw ang bahala. Maraming salamat ha? Huwag kang mag-alala, pagdating natin sa bahay ko’y ipaghahanda kita ng masarap na makakain masuklian ko lamang ang kabutihan mo, amang. Nga pala, ako si Charito, Lola Charing na lang itawag mo sa akin,” wika ng matanda.

“Ako naman po si Charles,” pagpapakilala naman ng lalaki sa sarili.

Mayamaya ay tuluy-tuloy na ang kuwentuhan ng dalawa.

“Matagal nang pumanaw ang aking asawa at hindi kami nabiyayaan ng anak pero sa ngayon ay may anak-anakan akong kinukupkop. Kawawa nga eh, may kapansanan na nga eh, iniwan pa ng iresponsableng asawa,” sabi ni Lola Charing.

“Kawawa naman po pala ang anak-anakan niyo, lola,” tugon ni Charles.

“Oo nga, eh kaya nga itinuring ko na rin na parang tunay kong anak ang batang ‘yon. Masuwerte naman ako na dumating siya sa buhay ko dahil napakabait niya at napakasipag pa. Tinutulungan niya ako sa paghahanapbuhay kahit na may kapansanan siya, p-pero ikaw, amang, may asawa ka na ba?” habol na tanong ng matanda.

“A, eh, h-hiwalay na po sa asawa at may isang anak,” sagot niya.

Makalipas ang ilang oras ay bumaba na sa bus si Lola Charing kasama si Charles. Buo na ang pasya ng lalaki na samahan ang matanda sa bahay nito para ihatid pagkatapos ay sasakay na lamang siya ulit para makauwi sa San Isidro. Sumakay sila ng jeep papunta sa uuwian ng matanda at ilang minuto lang ay narating na nila ang isang maliit na kalye at nagsimula ulit na maglakad ngunit may biglang namuong alinlangan sa isip ni Charles. Bigla siyang nakaramdam ng kaba.

“B-bakit ganito ang nararamdaman ko? Hindi ko maintindihan!” sambit niya sa sarili.

Hanggang sa natunton na nila ang maliit na bahay ni Lola Charito.

“O, narito na tayo, amang. Ito ang munti kong tahanan. Halika, tuloy ka muna para makapagmeryenda at para makilala mo rin ang anak-anakan ko!” yaya ng matanda.

Kumatok ng tatlong beses si Lola Charing sa pinto at nang bumukas iyon ay laking gulat ni Charles sa taong sumalubong sa kanila.

“E-Elvira!” malakas na sambit ni Charles nang makilala ang babaeng bumungad sa kaniya.

“C-Charles!” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae nang makita siya.

Ikinagulat ni Lola Charing ang tagpong iyon. Naguguluhan sa nangyayari.

“M-magkakilala kayong dalawa?”

At nabunyag na ang katotohanan.

“Kilala ko po siya, lola. Siya po ang asawa kong si Charles. Siya po ang ama ng nawala kong anak,” sagot ng babae.

“E-Elvira, a-ang a-akala ko’y sumama ka sa ibang lalaki at iniwan mo kami ng ating anak! At a-anong sinasabi mo na nawala ang ating anak? Eh, nasa pangangalaga siya nina mama at papa mula nang mawala ka,” naguguluhang sabi ni Charles.

“Hindi totoong sumama ako sa ibang lalaki, Charles. Pilit lamang akong siniraan ng mga magulang mo dahil hindi nila ako gusto para sa iyo. Pinalabas nila na may iba akong kalaguyo para magalit ka sa akin at nagtagumpay naman sila. Pinagtangkaan nila ang buhay ko at ng ating anak na nasa aking sinapupunan nang walang awa nila akong itinulak sa isang bangin. Ang akala nila ay tuluyan na akong nas*wi ngunit sa awa ng Diyos ay nakaligtas ako sa kam*tayan ngunit hindi ang ating anak, Charles. Nawala ang pangalawa nating anak dahil sa kasamaan ng mga magulang mo! Mabuti na lamang at tinulungan ako at kinupkop ni Lola Charito. Bukod sa nawalan ako ng anak ay napinsala pa ang aking mga binti kaya ngayon ay hirap na akong makalakad, gumagamit na lang ako ng saklay para maihakbang ang aking mga paa. Ang akala ko’y wala nang sasakit pa sa mga pinagdaanan ko ngunit ang mas masakit ay nang sabihin ng mga magulang mo na hindi mo na ako mahal at may iba ka ng kinakasamang babae na kasakukuyan mong ibinabahay kasama ang panganay nating anak na si Loty. Kung wala ka nang pagmamahal sa akin ay buong puso ko namang tatanggapin dahil sino ba naman ako? Isa lamang akong hamak na kasambahay na nagmahal at umasa na mamahalin din ng isang gaya mong nakakaangat sa buhay, isa lang ang pakiusap ko, Charles, ibalik niyo sa akin ang anak kong si Loty, siya na lamang ang mayroon ako ngayon, siya na lamang,” hagulgol ni Elvira.

Halos madurog ang puso ni Charles sa ipinagtapat ng babae.

“W-wala akong kaalam-alam sa ginawang iyon ng aking mga magulang. A-ang akala ko’y ikaw ang umalis at sumama sa ibang lalaki ngunit hindi pala totoo ang sinabi sa akin nina mama at papa? Niloko nila ako, Elvira! Hindi ko rin alam na dinadala mo ang ikalawa nating anak at pati pala siya ay idinamay nila? Mga wala silang puso! Patawarin mo ako, Elvira, hindi ko alam ang mga hirap na pinagdaanan mo. Kung nalaman ko agad ang kanilang balak ay hindi ko hahayaan na mangyari ang sinapit niyo ng ating anak! Hindi rin totoo na may iba akong babae dahil ikaw lang ang kaisa-isang babaeng minahal ko,” humihikbing sagot ni Charles saka niyakap nang mahigpit ang asawa.

“O, Charles, ang akala ko’y hindi mo na ako mahal at tuluyan mo na akong iniwan at ipinagpalit sa iba. Masaya pa naman ako dahil ibabalita ko sa iyo na magkaka-baby na ulit tayo, p-pero bigla naman siyang binawi sa atin,” patuloy na iyak ni Elvira.

“Pagbabayaran nina mama at papa ang kanilang ginawa, ipinapangako ko ‘yan sa iyo. Isasama na kita ngayon din para mapunan ko ang mga pagkukulang ko sa iyo, mahal ko,” tugon ni Charles.

Walang patid din ang pagluha ni Lola Charing sa tagpong iyon ng mag-asawa.

“Ngayon ay nalinawan na ako sa tunay na nangyari sa inyo. Humayo kayo at ipaglaban ang inyong pagmamahalan. Hindi pa huli ang lahat para makamtan niyo ang katarungan,” sambit ng matanda.

“Maraming salamat, lola sa pagtulong at pagkupkop niyo sa aking asawa. Kaya pala ang gaan ng loob ko sa inyo ay dahil kayo pala ang daan para mahanap ko ang aking asawa’t malaman ko ang buong katotohanan sa kaniyang pagkawala,” wika ni Charles.

“Walang anuman, amang, ang mahalaga ay nagkita na kayong muli. Huwag na huwag mo na ulit hahayaang mawala sa iyo ang asawa mo,” tugon ng matanda.

Agad na isinuplong ni Charles ang mga magulang sa mga awtoridad sa ginawa ng mga ito kay Elvira. Pinanigan naman sila ng batas at nasentensyahan na makulong ang mama at papa niya. Samantala, kasalukuyang ipinapagamot ni Charles ang napinsalang binti ni Elvira upang makalakad ulit ito nang maayos. Masaya na silang kapiling ang isa’t isa kasama ang anak nilang si Loty. Kinupkop din nila si Lola Charito na itinuring na rin nilang miyembro ng pamilya.

Advertisement