Isang Estudyante ang Biglang Tumamlay sa Klase, Kakaibang Problema Pala ang Pinagdaraanan ng Babae

“Ma’am Rita, may napapansin ka bang kakaiba sa estudyante nating si Jennifer? Napapansin ko kasi nitong mga nakaraang linggo ay palaging tulog ang batang iyon lalo na sa oras ng klase ko!” wika ni Ellen isang guro.

“Naku, Ma’am Ellen buti at nabanggit niyo ‘yang si Jennifer. Isa ‘yan sa mga aktibo sa klase ko noon pero halos isang buwan na rin na napapansin kong hindi na masyado nakikisali ‘yung bata sa talakayan ng klase. Kung hindi tulala ay palagi itong tahimik at hindi na rin makasagot ng maayos sa mga pagsusulit,” sagot naman ni Rita sa kaniya, isa ring guro sabay hinto nito sa pagsusulat niya sa pisara.

“Sige salamat kung ganoon, susubukan ko ring tanungin ‘yung ibang mga guro saka ko kakausapin ‘yung bata o kaya ‘yung mga magulang. Baka may pinagdaraan na problema,” wikang muli ni Ellen at nagpaalam sa kaniyang kasamahan.

Nagtanong-tanong pa siya sa ibang mga guro at parehas din sila ng mga obserbasyon tungkol kay Jennifer. Naitanong din ni Ellen sa ibang mga estudyante kung kumusta ito o kung may alam silang pinagdaraan na problema ang kaklase.

“Wala naman masyado, ma’am, ang alam ko lang po ay galing sa ibang bansa ang tatay niya. Huling kwento pa nga po niya ay maraming dalang gamit galing sa abroad, bakit niyo po natanong?” sagot ng isang estudyante sa kaniya.

“Wala naman, napapansin ko lang kasi na hindi na siya aktibo sa klase natin. Hindi niyo ba iyon napapansin?” tanong naman ni Ellen sa estudyante.

“Naku, ma’am, baka may jowa o ‘di naman kaya heartbroken kaya tahimik! Uso pa naman ang ganon ngayon dito sa eskwelahan natin!” natatawang sagot muli nito sa kaniya. Napailing na lang si Ellen at iniwan na rin ang kausap habang iniisip pa rin ang pinagdaraanan ni Jennifer dahil aminado siyang pumasok din ang ideya na iyon sa kaniya at ang mas ikinatatakot pa nga niya ay baka may karahasan na itong pinagdaraanan. Ngunit iniling ni Ellen ang kaniyang ulo upang mabura iyon at manatiling positibo na hindi ganoon ang nangyayari.

Ilang araw pa ang lumipas at pinilit niyang gawan ng paraan na makausap si Jennifer ngunit palagi siyang iniiwasan ng bata kaya naman naisipan niyang puntahan ito sa kanilang bahay.

Advertisement

“Naku, tulog ‘yang nanay ni Jennifer kapag umaga kasi call center agent ‘yan sa gabi. Bakit, may ginawa bang kalokohan ‘yung anak niya? Ako na ang magsasabi kay Kumareng Lanny!” wika ng aleng kapitbahay ni Jennifer sa kaniya.

“Sino po kaya ang kasama ni Jennifer sa bahay? Gusto ko lang sana makausap ang mga magulang niya at may importante po sana akong sasabihin,” wika ni Ellen sa ale.

“Naku! Alam niyo ho ba ang balita tungkol sa tatay niyang si Jennifer? Ang sabi ay nakabuntis daw iyan ng katrabaho sa ibang bansa at kaya umuwi ay para puntahan ‘yung pamilya nung nabuntisan kaya ayon, wasak!” siwalat pa sa kaniya muli ng babae.

Nanlaki naman ang mata ni Ellen at hindi nakapagsalita nang kakausapin pa sana niya ang ale ay bigla siyang kinalabit ni Jennifer.

“O, ikaw pala ‘yan,” mabilis na sagot ng guro.

“Bakit po kayo nandito, ma’am?” tanong ni Jennifer sa kaniya.

Ngumiti muna si Ellen at saka nagpaalam sa ale at tumalikod para kausapin ang bata at lumayo silang dalawa.

“Pasensya ka na, Jennifer, pero nag-aalala kasi ako sa’yo, gustong-gusto sana kitang kausapin ngunit napapansin kong iniiwasan mo ako. Hindi lang ako ang may sabi nito kung ‘di maging ang ibang mga guro mo, palagi kang tulog sa klase o ‘di naman kaya tulala at palaging lumilipad ang isip mo nitong mga nagdaan na buwan,” mabilis na sabi ng guro.

Advertisement

“Tapos nakausap ko nga ‘yung kapitbahay niyong iyon. Siya na ang nagsabi sa akin ng mga pinagdaraan niyo, naiintindihan kita, Jennifer. Hindi mo ako kailangan iwasan,” dagdag pang muli ng babae.

Napakunot naman ng noo si Jennifer bago nakaimik sa kaniyang guro.

“Ano pong sabi sa inyo ni Aling Rona?” tanong ni Jennifer dito.

“Na may ibang pamilya ang tatay mo,” sagot kaagad ni Ellen sa bata.

“Po?!” gulat na sagot ni Jennifer dito at kaagad na natawa.

“Ma’am Ellen, pasensya na po kayo kung sa tingin po ninyo ay iniiwasan ko po kayo pero hindi po totoo ‘yung sinabi sa inyo ni Aling Rona, maniwala po kayo sa akin,” natatawang wikang ni Jennifer sa kaniya. Tumahimik naman saglit ni Ellen at napatitig sa tawa ni Jennifer.

“Ma’am, sorry po kung tulala ako o tulog sa klase niyo pero maniwala man po kayo o sa hindi ay walang katotohanan ang mga sinabi sa inyo nung si Aling Rona kasi ito po ang totoo…” natatawang siwalat ni Jennifer sa guro at pulang-pula ang mukha nito saka inilabas ang telepono sa kaniyang bulsa.

“Wala naman pong problema ‘yung nanay at tatay ko sa awa ng Diyos pero hindi ko na po talaga kasi mapigilan at nalululong na ako sa kakapanuod ng Korean nobela! Ito po talaga ang rason kung bakit ako laging tulog sa klase niyo dahil sa walang tigil ko po kakapanood ng mga palabas. Isa pa, ngayon lang din po kasi ako nagkaselpon at aminado po akong ang saya! Sorry po, ma’am,” siwalat muli ni Jennifer sa guro. 

Advertisement

Hindi malaman ni Ellen kung matatawa siya o magagalit sa estudyante ngunit mas mabilis niyang nahampas ito sa pwet na parang anak niya. Saglit pa na nagkwentuhan ang dalawa at pinagsabihan niya na kailangan mabalanse ni Jennifer ang panunood at ang kaniyang pag-aaral. Nagpapasalamat na lang din si Ellen sa Diyos at mali ang kaniyang mga hinala patungkol dito. Sa huli’y nagpasalamat din si Jennifer kay Ellen dahil kung hindi dahil sa pag-aalala nito ay malamang hindi na niya namamalayan pa na napapabayaan na pala niya ang kaniyang pag-aaral.