Inday TrendingInday Trending
Isang Matanda ang Pinahiram Niya ng Payong sa Kasagsagan ng Ulan; Isang Lihim na Pagtingin ang Nabunyag Dahil Dito

Isang Matanda ang Pinahiram Niya ng Payong sa Kasagsagan ng Ulan; Isang Lihim na Pagtingin ang Nabunyag Dahil Dito

Malakas ang ulan. Nakahinga nang maluwag si Amy dahil nang pagsilip niya sa kaniyang bag ay nakita niya na nadala niya ang kaniyang payong.

“Sana naman huminto na ang ulan. Ang hirap maglakad nang umuulan,” pabulong na himutok ng dalaga.

Mahaba-haba pa kasi ang lalakarin niya pagbaba ng jeep dahil sa looban pa ang bahay nila.

Naputol ang pagmumuni-muni ng dalaga nang mapansin ang matanda sa harapan niya. Mukhang balisa ito habang kinakalkal ang bitbit nitong bag.

“Naku po! Ang malas naman, naiwan ko pa ang payong ko!” bulong ng matanda na hindi nakaligtas sa pandinig niya.

Minasdan niya ang matanda. Sa tingin niya lampas pitumpu na ang edad nito. Hindi niya maiwasang mag-alala sa matandang kahit na hindi niya ito kakilala.

Kinuha ng matanda ang lumang cellphone nito. Itinapat nito ang cellphone sa tainga nito na para bang naghihintay ng sasagot.

Ngunit ilang minuto na ang lumipas ay bigo pa rin ang mukha ng matanda. Mukhang walang sumasagot sa tawag nito.

Laglag ang balikat na ibinalik nito ang cellphone sa bag.

“Ano ba naman ito, bababa na ako, eh…” muli ay problemadong bulong ng matanda.

Hindi niya na naiwasang kunin ang atensyon nito.

“‘Nay, wala ho kayong payong?” nakangiting tanong niya rito.

Tila nagulat ito sa sinabi niya ngunit sumagot din kalaunan.

“Naku, oo, hija. Tumatawag ako sa bahay kaso wala namang nasagot,” dismayadong sagot ng matanda.

Kinuha niya ang sariling payong bago iniabot sa matanda.

Nanlaki ang mata nito at agad na tumaggi.

“Hindi na! Ikaw naman ang mababasa sa ulan,” umiiling na tugon nito.

“‘Wag ho kayong mag-aalala. Malayo pa ho ang bababaan ko,” pagsisinungaling niya.

Ang totoo ay ilang saglit na lang ay bababa na rin siya. Ngunit ayaw niya naman na mabasa ng ulan ang matanda. Matanda na ito at alam niyang delikado para rito na magkasakit.

Matigas pa rin ang pagtanggi ng matanda ngunit wala rin itong nagawa kundi kunin ang payong niya nang huminto na ang jeep sa lugar na bababaan nito.

“Maraming salamat, hija. Mag-ingat ka pag-uwi.” Bakas pa rin sa mukha nito ang hiya nang magpaalam ito at bumaba ng jeep.

Isang matamis na ngiti ang isinukli ni Amy sa matanda. Nang wala na ito ay noon lamang binalot ng pag-aalala ang magandang mukha ng dalaga.

“Naku, paano kaya ako makakauwi?” sa loob-loob niya.

Sa sobrang pag-iisip niya ay hindi na niya napansin ang isang lalaki na kanina pa siya pinagmamasdan. May pagtataka sa mukha nito.

Malakas pa rin ang ulan ngunit malapit na siyang bumaba ng jeep.

“Sa tabi lang po, Manong!” malakas na sigaw niya.

Nagamamadaling tinakbo niya ang isang tindahan para makisilong. Doon muna siya magpapatila ng ulan.

Ilang segundo pa lamang siya roon ay isang lalaki na may dalang itim na payong ang dumating.

Nanlaki ang mata ni Amy nang magtama ang mata nila ng lalaki. Sa kamalas-malasan ay dumating pa ang suplado niyang kababata na si Don!

Agad niyang iniwas ang tingin sa mukha ng kababata. Sa totoo lang ay gusto niya ito dati pa, Ngunit noon pa man ay tila may galit na ito sa kaniya, bagay na hindi niya lubos na maunawaan.

Napapitlag siya nang marinig ang tinig nito.

“Wala kang payong?”

Tumingin siya sa paligid upang matukoy kung sino ang kausap nito. Nang makitang walang ibang tao roon maliban sa kanila ay gulat na napatingin siya sa binata. May simangot na naman sa gwapo nitong mukha.

“Ikaw ang kinakausap ko, Amy,” tila inis na bulalas nito. “Sabay ka na sa akin,” kapagkuwan ay alok nito habang tangan-tangan ang itim na payong.

Tatanggi sana siya ngunit ang malakas na ulan kanina ay sinasabayan na ngayon ng pagkulog at pagkidlat. Ayaw niya namang abutin ng gabi sa daan.

Nahihiyang tumango siya sa kababata.

“Salamat,” halos pabulong na wika niya nang naglalakad na sila. Tila tinatambol ang dibdib niya sa labis na kaba.

Habang naglalakad sila sa ulanan ay tila walang nais na magsalita.

“Bakit mo binigay sa matanda ang payong mo?” maya-maya ay usisa nito.

Napamulagat siya. Nakita pala nito ang ginawa niya.

“Wala siyang payong, eh. Matanda na, baka magkasakit,” magaang paliwanag niya.

Hindi ito nagsalita.

“Bakit ayaw mo sa akin, Don?” hindi nakatiis na usisa niya sa kababata.

“Anong ayaw ko sa’yo? Saan mo naman nakuha ‘yan?” tila nagtatakang balik-tanong nito.

“Kasi masungit ka na sa akin. Dati pa,” aniya.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig niya ang pagtawa nito.

“Napapansin mo pa ‘yun? Ang dami-daming lalaki na nagkakandarapa sa’yo,” tila nanunuksong katwiran nito.

“Ikaw lang naman ang gusto ko,” mahinang bulong niya.

Naramdaman niya ang biglaang paghinto nito sa paglalakad. Nang lingunin niya ito ay kitang-kita ang gulat sa mukha nito.

“Ano? Gusto mo ako noon?” hindi makapaniwalang usisa nito.

Nahihiyang tumango siya.

“Hindi mo nga lang ako pinapansin kaya isinuko ko na,” malungkot na pag-amin niya.

Nagsimula ulit silang maglakad.

“Gusto rin kita noon pa. Hindi ko lang pinaalam sa’yo dahil sino ba naman ako kumpara sa mga nanliligaw sa’yo? Isa lang akong hamak na wirdo na walang ibang alam kundi ang mag-aral,” mahinang anas nito.

Siya naman ang napahinto sa paglalakad. Hindi siya makapaniwala sa inamin ng kababata.

Tahimik silang nagpatuloy sa paglalakad.

Nang makarating sila sa tapat ng bahay nila ay tuluyan nang tumila ang ulan.

“Salamat,” aniya sa kababata. Hindi ito sumagot.

Nakatalikod na siya ng muli itong magsalita. Tila nahulog ang puso siya sa sinabi nito.

“Amy, pwede bang manligaw?”

Nang lingunin niya ang kababata ay yukong-yuko ito na tila hiyang-hiya.

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mukha niya bago sumagot. “Oo, pwede.”

Nang makaalis si Don ay saka lang siya impit na napatili. Sino ba ang mag-aakala na may tiyansa pa sila ng kaniyang first love?

Makalipas ang ilang buwan na panliligaw ni Don ay sinagot niya ang binata.

Isang araw habang pauwi silang magkasintahan ay isang pamilyar na mukha ang muli niyang nakita. Ang matanda na pinahiram niya ng payong. Gaya niya ay mukhang masaya ito na makita siya.

“Hija, isosoli ko na ang payong mo. Maraming salamat, ha? Nawa ay pagpalain ka ng Diyos,” ngiting-ngiting wika ng matanda.

“Naku, may matinding pagpapala nga ho na binigay, Lola!” sagot naman niya habang mahigpit ang hawak sa kamay ng kaniyang kasintahan. Natutuwang niyakap niya ang payong na ipinahiram niya noon sa matanda.

Kung nataon na may payong siya noon, malamang ay hindi niya kasama ngayon si Don. Kakaiba nga naman kung paano maglaro si Kupido!

Advertisement