
Natukso ang Babae na Pagnakawan ang Kaniyang Amo; Ano ang Kahihinatnan ng Kaniyang Desisyon?
Agad na kumabog ang dibdib ni Mina. Nang sagutin niya kasi ang tawag ng kapatid ay iyak lang ang narinig niya sa kabilang linya.
“Anong nangyari? Bakit ka naiyak?” takang tanong niya sa kapatid.
“A-ate Mina… si T-tatay, n-naaksidente!”
Halos hindi ito makapagsalita nang maayos sa sobrang pag-iyak.
“Kailangan natin ng kalahating milyon para sa operasyon, Ate!” patuloy na pagbabalita nito.
“Diyos ko! Saan naman natin kukunin ‘yan? Hayaan mo, maghahanap ako ng makukunan natin ng pera! Bantayan niyo nang maayos si Nanay, at baka tumaas ang presyon,” naluluhang bilin niya sa kapatid.
Nang matapos silang mag-usap ay nanlalambot na napaupo siya sa maliit niyang kama. Tuluyan na siyang napaiyak dahil sa awa sa kaniyang Tatay. Matanda na kasi ito ay namamasada pa ito para makatulong sa pamilya nila.
“Paano na ito?” namomroblemang bulong niya.
Maghapon siyang problemado habang nagtatrabaho. Marahil napansin iyon ng mga kasamahan niya kaya naman hindi maiwasan mag-usisa na ang mga ito.
“Naaksidente kasi si Tatay. Kailangan namin ng malaking pera,” umiiyak na kwento niya sa mga kapwa niya kasambahay sa malaking bahay na iyon.
Mas lalo siyang napaiyak nang isa-isang nag-abot ng pera ang mga kasamahan niya.
“Maliit na halaga, pero sana makatulong,” sabi ng mga ito.
“Salamat, salamat sa inyo!” lumuluhang bulong niya.
Nang gabing iyon, napagdesisyunan niyang maglinis sa kwarto ng amo nila.
Isang malaking silid iyon na napapalibutan ng salamin. Kapag inililihis ang makapal ng kurtina ay sasalubong ang magandang tanawin: ang araw na tila unti-unting lumulubog sa dagat.
Sa loob ng malaking kwarto ay may isa pang kwarto. Sa dami ng katulong sa bahay na iyon, apat lamang sila na pinagkakatiwalaang makapasok sa kwarto na iyon dahil doon nakatago ang mga mamahaling alahas, bag, sapatos, at damit ng kanilang amo na si Joan. Doon din itinatago ni Joan ang mga pera, titulo ng mga lupain, at kung ano-ano pang mahahalagang dokumento nito.
Habang naglilinis ay muli na namang sumagi sa isip niya ang problema ng kanilang pamilya. Kasalukuyang siyang nagmumuni-muni nang matuon ang tingin niya sa kwintas na naka-display sa gitnang bahagi ng silid.
Ito ang pinakabago sa koleksyon ni Joan. Ayon sa kwento ng ginang ay nagkakahalaga raw ng tumataginting na isang milyon ang kwintas.
Tila nahihipnotismong nilapitan niya ang kwintas. At isang ideya ang nabuo sa isip niya.
Kung mapupunta sa kaniya ang kwintas, hindi na niya kailangan pang problemahin ang panggamot ng kaniyang ama.
Naisip niya na iyon na ang perpektong pagkakataon niya na iyon, lalo pa’t nasa ibang bansa ito sa susunod na araw pa babalik.
“Hindi naman ito kawalan kay Ma’am Joan,” sa isip-isip pa ni Mina.
“Isa pa, hindi niya ako pagsususpetsahan. Matagal na ako rito,” bulong pa niya.
Nanginginig ang kamay na binuksan niya ang salaming pinaglalagyan ng kwintas.
Ngunit nang hawakan niya ang kwintas ay iba’t ibang alaala ang pumasok sa isipan niya. Naalala niya ang mga kabaitang ipinakita sa kaniya ng amo. Naalala niya rin ang magandang samahan nila ng mga kapwa niyang kasambahay, na hindi nag-atubiling tulungan siya sa oras ng pangangailangan.
Agad siyang nakaramdam ng konsensya. Tila napapasong binitawan niya ang kwintas bago siya napailing.
“Hindi, hindi maaari! Ayokong sirain ang tiwala ni Ma’am Joan, pati na ng mga kasamahan ko. Hindi sa ganitong paraan ko ililigtas si Tatay!” naibulalas niya.
Mabilis na tinapos niya ang paglilinis at walang lingon-likod niyang nilisan ang silid na iyon.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay dumating na ang amo nila.
Kagaya ng dati, matapos itong magpahinga ay isa-isa sila nitong inabutan ng malaking paperbag. Naglalaman iyon ng kung ano-anong pasalubong nito mula sa bansang pinuntahan.
“Salamat po, Ma’am Joan!” halos sabay-sabay nilang pasasalamat sa mabait na amo.
Papalabas na sila nang marinig niyang tinawag siya nito.
“Manang Mina, kailangan ko ho kayo makausap,” pigil nito sa paglabas niya.
Agad na kumabog ang dibdib niya. Alam ba nito ang ginawa niya?
Seryoso ang mukha nito habang minamasdan ang isa-isang pag-alis ng mga kasambahay.
“May gusto ka bang sabihin sa akin?” tanong nito.
Tila naumid ang dila niya. Mukha ngang alam na nito ang pagtatangka niya na nakawin ang kwintas na gawa sa dyamante!
Handa na siyang umamin sa kasalanang nagawa niya nang muli itong magsalita.
“Bakit naman hindi mo sinabi sa akin na nasa ospital pala ang Tatay mo?” usisa nito.
Ikinagulat niya ang sinabi nito. Paano nito nalaman ang bagay na ‘yun?
“Sinabi sa akin ng mga mga kasamahan mo. nag-aalala sila sa’yo dahil problemado ka na kahapon pa,” pagsagot nito sa tanong sa isip niya.
“Hindi ko ho nasabi kasi kadarating niyo lang, Ma’am,” nahihiyang sagot niya sa babae.
“Eh paano kita matutulungan niyan kung hindi ka magsasabi, Manang? Magkano ba ang kailangan ng Tatay mo?”
Nanlaki ang mata niya sa sinabi ng amo. “K-kalahating milyon ho,” naluluhang sagot niya. Naisip niya na naman kasi ang napakalaking problema na kinakaharap ng pamilya nila.
“Ako na ang bahala. Umuwi ka na sa pamilya mo at kailangan ka ng Tatay mo.”
Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang mukha nito na puno ng pang-unawa.
“Pero Ma’am, napakalaking halaga ho ng kalahating milyon. Baka ho kahit habambuhay ako magtrabaho rito ay hindi ako makabayad,” tugon niya sa amo.
Umiling ito. “Hindi ito utang. Tulong ko ito sa’yo. Kung mga hindi ko nga kilala, natutulungan ko, alangan namang pabayaan ko ang taong matagal nang naninilbihan sa amin?” nakangiting katwiran nito.
Walang patid ang pagtulo ng luha ni Mina habang paulit-ulit na nagpapasalamat sa kaniyang mabait na amo.
Nang araw na iyon ay nakauwi siya sa kaniyang pamilya dala ang pera na ibinigay ng kaniyang amo. Naoperahan ang kaniyang ama at sa awa ng Diyos ay nagpapagaling na lamang ito ng mga sugat na tinamo nito mula sa aksidente.
Hindi maiwasan ni Mina na maalala kung paano siya natukso na nakawin ang kwintas ni Joan. Marahil kung itinuloy niya iyon ay marami ang nawala sa kaniya. Marahil ay nakulong siya at nawalan ng trabaho.
Ngunit dahil pinili niya ang tama at siya ay naging matapat siya, tinulungan siya ng langit na malutas ang kaniyang problema. Kaya anuman ang problemang ating kinakaharap, ‘wag mag-atubili na piliin ang tama at mabuti!