
Hindi Napigilan ng Ginang ang Mawili sa Pagsusugal; Isang Nakakaiyak na Pangyayari ang Magpapabago Nito
“Nagustuhan niyo ba? Kung oo, bukas na bukas din ay pwede na kayong lumipat!” magiliw na paliwanag ni Aling Nena, ang may-ari ng apartment na balak nilang upahan.
Minasdan niya ang kabuuan ng apartment. Maganda iyon, maaliwalas, malinis at saktong-sakto lamang ang laki para sa kanilang mag-anak. Kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip na kunin ang bahay.
Kinabukasan din ay nakalipat sila. Mabuti na lang din at mababait ang mga kapitbahay na tumulong sa kanila sa pag-aayos ng mga gamit. Nasa ibang bansa kasi ang asawa niya.
“Mabuti naman at mukhang maayos diyan. Habang wala ako, maganda sana na makipagkaibigan ka sa mga tao para may malapitan ka sa oras ng pangangailangan,” payo ng asawa niya nang makausap niya ito.
Ngunit hindi niya na kinailangan pang lumapit sa mga ito dahil ang mga ito mismo ang bumisita sa kaniya isang araw para magpakilala. Nakilala niya sina Rosa, Analyn, at Teresa na nakatira sa mga kalapit na bahay.
“Kung gusto mo, pwede kang bumisita sa bahay. Naglalaro kami ng baraha para naman malibang, baka interesado ka,” paanyaya ni Rosa.
“Ay, naku! Pasensya na! Hindi ako marunong ng mga ganyan!” nahihiyang sagot niya sa kapitbahay.
Maagap naman ang mga ito sa pagsasabing tuturuan siya ng mga ito.
“Asahan ka namin, ha,” bilin pa ni Rosa bago umalis kasama ang mga kaibigan.
Hindi naman siya makatanggi dahil bago pa lang siya sa lugar. Ayaw niyang isipin ng mga ito na hindi siya marunong makisama. Isa pa, mukha rin namang mababait ang mga ito at gusto lang makipagkaibigan.
Nang magpunta siya sa bahay ni Rosa ay ikinagulat niya ang naabutan. Nagmukha na kasi iyong pasugalan sa dami ng naglalaro!
“Nandito ka na pala! Gusto mo bang maglaro?” nakangiting bungad ni Rosa nang makita siya.
Agad siyang umiling. “Hindi, manonood lang.”
Hindi naman siya pinilit nito. Gaya ng sinabi niya ay nakinood lang siya sa mga naglalaro.
Subalit hindi niya inakala na nakawiwili pala ang paglalaro ng baraha.
Hindi niya namalayan ang sarili na unti-unting naeengganyo sa laro hanggang sa natagpuan niya ang sarili na nakaupo sa isa sa mga mesa at aliw na aliw na naglalaro.
Hindi niya rin namalayan ang oras kung hindi pa siya pinaalalahanan ni Rosa na madilim na sa labas.
Nagpatuloy ang pagdayo niya sa kapitbahay.
“San ka ba nagpupupunta? Dumadalas ang paglabas mo. Tumawag ako kanina pero ang panganay natin ang sumagot,” isang araw ay tila sermon ng asawa niya nang sagutin niya ang tawag nito.
Naging totoo naman ang sagot niya rito.
“Libangan lang naman,” pagdadahilan pa niya.
“Libangan na inaabot ng maghapon? Hindi ba’t sobra naman yata ‘yan? Nag-aalala ako sa mga bata. ‘Wag mo silang iwan palagi mag-isa diyan,” paalala nito.
Wala siyang nagawa kundi ang pumayag sa nais ng asawa.
Subalit tila hindi siya mapakali sa t’wing hindi siya nakakapaglaro. Kaya naman nagdesisyon na siya.
Tatlong taong gulang na ang kaniyang bunsong anak. Nakakalakad na ito at hindi na iyakin. Hindi na ito sanggol na kailangan siya sa lahat ng oras. Ang panganay niya naman ay subok na maaasahan na sa mura nitong edad.
“Ano na? Tara na at siguradong nag-uumpisa na ang mga iyon!” pag-aaya ni Analyn.
Sabik naman siyang tumango at sumama sa kapitbahay. Tulog ang bunso sa kwarto habang ang panganay niya naman ay nagbabasa sa sala.
“Aira! Lalabas si Mama! Ikaw na muna ang bahala sa kapatid mo,” bilin niya sa anak bago lumabas.
Ni-lock niya ang pinto para masigurong walang lalabas sa dalawa, at upang walang umabala sa kanila.
“Ayos lang ba na naka-lock ang pinto?” tila nag-aalangang tanong ni Analyn.
“Oo naman! Ni-lock ko ang pinto para ‘di sila makalabas at di makapasok ang kung sino. Nabawi ako ngayong araw dahil malaki-lalo ang talo ko kahapon,” paliwanag niya.
Gaya ng normal na araw ay maghapon silang naglaro ng mga regular niyang kasama.
Panay ang tawanan at biruan nila nang hapong iyon ngunit agad ding napalitan ng pag-aalala nang marinig ang sunod-sunod na pagdating na truck ng bumbero.
“Anong nangyari?” litong bulalas niya nang lumabas siya upang mag-usisa.
“May sunog! Nasusunog ang apartment nila Aling Nena!” sigaw ng isa sa mga nasa labas.
Nang marinig niya ang balita ay tila nanlambot ang mga tuhod niya. Sinalakay siya ng hindi maipaliwanag na takot habang tumatakbo palabas ng bahay.
Nasa apartment ni Aling Nena ang kaniyang mga anak!
Akmang susugurin niya na ang apartment na nilalamon ng apoy nang pigilan siya ng isa sa mga bumbero.
“Ma’am! Hindi po pwede! Delikado lumapit!” pigil ng bumbero. Kahit anong iyak at pagmamakaawa niya ay hindi siya nito pinadaan.
“Parang awa mo na! Ang mga anak ko!” halos maglupasay na pagmamakaawa niya ngunit naging matigas ito.
Lalo pa siyang nanlumo nang maisip ang nakakandadong pinto ngunit wala siyang magawa kung hindi ang umiyak habang pinanood ang nangangalit na apoy na pilit inaapula ng mga bumbero.
Sari-saring eksena ang pumasok sa kaniyang isip. Ano na ang mangyayari sa mga anak niya?
Sising-sisi siya sa nangyari at hindi niya alam ang gagawin. Kasalanan niya ang lahat! Lumuluhang napaluhod siya sa lupa nang makita ang dalawang katawan na nababalot ng puting kumot.
Tila gumuho ang mundo niya nang malaman kung sino ang mga iyon.
Subalit maya-maya ay nakarinig siya ng isang pamilyar na boses. Si Aira!
“Mama! Mama!”
Napabalikwas siya ng bangon nang marinig ang anak. Nang hawakan niya ang kaniyang mukha ay hilam iyon sa luha. Parang totoong-totoo ang panaginip niya!
Sa gilid ng sofa kung saan siya nakaidlip ay nakita niya ang panganay na anak.
Walang pag-aatubiling niyakap niya ang panganay.
“‘Ma, nasa labas si Tita Analyn. Hinahanap ka,” wika nito, na tila gulong-gulo sa inasta niya.
Dire-diretsong hinarap niya ang kapitbahay.
“Hinding-hindi na ako sasama sa pagsusugal, kaya ‘wag niyo na akong yayain,” seryosong saad niya sa kapitbahay.
Bago pa ito makaimik ay naisarado niya na ang pinto.
Nang balikan niya ang kaniyang panaginip ay nais niyang mangilabot. Tila kasi totoong-totoo iyon.
Salamat sa masamang panaginip, dahil tila nagising siya sa katotohanan. Ang katotohanan na walang kahit na anong bagay na nakalilibang ang papalit sa kaniyang pamilya.