
Ikinahihiya ng Dalagang Ito ang Amang Nagtitinda ng Mani, Naiyak Siya sa Kabutihang Mayroon Ito
“Karina, ‘yon ba ang tatay mo?” tanong ni Jordan sa dalagang nililigawan, isang hapon habang sila ay kumakain ng meryenda sa isang fast food restaurant malapit sa palengke.
“Nasaan?” tanong ni Karina habang sinisipat ang mga tao sa labas ng naturang kainan.
“Iyon, o, ‘yong naglalako ng mani banda roon?” turo nito dahilan para makita niya ang tinutukoy nito.
“Naku, hindi! Baka kamukha lang ‘yan ni daddy! Nakalimutan mo na yatang nasa ibang bansa ang daddy ko at mayroong magandang trabaho roon!” kamot-ulo niyang sagot habang iniiwas na tignan ang naturang lalaki.
“Ay, oo nga pala, ‘no? Napansin ko kasing kahawig niya ‘yong litrato pinakita mo sa akin kahapon,” tugon nito habang nakatingin pa rin sa lalaki.
“Oo nga, ‘no? Kamukha nga siya ni daddy! Bigla ko tuloy na-miss ang daddy ko!” patawa-tawa niyang sagot habang pinipigil ang kabang nararamdaman.
“Huwag kang mag-alala, siguradong dobleng pangungulila ang nararamdaman noon. Nawalay ba naman siya sa anak niyang napakaganda at bait,” pangbobola pa nito sa kaniya.
“Tumigil ka nga kakabola sa akin! Baka mamaya niyan, hindi kita sagutin niyan, sige ka!” panakot niya rito na ikinatawa nito.
“Hoy, biro lang! Halika, bili tayo ng mani sa kaniya!” yaya nito saka agad siyang hinila palabas na labis niyang ikinataranta.
Ginagawa ng dalagang si Karina ang lahat upang huwag malaman ng kaniyang mga kakilala na isang tindero ng mani sa lansangan ang kaniyang ama. Labis niya kasi itong ikinahihiya lalo na’t ang kaniyang mga kaklase at kaibigan ay pawang may magagandang buhay.
Habang siya, nakatira na nga sa tabing dagat, wala pang magandang trabaho ang kaniyang mga magulang na labis talagang ikinahihiya niya.
Kaya naman, kahit na wala siyang pera kapag siya’y napasok sa eskwela, todo pustura pa rin siya. Sinisigurado niya talagang hindi siya magmumukhang mahirap sa mata ng kaniyang mga kakilala.
At ngayong may isang binata nang nanliligaw sa kaniya, siya’y nagsinungaling para lamang maitago ang totoong buhay niya rito. Mayaman kasi ang binatang ito, anak ng isang negosiyante, at dahil nga gusto niya rin ito, lahat na ng kasinungalingan para magmukhang maayos ang buhay niya, ginawa na niya.
Kaya ganoon na lang siya labis na kinabahan nang makita nito ang kaniyang ama sa palengke. Lalo pa siyang nataranta nang agad siya nitong hilain palabas ng naturang kainan sa kagustuhan nitong tulungan ang lalaking iyon na kaniyang ama.
Ngunit, bago pa man sila makalapit sa naturang lalaki, bigla silang napatigil nang bigyan nito ng mani ang isang matandang nakaupo sa tapat ng kainan. Pati baon nitong tubig na nakalagay pa sa luma nilang tumbler at baong pagkain nito panggabihan, ibinigay nito sa naturang matandang tila gutom na gutom na.
Doon biglang tumulo ang luha niya. Kitang-kita niya kasi kung gaano kasaya ang ama niya sa pagtulong sa matandang iyon. Wala man itong malaking halaga ng pera sa bulsa, mayroon naman itong malaking puso sa dibdib na handang tumulong kahit gipit.
“Naku, nakakataba naman ng puso ang tagpong ito! Napakaswerte siguro ng mga anak ni manong, ano?” nakangiting sambit nito.
“Tama ka, napakaswerte ko nga,” wika niya na ikinagulat nito dahilan para aminin na niya ang lahat dito kahit wala siyang kasiguraduhan sa magiging reaksyon nito, “Ayos lang kung itigil mo ang panliligaw sa akin dahil sa kasinungalingan ko. Nakokonsensya na ako sa nararamdaman kong kahihiyan para sa tatay ko, sobrang bait niya, hindi siya dapat ikinakahiya,” dagdag niya pa na ikinangiti nito na labis niya namang ikinapagtaka.
“Mabuti naman at tumuwid na ang isip mo. Alam ko nang siya ang tatay mo, nakausap ko na nga siya at nahingi ko na ang kamay mo sa kaniya,” nakangiti nitong sambit na ikinaiyak niya, “Wala kang dapat ikahiya, Karina, marangal ang trabaho ng tatay mo. Dapat mo pa nga siyang ipagmalaki dahil sa kabutihang mayroon siya,” pangaral pa nito dahilan para kaniya itong yakapin. “Halika, tulungan natin siyang magtinda habang pinapakain niya ang matandang ‘yon!” dagdag pa nito saka siya agad na hinila.
Gulat na gulat sa presensya niya ang kaniyang ama. Niyakap niya ito at humingi ng tawad. Doon niya napatunayang bukod sa taong may tatanggap sa kaniya sa kabila ng estado niya sa buhay, hindi niya kailangang ikahiya ang marangal na trabaho ng kaniyang ama.
Simula noon, hindi niya na muling ikinahiya ang ama, pinakilala niya pa ito sa kaniyang mga kaibigan na nagbunga nang mas malaki nitong kita na labis nitong ikinatuwa.
Palagi na itong dinadagsa ng kaniyang mga kaklase lalo na sa tuwing dadaan ito sa kanilang paaralan.
Kung dati ay nagtatago siya sa tuwing darating ito, ngayon, sumisigaw na siya ng, “Tatay ko ‘yan! Bumili na kayo!” na talagang nagpapataba sa puso ng kaniyang ama.