Inday TrendingInday Trending
Nagagalit ang Dalaga sa Tuwing Ikinukwento Siya ng Ina sa Iba, Natameme Siya nang Malaman ang Paksa sa mga Kwento Nito

Nagagalit ang Dalaga sa Tuwing Ikinukwento Siya ng Ina sa Iba, Natameme Siya nang Malaman ang Paksa sa mga Kwento Nito

“Gwen, narinig ko na naman ang nanay mo na naglalabas ng sama ng loob sa nanay ko. Ano na naman bang ginawa mong kalokohan sa kaniya?” tanong ni Lita sa kaniyang pinsan, isang umaga nang sadyain niya ito sa bagong gawang bahay nito.

“Lagi niya na lang kasi akong tsinitsismis sa nanay mo, kaya hindi ko siya binigyan ng pagkain buong maghapon. Tsinismis niya na naman ako sa nanay mo ngayon? Humanda sa akin ‘yon, baka palayasin ko na siya mamaya!” inis niyang sambit saka padabog na binaba ang kaniyang biniling kape. “Hoy, huwag naman! Nanay mo pa rin ‘yon!” pigil nito sa kaniya.

“Parang inggit na inggit kasi siya sa akin, eh! Lahat ng galaw ko, sinasabi sa nanay mo! Kita mo, pati pagpapabago ko ng ilong, alam ng nanay mo!” nanggigil niyang tugon.

“Pero hindi pa rin ‘yon rason para palayasin mo siya, Gwen, maawa ka naman sa matanda!” paliwanag pa nito saka hinawakan ang kaniyang kamay upang siya’y kumalma.

“Matanda na nga siya, isip bata pa siya! Malalagot talaga sa akin ‘yan mamaya!” sigaw niya pa saka agad na tinanggal ang kamay ng pinsan.

Simula nang umalwan ang buhay ng dalagang si Gwen dahil sa napangasawa niyang negosiyante, nag-iba na ang trato niya sa kaniyang ina.

Isinama man niya ito sa bagong gawa niyang bahay, pinapakain at binibili ng mga gamot sa dayabetes, katakot-takot na panunumbat naman ang palagi niyang binabato rito.

Lalo na, sa tuwing nakakarating sa kaniyang ikinuwento siya nito sa mga tiyahin niya. Pakiramdam niya, naiinggit ito sa buhay na mayroon siya ngayon na hindi naranasan nito noon. Wika niya pa nga rito, “Kung naiinggit ka sa akin, huwag mo akong itsismis! Sarilihin mo na lang ‘yang inggit mo. Hindi ‘yong naghahakot ka pa ng mga tsismosang ale na mainggit din sa akin!” na labis na ikinahihiya nito.

Sa tuwing malalaman niyang naikukwento siya nito sa iba, hindi niya ito binibigyan ng pagkain o kung hindi naman, ikukulong niya ito sa silid nito sa likod ng kaniyang bagong gawang bahay.

Kaya naman, noong araw na ‘yon, nang malamang niyang ikinukwento na naman siya nito sa iba, agad na tumaas ang dugo niya.

Iniwan niya ang kaniyang pinsan noon sa kanilang sala at agad na nagpunta sa silid ng ina saka pinagtatapon sa labas ng kanilang bahay ang mga gamit nito.

Sakto namang dating ng kaniyang ina dahilan para pigilan siya nito.

“Anong ginagawa mo, anak?” natataranta wika nito habang pinupulot ang mga tinatapon niyang damit.

“Pinapalayas ka. Ayoko ng tsismosa sa bahay ko!” sigaw niya rito.

“Huwag naman, anak, wala na akong pupuntahan!” pagmamakaawa nito saka siya niyapos.

“Tumigil ka nga!” saway niya rito habang nagpupumiglas sa yakap nito.

Nang araw nitong bumitaw, binuhos niya ang buong lakas para itulak ito palayo dahilan para mawalan ito ng balanse at mauntog ito sa isang malaking bato.

“Tita!” sigaw ng kaniyang pinsan saka agad itong nilapitan at halos mahimatay ito nang makitang walang malay ang kaniyang ina at puro dugo na.

Agad itong tumawag ng ambulansya habang siya’y tulala sa nangyari at dahil nga hindi siya makapag-isip nang ayos, ang pinsan niya ang sumama rito sa ospital habang siya’y nagpapakalma sa bahay.

Magsapit ng gabi, binisita siya ng kaniyang tiyahin upang ibalitang nasa maayos nang lagay ang kaniyang ina.

“Bakit ka ba kasi nagagalit sa kaniya, Gwen, sa tuwing ikinukwento ka niya sa amin? Nasasabi man niya ang mga mali mong ginagawa sa kaniya, hindi naman nawawala sa mga kwento niya kung gaano siya kasaya sa buhay na mayroon ka ngayon. Hangang-hanga siya sa’yo, hija. Kapatid niya ako, natural lang na maglabas siya ng sama ng loob sa akin lalo na’t wala naman siyang ibang makausap dito sa bahay niyo,” paliwanag nito na biglang nagpagising sa kaniya.

“Masaya po siya sa buhay ko?” pag-uulit niya.

“Oo, naman! Walang ina ang hindi sasaya kapag nagkaroon ng magandang buhay ang anak!” wika pa nito na nagpaiyak sa kaniya.

Agad siyang humangos sa ospital pagkatapos noon. Nang makita niyang gising na ang kaniyang ina, dali-dali niya itong niyakap at humingi ng tawad habang umiiyak sa labis na konsensyang nararamdaman.

“A-ayos lang, anak, mahal na mahal kita,” uutal-utal na wika nito na lalo niyang ikinaiyak.

Simula noon, naging mabuti na siya sa kaniyang ina. Marinig man niyang ikinukwento siya nito sa iba, imbis na magalit, siya’y natutuwa pa dahil alam niya na ngayong sa mga kwento nito, siya ang bida.

Advertisement