Inday TrendingInday Trending
Nais ng Dalaga na Magkaroon ng Bagong Selpon, Siya’y Naglayas nang Hindi Pagbigyan ng mga Magulang

Nais ng Dalaga na Magkaroon ng Bagong Selpon, Siya’y Naglayas nang Hindi Pagbigyan ng mga Magulang

“Daddy, may bagong labas na selpon ngayon, eh, pupwede mo ba akong ibili? Medyo luma na kasi itong ginagamit kong selpon. Nakakahiya na ilabas kapag nasa school ako,” daing ni Candy sa kaniyang amang abala sa pagrerebisa ng mga dokumento, isang hapon pagkauwi niya galing paaralan.

“Ang anak ko naman, nakakita lang ng bagong labas na selpon, luma na agad ang kaniya. Hindi ba’t noong isang buwan ko lang ‘yan binili?” tugon nito na nagpanguso sa kaniya

“Kahit na, daddy, ‘yong mga kaklase ko, halos lahat, ‘yong bagong labas na selpon na ang gamit nila. Hahayaan mo ba akong magmukhang kawawa sa kanila?” pagpapaawa niya pa rito saka humilig sa balikat nito.

“Anak, hindi ka naman nakakaawa, eh, dahil mamahalin din naman ang selpon mo, hindi nga lang kasing mahal no’ng kanila,” katwiran pa nito na labis niyang ikinainis.

“Ang sabihin mo, ayaw mo lang talaga ako ibili!” sigaw niya rito saka agad na lumayo sa ama.

“Hindi mo naman kasi kailangan ng bagong selpon, anak. Bukod pa roon, wala pa akong sobrang pera ngayon, lahat nasa pautang at negosyo natin,” paliwanag pa nito.

“Ewan ko sa’yo, daddy! Lagi ka na lang gan’yan! Siguro, nabulungan ka na naman ni mommy na huwag akong ibili ng gusto ko!” bulyaw niya pa saka agad na pumasok sa kaniyang silid at doon labis na nagdabog.

Anumang gustuhin ng dalagang si Candy, palaging binibigay ng negosiyante niyang ama. Bagong alahas man, bag, sapatos o selpon, basta’t matipuhan niya, hindi niya titigilan ang kaniyang ama hangga’t hindi niya ito nakukuha.

Sa katunayan, sa edad na anim na taong gulang, nang kaniyang magustuhan ang isang mamahaling selpon, agad itong binili ng kaniyang ama para lamang matigil siya sa kakaiyak na labis na tinutulan ng kaniyang ina.

Doon na siya nagsimulang mainis sa kaniyang ina na palaging kontra sa mga gusto niyang bagay na mapahanggang sa ngayong dalaga na siya, dala-dala niya pa rin ang labis na pagkainis sa ina.

At dahil nga siya ang kauna-unahang batang may selpon noon, nais niya, hanggang ngayon, kahit may selpon na ang lahat ng kaniyang kaklase, nais niya namang siya ang may pinakabagong labas na selpon sa kanilang paaralan.

Kaya naman, nang mabalitaan niyang may bagong labas na namang selpon, agad niya itong hiniling sa kaniyang ama at nang siya’y hindi mapagbigyan, ganoon na lamang siya nagalit dito.

Habang siya’y ngumangalngal sa kaniyang silid, biglang pumasok sa isip niyang maglayas upang siya’y ibili ng naturang selpon. Pagsapit ng dilim, bago sila maghapunan, bigla na lang siyang umalis ng kanilang bahay bitbit-bitbit ang ilan niyang mga gamit.

“Sakto, hahanapin nila ako bago sila kumain!” wika niya pa nang tuluyan nang makalabas sa kanilang bahay.

Dahil nga hindi niya alam kung saan siya magpupunta, napagdesisyonan niya na lamang na tumambay sa sakayan ng jeep malapit sa kanilang bahay.

Wala pa siyang ilang minutong nakaupo roon, agad na siyang nakatanggap ng sandamakmak na mensahe at tawag mula sa kaniyang mga magulang.

“Ngayon, hahanapin niyo ako! Ni hindi niyo maibigay ang gusto ko!” sigaw niya habang tinitignan ang tawag ng ama.

Kaya lang, mayamaya, bigla na lang may humablot nito sa kaniyang kamay saka dali-daling tumakbo dahilan para kaniya itong habulin habang nagsisisigaw.

Bago niya pa ito mahabol, nakita niyang may isang ginang ang biglang humarang dito. Ngunit bigla rin itong bumagsak nang ito’y biglang daplisan ng hawak na kutsilyo ng naturang lalaki na labis niyang ikinasigaw.

“Diyos ko, ale, bakit mo ‘yon ginawa?” natataranta niyang tanong nang makita niya itong nakadapa.

“Lahat, gagawin ko para sa ikabubuti mo, anak,” tugon nito na ikinalaki ng mata niya.

Agad niyang tinihaya ang ginang at ganoon na lang siya nanlamig nang makitang naliligo na sa sariling dugo ang ina.

“Tulong! Tulong!” sigaw niya sa mga nadaang tao roon.

Mabuti na lang talaga, may mga mabuting loob na tumulong sa kanila at matagumpay niyang naidala sa ospital ang ina.

Sumunod na rin ang kaniyang ama at doon niya nalamang naghiwalay pala ang dalawang ito para lang siya’y mahanap na labis niyang ikinakonsensya.

“Anak, mahal ka ng mommy mo higit pa sa pagmamahal ko sa’yo. Ang kamalian ko lang, lahat ng gusto mo, agad kong binibigay at ang nais niya, matuto kang magbigay halaga sa mga bagay na mayroon ka,” wika nito habang siya’y pinapakalma.

Doon niya labis na napagtantong napakaswerte niya sa kaniyang mga magulang. Walang hangad ang dalawang ito kung hindi ang magkaroon siya ng maganda at masayang buhay.

Kaya naman, pagkagising ng kaniyang ina, agad siyang humingi ng tawad dito at imbis na humiling ng bagong selpon sa ama, tinulungan niya ito sa kanilang negosyo upang mabawi ang nagastos nila sa pagpapaospital ng kaniyang ina.

“Masarap pala sa pakiramdam kapag pinaghihirapan mo ang mga bagay-bagay,” wika niya, isang araw nang makabili siya ng bagong selpon, isang buwan matapos siyang magtrabaho sa negosyo ng ama.

Advertisement