Inday TrendingInday Trending
Inalila ng Dalagang Ito ang Pinsang Nakikitira, ‘Di Niya Alam na Isa pala Itong Heredera

Inalila ng Dalagang Ito ang Pinsang Nakikitira, ‘Di Niya Alam na Isa pala Itong Heredera

“Hoy, Kikay, baka gusto mo namang maghugas ng pinggan pagkatapos mong lumamon? Ang kapal talaga ng mukha mo, ano? Nakikikain ka na nga sa bahay namin, tamad ka pa!” bulyaw ni Jelay sa kaniyang pinsan, isang tanghali pagkakita niya sa nagkalat na pinggan sa kanilang lababo at makita niya itong nakahilata sa kanilang sala.

“Ate, kakatapos ko lang kasing maglaba. Huhugasan ko naman ‘yan, eh, nagpapahinga lang ako saglit,” katwiran nito na kaniyang ikinainis.

“Aba, sumasagot ka pa? Kung napapagod ka, edi sana, mamaya ka na rin kumain para mahugasan mo na nang diretso ang mga pinggan! Ang sakit-sakit sa mata tingnan ng mga patong-patong na plato sa lababo!” sigaw niya pa rito kaya agad itong napabangon.

“Pasensya na, ate, huhugasan ko na po,” wika nito saka madaling nagpunta sa kusina at sinimulan na ang paghuhugas ng sandamakmak na pinggan.

“Dapat lang! Pagkatapos mong hugasan ‘yan, linisin mo naman ‘yong kwarto ko, ha? Nangangati na kasi ako, eh, ilang araw mo nang hindi nalilinis o kahit nawawalisan man lang! Kailangan ka pa talagang laging utusan!” utos niya pa rito.

“Sige po, ate, wala pong problema,” sagot nito na ikinangisi niya.

Palaging inuutusan ng dalagang si Jelay ang pinsan niyang nakikitira sa kanilang bahay. Ayaw na ayaw niyang makikitang nagpapahinga ito. Ni ayaw niya rin itong makasabay sa pagkain dahil sa pagkainis niya rito.

Siya na kasi ang nagtatrabaho para sa kaniyang buong pamilya at ang presensya ng pinsan niyang ito sa kanilang bahay ay para bang isang malaking pabigat sa kaniya dahil dagdag ito sa kaniyang mga pinapalamon.

Ito ang dahilan kaya kahit kakatapos lang nito sa isang gawaing bahay, agad niya itong uutusan. Sawayin man siya ng kaniyang ina sa hindi magandang ugali niyang ito, nagagalit pa siya rito. Sagot niya pa, “Wala nang libre ngayon! Kung papakainin ko siya, kailangan niyang kumilos sa bahay na ‘to!”

Noong tanghaling iyon, habang naghuhugas ng pinggan ang kaniyang pinsan, siya naman ang humilata sa kanilang sala habang gumagamit ng selpon.

Mayamaya lang, may biglang kumatok sa kanilang bahay at kahit siya na ang malapit sa pintuan, tinawag niya pa ang naghuhugas na pinsan para lamang tingnan kung sino ang kumakatok.

Nang maaninag niyang isang pormal na lalaki ang kausap ng kaniyang pinsan at tila may mga dokumento itong pinipirmahan, agad siyang bumangon at nakiusisa rito.

“Patingin! Ano ‘yan?” mataray niyang sambit saka agad na hinablot ang mga dokumento.

“Pasensya na po, si Madam Kikay lang po ang maaaring makakita nito,” wika ng lalaking iyon na isang abogado pala saka agad na hinila sa kaniya ang mga dokumento, “Halika na po, madam, naghihintay na po ang tatay niyo,” wika pa nito sa kaniyang pinsan na labis niyang ikinagulat.

“Madam? Eh, tagahugas, tagalaba, at tagawalis ko lang ‘yan dito!” sabat niya.

“Mabait kasi siya talaga. Kaya nga, siya na ang bagong heredera ngayon ng kaniyang ama. Salamat sa pagkupkop niyo sa kaniya sa mga araw na nagkatampuhan sila,” wika pa nito na ikinalaki ng mata niya.

Ngumiti lang ang naturang dalaga saka nagpaalam sa kaniya. Habang siya’y hindi makapaniwala, umiiling-iling na lang ang kaniyang ina na nasa kaniyang likuran.

“Sabi sa’yo, huwag mo ‘yong kakawawain, eh. Ayaw lang no’ng ipaalam sa’yo ang tunay niyang buhay para makita niya kung ano talaga ang ugali mo,” wika nito.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin?” inis niyang tanong.

“Pinakiusapan niya akong huwag sabihin sa’yo para malaman niya kung karapat-dapat kang pagkatiwalaan ng isang malaking lupa sa probinsya,” nakatungong wika nito na kaniyang ikinaiyak dahil sa labis na pagsisisi.

Sinubukan niyang tawagan ang pinsan niyang ito at laking tuwa niya nang agad itong sumagot. Pero kahit anong paghingi niya ng tawad, tangi lamang nitong sambit, “Walang problema, ate, lahat ‘yon itatatak ko sa isip ko.”

Kahit anong paglalambing ang ginawa niya rito, wala itong talab at ibinigay nito ang lupang para sa kaniya sa isa nilang pinsang nakitaan nito ng kabutihan.

“Sana maging aral sa’yo ito, anak, kung maayos lang sana ang ugali mo, hindi mo na kailangang magtrabaho sa isang kumpanyang may maliit na pasahod,” sambit ng kaniyang ina, isang gabi habang ngumangalngal siya rito.

Simula noon, naging maingat na siya sa ugaling pinapakita niya sa tao. Ginawa rin niya ang lahat upang mabago ang masamang ugali niyang ito at ito’y sinumulan niya sa kanilang bahay.

Siya man ang nagtataguyod sa kaniyang pamilya, hindi na siya ngayon nanunumbat. Hindi man niya nakuha ang lupang para sa kaniya, mayroon naman siyang mas maayos na ugali ngayon na magiging puhunan niya sa buhay.

Advertisement