
Handa Siyang Iwan ng Nobyo Para Lamang sa Dati Nitong Nobya; Ginawa Lang Pala Siyang Panakip Butas ng Lalaki
Hindi makapaniwala si Marian sa mga naririnig na sinabi ni Leo sa kaniya. Malinaw naman ang lahat nang sinasabi nito at naririnig niya ang mga iyon, pero ni isa’y wala siyang maintidihan.
Nahihirapan ang kaniyang utak na i-proseso ang mga sanasabi ni Leo, at ayaw tanggapin ng puso niya ang katotohanang, hindi na siya ang nilalaman ng puso nito.
“I’m sorry, Marian,” nahihirapang bigkas ni Leo habang nakayuko. “Wala kang kasalanan… kasalanan ko ang lahat. Tatanggapin ko ang lahat ng galit mo sa’kin. Murahin mo ako’t pagsasampalin kung iyon ang tanging paraan para mabawasan ang sakit na ipinaramdam ko sa’yo. Pero mahal ko pa rin talaga si Darlene, Marian,” malungkot na sambit ni Leo.
Nabibingi ang kaniyang pandinig at nadudurog ang kaniyang puso na animo’y hinihiwa ito at pilit na pinapadugo.
“Alam kong mali at ang tanga-tanga ko para balikan ang taong nanakit sa’kin, matapos kong gawin ang lahat para sa kaniya. Pero tanga na kung tanga… pero si Darlene pa rin talaga ang nandito, Marian,” ani Leo sabay turo sa kung saan naka-pwesto ang puso nito.
Kung ang babaeng si Darlene pa rin ang nasa puso nito’y saan pala siya inilagay ng lalaki matapos ang ilang taon nilang pagiging mag-nobyo? Minahal ba talaga siya ng lalaki o ginawa lamang siya nitong isang malaking panakip butas?
Nakikipaghiwalay sa kaniya si Leo, upang balikan nito ang dating nobyang nang-iwan rito matapos ang ilang taon nilang relasyon, upang ipagpalit si Leo sa bagong kakilala nitong lalaki. Tapos ngayong hindi yata naging maayos ang relasyon nito sa ipinagpalit, heto’t… bumabalik kay Leo.
Ang pinakamasakit naman ay handa si Leo na ibasura ang dalawang taon nilang pinagsamahan para lang sa dati nitong nobya. Napaka-martir at tanga ni Leo, sa parteng babalikan ang babaeng nanloko lamang rito.
Wala sa loob na biglang nag-unahang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata. Ang sakit-sakit naman nang kinasadlakan niyang sitwasyon. Noong panahong walang-wala ito at nasa pinakamahirap na sitwasyon ay siya ang kasama nitong ayusin ang sarili.
Siya ang naging sandalan ni Leo, at naging silong sa lahat nang nararanasan nitong sakit dahil sa ginawa ng dating nobya. Tapos ngayong maayos na ito at nakakabangon na ulit ay muli itong babalik sa babaeng sumira rito noon.
“I’m sorry, Marian,” mahinang sambit ni Leo.
“Bakit mo hinihingi ang kapatawaran ko, Leo?” Mahinang tanong ni Marian. “Nagso-sorry ka ba dahil sa desisyon mong pagbalik kay Darlene? Nagso-sorry ka ba kasi pakiramdam mo nasaktan mo ako? O nagso-sorry ka kasi ginamit mo lang akong panakip butas sa sakit na ginawa niya sa’yo noon?” aniya.
Nakita niya ang pagguhit ng lungkot nito sa mukha. Guilty ang lalaki, iyon ang nakikita niya sa mukha ni Leo. Kung naaaninag lamang nito ang nilalaman ng kaniyang puso’y baka nakita na nito kung paano nito dinurog iyon.
“Noong panahong lugmok na lugmok ka, ako ang nasa tabi mo upang alalayan ka. Iniwan ka ni Darlene para sa ibang lalaki, pero sinamahan kita upang mabuo ka ulit mula sa sakit na ginawa niya sa’yo. Akala ko masaya ka sa’kin, humihikbing sambit ni Marian.
“Akala ko kuntento ka na sa’kin. Akala ko kapag inayos kita at ginamot ko ang durog mong puso ay ako ang pipiliin mo kapag naisipan niyang bumalik. Akala ko lang pala ang lahat ng iyon, Leo. Kasi habang inaayos kita, iningatan mo pa rin pala si Darlene, d’yan sa puso mo,” dugtong niya.
“Patawarin mo ako, Marian. Alam ng Diyos na minahal kita, noong panahon na ikaw ang palaging kasama ko’y alam ko sa sarili kong ikaw ang mahal ko. Gumulo lang noong bumalik si Darlene,” nahihirapang sambit ni Leo.
“Iisa lamang ang ibig sabihin no’n, Leo… hindi talaga ako ang mahal mo. Kasi kung totoong mahal mo ako’y mabubura ang niyon ang pagmamahal mo kay Darlene, pero hindi e. Hindi ko nagawang burahin ang pagmamahal mong iyon sa babaeng sinaktan ka,” aniya. “Mahal kita, pero ayokong ipagpilitan ang sarili ko sa taong hindi ako ang mahal,” dugtong niya saka humakbang palapit sa binata at niyakap ito.
“Palalayain na kita, Leo, hangad ko ang kaligayahan mo sa piling ni Darlene. Sana’y huwag ka na niyang saktan katulad ng dati. Makaka-move-on din ako at pipilitin kong burahin ang pagmamahal ko sa’yo dito sa puso ko,” malungkot siyang ngumiti saka bumitaw sa pagkakayakap kay Leo at walang lingon likod na naglakad palayo.
Marapat lang rin sigurong bitawan at burahin na niya sa puso ang pagmamahal na naramdaman para kay Leo, dahil kahit anong gawin niya’y hindi naman siya ang mahal nito.
Kahit gaano mo pa kamahal ang isang tao, dapat alam mo rin kung kailan sila dapat na pakawalan at bitawan. Mas masarap magmahal sa taong mahal ka rin, hindi iyong ikaw lang ang namamahal.