Inday TrendingInday Trending
Sumama ang Loob ng Binata Dahil Imbes na Matuwa ang Ama sa Kaniyang Regalo’y Nagalit Ito; May Dahilan Pala ang Kaniyang Ama

Sumama ang Loob ng Binata Dahil Imbes na Matuwa ang Ama sa Kaniyang Regalo’y Nagalit Ito; May Dahilan Pala ang Kaniyang Ama

Nasasabik na umuwi si Janus sa bahay nila bitbit ang isang malaking supot na naglalaman ng helmet na binili niya para ibigay sa kaniyang amang si Mang Berto.

Masayang-masaya ang kaniyang pakiramdam at nasasabik na siyang makita ang magiging reaksyon nito sa kaniyang regalo nanilang buwan ring pinag-ipunan mabili lamang iyon.

“‘Asan si papa?” Agad niyang tanong sa kapatid.

Nilingon naman ni Jemma ang gawing papunta sa kusina sabay nguso. “Naroon,” maiksing sagot nito at muling itinuon ang buong atensyon sa panunuod ng telebisyon.

Nagmartsa naman papuntang kusina si Janus at nang makita ang amang naghuhugas ng pinggan ay agad niya itong tinapik sa likod sabay abot ng bitbit na supot.

“Pa, regalo ko sa’yo,” aniya.

Blanko ang ekspresyon ng mukha nito sabay yuko sa supot na kaniyang iniabot. “Ano ‘to?”

“Buksan mo,” sagot niya.

Nagpunas muna ng kamay si Mang Berto saka umupo sa may mesa at binuksan ang kaniyang ibinigay. “Helmet?” Sambit nito.

Ang akala ni Janus ay matutuwa ito sa regalong ibibigay niya, ngunit kabaliktaran yata ang nakikita niyang nakaguhit ngayon sa mukha ng ama. Imbes na saya ang makita niya’y dismayado ang ekspresyong nababasa niya sa mukha nito.

“B-bakit ayaw mo ba?”

“Nagsayang ka lang ng pera,” anito saka itulak pabalik sa kaniya ng helmet. “Ibalik mo iyan sa pinagbilhan mo. Hindi ko naman kailangan ng bagong helmet,” dugtong pa nito.

“Choosy ka pa sa lagay na iyan, papa?” Aniya, pilit na ngumiti kahit ang totoo’y nadudurog ang puso niya sapagkat hindi ito ang tagpong nakikita niya kanina habang binabayaran ang biniling helmet.

“Hindi naman sa mapili ako, pero ano ba naman iyang helmet na binili mo? Hindi naman matibay iyan, malamang mumurahin lang ‘yan.”

“Hindi nga original ‘yan, pero class A ang material niyan. Marami ngang bumibili niyan sa pinagbilhan ko, tapos pinag-ipunan ko pa ang ipinambili ko niyan. ‘Di hamak na mas maayos naman ang helmet na iyan, kaysa sa lumang helmet na ginagamit mo. Arte mo naman,” nakalabing wika ni Janus. Pinipigilang huwag humulagpos ang emosyong nais nang kumawala.

“Matibay naman ang helmet na ginagamit ko, saka hindi ko pa naman kailangan nang bago, kaya bakit ka nag-aaksaya ng pera? Isauli mo ‘yan dahil hindi ko naman kailangan iyan!” Ani Berto saka padabog na umalis sa harapan ng anak.

Naiwan si Janus na mangiyak-ngiyak na tinitigan ang helmet na binili. Nakakadalang magbigay kung kagaya ng papa niya ang ugaling kaniyang pagbibigyan.

Nakakainis! Nag-effort pa siyang sorpresahin ito, tapos kahit kunting pasasalamat man lang sana’y hindi man lang niyang narinig bagkus ay nagalit pa ito sa ginawa niya.

Kinuha ni Janus ang helmet saka hinagis sa basurahan! Hindi na siya ulit mag-aaksaya ng panahon para sorpresahin ang ama.

Dahil sa sama ng loob sa ama’y ilang gabi siyang hindi umuwi sa bahay nila. Mas pinipili niyang mag-over night palagi sa trabaho at doon na mismo natutulog, uuwi lang siya kapag kukuha ng damit o ‘di kaya’y maliligo, saka babalik rin agad sa trabaho.

Siyam na araw rin siyang nanatili lamang sa kaniyang trabaho at ngayon nga’y kinailangan niyang umuwi, para matulog at magpahinga nang maayos dahil day-off niya kinabukasan.

Nakita niyang nakaparada ang motor ng kaniyang ama sa labas ng bahay nila. Sa inis na naramdamdaman ay ninais niyang sipain ang motor upang matumba at masira nang agad ring natigilan sa helmet na nakasabit sa may manibela.

Ito ang helmet na binili niya? Hindi ba’t binasura na niya iyon? Bakit narito ito ngayon sa motor ng kaniyang ama at wala na ang lumang ginagamit nitong helmet.

“Oh! Umuwi ka?”

Anang boses na nagpaangat sa kaniyang ulo. Nakita ni Janus ang mukha ng kaniyang amang nakasalubong ang kilay habang nakatitig sa kaniya.

“Kumain ka na ba? May natira pang pagkain doon sa loob. Pumasok ka na at kumain roon,” dugtong ni Mang Berto saka sinimulang ayusin ang motor at lagyan ng proteksyon kung sakaling umulan.

“Akala ko ayaw mo sa binili kong helmet papa? Bakit ngayon ay ginagamit mo iyan?” Seryosong wika ni Janus.

“Sayang naman kung hindi ko gamitin, kaya ginamit ko na lang,” anito. “At saka, Janus, hindi sa ayaw ko sa binili mo. Ang sa’kin lang naman ay bakit mo pa ako kailangang bilhan ng bagong helmet kung nagagamit ko pa naman iyong luma. Sana’y inuna mo muna ang sarili mo.

Sana’y bumili ka muna ng mga gamit na gusto mo, kaysa bilhan ako. Iyon ang ibig kong sabihin no’ng araw na iyon. Walang magulang ang hindi matutuwa kapag binigyan sila ng regalo ng mga anak nila. Pero paano ako matutuwa kung ikaw mismong nagpapakahirap sa perang kinikita mo’y walang nabibili sa sarili, kasi mas inuuna mo kaming pamilya mo,” mahabang paliwanag ni Mang Berto.

“Kaya sinabihan kitang ibalik ito, para makuha mo ulit ang perang ipinambili mo. Kaso hindi mo naman binalik, kaya kaysa masayang… gamitin ko na lang at salamat anak, kasi maganda ang helmet na ibinigay mo. Hindi siya mabigat sa ulo, at mukhang matibay ang pagkakagawa,” nakangiting dugtong ni Mang Berto.

Agad namang lumapit si Janus sa ama at niyakap ito ng mahigpit. Ilang araw niyang pinarusahan ang sarili at inisip na magrebelde dahil sa sama ng loob na naramdaman no’ng araw na iyon kasi akala niya hindi man lang marunong magpahalaga ang ama. Hindi man lang niya naisip na may sarili pala itong dahilan at ang dahilan na iyon ay para lang rin sa kaniya.

“Akala ko talaga ayaw mo sa regalo ko,” tumatangis na wika ni Janus, parang batang nagtatampo.

Tinapik naman ni Mang Berto ang kaniyang balikat saka mahinang tumawa. “Ano ka ba! Sinong hindi matutuwa sa regalo mo? Pero sa susunod unahin mo muna ang sarili mong pangangailangan, Janus. Malakas pa ang papa mo’t kaya ko pang kumayod para sa pamilya natin. Huwag mo munang obligahin ang sarili mo sa’min, saka na kapag mahina na kaming pareho ni mama mo.”

Hindi na umimik si Janus, bagkus ay ngumiti na lamang siya saka muling niyakap ang ama.

Walang magulang ang hindi matutuwa kapag binibigyan sila ng kahit anong regalo ng kanilang mga anak, maliit man iyon o malaking bagay.

Advertisement