Dahil sa Sakit ng Ama’y Napilitan ang Dalagang Singilin ang may Utang sa Kaniya, Ngunit Ayaw Siya Nitong Bayaran; Ang Dahilan ay Hindi Naman Daw Siya Mukhang Gipit

Kakatawag lamang ng kapatid ni Jelai na si Kevin upang ibalitang isinugod na naman ng mga ito ang kanilang tatay sa Ospital na may problema sa asthma.

Isinugod din nila ito noong nakaraang Linggo lamang, kaya hindi niya alam kung saan pa kukuha ng perang ipapadala upang magamit ng mga ito sa pagpapagamot sa kanilang ama.

Naisip niyang tawagan ang kaniyang kumareng si Helen. May hiram itong pera sa kaniya na matagal na ring hindi pa nababayaran, baka sa pagkakataong ito na siya naman ang nangangailangan ay pwede na niyang singilin ang utang nitong isang taon na mahigit na hindi nababayaran.

Agad niyang pinindot ang numero nito at tinawagan. Matapos ang ilang ring, sa wakas ay sinagot rin nito ang kaniyang tawag.

“Hello, mare,” sagot ni Helen sa kabilang linya.

“Hi, mare, kumusta ka na?”

“Okay lang naman,” sagot nito. “Napatawag ka?”

“Mare, ang totoo niyan ay may kailangan talaga ako sa’yo kaya ako napatawag,” ani Jelai, saka saglit na nag-isip kung papaano ba niya sasabihin rito ang kailangan niya nang hindi ito naiilang. “Maniningil sana ako ng utang, mars,” dugtong niya.

Advertisement

“Oh,” maiksing sagot nito.

Hindi niya alam kung okay lang ba rito ang paniningil niya o hindi.

“Gipit kasi ako ngayon, mars. Isinugod ng mama at mga kapatid ko ang tatay namin sa Ospital, inatake na naman sa sakit niyang asthma. Kaso wala na talaga akong ibang matakbuhan, mars, naisip kong may utang ka pa sa’kin kaya ikaw ang nilapitan ko,” paliwanag niya.

“Gano’n ba mars,” anito.

Narinig ni Jelai ang paghinga ni Helen sa kabilang linya. Hindi niya nakikita ang mukha nito kaya hindi niya masabi kung ayos lang ba ito sa ginawa niya o hindi? Totoong nakakahiyang maningil ng utang na para bang isa iyong malaking kasalanan, na kung tutuusin dapat nga’y kusa ang pagagabayad kagaya nang kusa mong pangungutang.

“O-okay lang ba, mars?” Nauutal niyang untag sa kumare.

Nagtanggal muna ito ng bara sa lalamunan saka nagsalita. “Kailangan na kailangan mo ba talaga mars?”

“O-opo mars,” walang alinlangang sagot ni Jelai. “Kahit kalahati lang ng sampong libo ang ibigay mo, mars, walang problema sa’kin. Wala na kasi talaga akong ibang malalapitan kaya ikaw ang tinawagan ko. Sana okay lang.”

Advertisement

“Kaso mars, hindi naman kasi halatang nangangailangan ka ng pera,” ani Helen. “Nakikita ko kasi palagi ang mga post mo sa social media na kung saan-saan ka pumupunta’t kumakain sa mga mamahaling kainan. Kaya hindi lang kapani-paniwalang naghihirap ka,” dugtong nito.

“Mars, hindi naman por que kaya kong i-libre ang sarili ko sa mga gano’ng bagay ay hindi na ako nagigipit sa pera,” ani Jelai. Pinipigilan ang sariling huwag tuluyang magalit sa kumare.

“Alam ko naman ‘yon, mars. Pero wala pa kasi akong pambayad sa’yo, kagaya ng hindi ka ba makapaghintay, mars na mabayaran ka? Wala ka na bang perang pang-gala ngayon kaya ako na ang nakikita mo por que may utang pa ako sa’yo. Dinadamay mo pa talaga ang papa mo,” dere-deretsong wika nito.

Animo’y lahat nang kaniyang pinipigilang emosyon ay humulagpos sa mga narinig mula kay Helen. Dapat bang ito ang matanggap niya mula sa babae? Matapos niya itong tinulungan at pinautang pa niya na halos mag-iisang taon na nito iyong hindi nababayaran.

“Talaga ba, Helen? Kailangan ko pa bang ipaliwanag sa’yo ang mga gusto kong gawin?” Hindi makapaniwalang wika ni Jelai. “Teka lang… sino ba sa’tin ang may utang? Ako ba o ikaw? Alam mo ah, kung may mga pino-post man akong kumakain ako sa kung saan o pumupunta man ako sa kung saan…

hindi ko na siguro obligasyon iyon upang ipaliwanag sa’yo. Dahil una sa lahat hindi ako ang may utang sa’yo kung ‘di ikaw ang may utang sa’kin. Isang taon na ang utang mo, pero hindi kita sinisingil, ngayon lang kasi ako naman ang nangangailagan.

Ipapaalala ko lang sa’yo, Helen. Ikaw ang may obligasyon sa’kin, hindi ako ang may obligasyon sa’yo. Kung may utak ka talaga, dapat kusa mo akong babayaran, kahit hindi kita sinisingil— hindi ba? Tapos ganyan pa ang maririnig ko sa’yo na para bang kasalanan kong singilin ka?” Inis na wika ni Jelai.

“Hindi naman sa ga—”

Advertisement

“Kailangan ko na ang pera ko, Helen. Sa kung anoman ang dahilan ko’y wala ka nang pakialam! Nanghiram ka ng pera sa’kin kaya obligasyon mong bayaran ako. Tandaan mo na ang utang ay binabayaran! Kung hindi mo kayang ibalik ang perang iyan bukas, ipapa-barangay kita at magpasensyahan na lang tayo!” Gigil na gigil na wika ni Jelai.

Hindi niya lubos maisip na iyon ang mangyayari sa magiging usapan nilang dalawa. Kung marunong kang mangutang, sana marunong ka ring magbayad. Kung hindi mo man kayang ibigay agad, matutong magpaliwanag at magpakumbaba. Hindi iyong ikaw na nga ang may atraso sa kapwa mo, ikaw pa ang may makapal na mukhang nagmamataas.

Tandaan na ang bawat sintemong kinikita ng bawat tao’y pagod at pawis ang ipinupuhunan. Kung saan man niya gastusin o kung ano man ang gawin niya sa sariling pera, wala ka ng pakialam doon. Kung marunong kang mangutang, dapat marunong ka ring magbayad.