
Kahit na Walang Pambayad ay Pinatuloy ng Ginoo ang Mag-Ama sa Restawran; Makalipas ang Ilang Taon ay Sila naman ang Magbabalik ng Kabutihan
“Tatay! Tatay!” sigaw ng batang si Gina na halos magkanda-dapa na sa bilis ng kaniyang pagtakbo.
“Tatay! Tatay! May surpresa po ako sa inyo!” humahangos na wika niya nang makarating sa pinto ng kanilang bahay.
Agad naman siyang sinalubong ng kaniyang amang si Mang Cardo.
“Ano ba ang nangyari, Gina? Pinapakaba mo naman ako! Dinig sa buong iskinita ang boses mo!” wika ng nag-aalalang ama.
“Wala pong masamang nangyari sa akin, ‘tay. Hindi lang po ako makapaghintay na ibigay sa inyo ang report kard ko. Tignan niyo po ang nakalagay sa likod,” masayang sambit ng bata.
“Aba! Top one ang anak ko! Napakagaling mo talaga, anak. Manang-mana ka sa talino ng nanay mo! Sa tingin ko’y nagtatatalon na rin siya sa langit ngayon dahil honor ka na naman! Talagang ipinagmamalaki kita, anak! Ano ang gusto mong premyo?” pahayag ni Mang Cardo.
“Ayos na po sa akin n ipagluto niyo ako ng pansit kanton, tatay! Naiintindihan ko namang wala tayong pera,” wika ni Gina.
“Aba’y hindi naman ako makakapayag na pansit kanton lamang ang premyo ng napakatalinong anak kong ito. Sabihin mo sa akin kung saan mo gustong kumain at do’n kita dadalhin,” saad pa ng ama.
“Naku, huwag na po talaga, ‘tay! Ayos na po sa akin ang pasit kanton!” giit ng bata.
“Alam ko na, dadalhin kita doon sa restawran na lagi mong sinisilip. Hindi ba gusto mong tikman ang cake at ice cream nila do’n? Gumayak ka at doon kita pakakainin ngayon,” wika pa ni Mang Cardo.
Ang hindi alam ni Gina ay matagal na itong pinaghahandaan ng kaniyang ama. Nagtatabi si Mang Cardo ng pa ilan-ilan na barya mula sa pangangalakal upang mapag-ipunan ang cake at ice cream na gusto ng anak. Tamang-tama ito upang ipagdiwang ang natanggap na karangalan ng anak.
Sinuot ni Gina ang pinakamaganda na niyang damit. Luma na ito at may sulsi. Habang si Mang Cardo naman ay suot ang pang-araw-araw niyang damit dahil wala siyang pang-alis.
“Tatay, kinakabahan po ako, baka mamaya ay matulad tayo sa dating restawran na hindi tayo pinapasok man lang,” saad ni Gina habang hawak ang kamay ng ama.
Habang sinasabi ito ni Gina ay kinakabahan din ang ama. Ngunit palihim na palang nag-iisip ang ginoo ng paraan upang kahit paano ay mapakain ang anak ng masarap.
“Kahit makiusap ako sa ibang tao na bumili ng cake at ice cream, anak, makakain ka lang,” sambit ni Mang Cardo.
Ayaw na sana ni Gina na tumuloy ngunit ayaw niyang mapahiya ang ama.
Pagdating nila sa naturang restawran ay agad silang hinarang ng guwardiya. Aalis na sana ang mag-ama nang biglang dumating ang isang lalaki.
“Patuluyin mo sila,” saad ng pamangkin ng may-ari na si George.
Hindi alam ni Mang Cardo at Gina ang kanilang mararamdaman dahil unang beses lamang nilang makapasok sa isang maganda at mamahaling restawran.
Ginabayan sila ng binata sa kanilang upuan at saka binigyan ng menu ng pagkain. Nang makita ni Mang Cardo ang halaga ng cake at ice cream ay naalala niyang hindi sasapat ang dala niyang pera.
“Anak, pwede bang ice cream nalang muna ang ibili ko sa iyo? Kulang kasi ang dala ng tatay,” bulong ni Mang Cardo sa anak.
Ayos lang naman ito kay Gina.
“Isang tasang ice cream po para sa aking anak,” saad ni Mang Cardo kay George.
“Ano po ang order niyo, sir?” tanong naman nI George sa ginoo.
“Naku, hindi na. Ice cream lang para sa aking anak ay sapat na. Regalo ko kasi ito sa kaniya dahil top one siya klase,” wika pa ni Mang Cardo.
“Aba, binabati kita. Napakatalino pala ng batang kaharap ko,” saad ni George kay Gina.
Umalis na ang binata upang kuhain ang order ng mag-ama. Ngunit laking gulat nina Mang Cardo at Gina nang bumalik ito at bitbit ang maraming pagkain para sa kanilang dalawa. Kabilang na dito ang cake at ice cream na gusto ni Gina.
“B-baka nagkakamali po kayo, ginoo. Wala po akong ipambabayad sa lahat ng ito,” saad ni Mang Cardo kay George.
“Sagot na po ng restawran ang lahat ng kakainin ninyong mag-ama. Huwag kayong mag-alala dahil wala kayong babayaran kahit magkano,” saad pa ng binata.
“Maraming salamat sa iyo. Diyos na ang bahalang bumawi sa kabutihan niyong ito,” saad ni Mang Cardo kay George.
Naluluha ang dalawa habang masayang pinagsasaluhan ang pagkain na inihain sa kanilang dalawa. Laking tuwa pa nila nang ipauwi pa sa kanilang mag-ama ang mga pagkaing hindi nila maubos.
“Napakabait ng mga taong iyon sa restawran, ‘tay. Hindi ko ito makakalimutan sa buong buhay ko! Darating ang panahon na mapapakain ko kayo sa masasarap na restawran, ‘tay. ‘Yung hindi na natin kailangan pang mangamba kung papapasukin ba tayo o hindi” sambit ni Gina sa ama.
“Salamat, anak. Basta ang nais ko lang ay maging masaya ka. Salamat din sa Diyos at biniyayaan niya tayo ngayong araw,” wika naman ni Mang Cardo.
Lumipas ang panahon at baon ni Gina ang masayang ala-ala na ito kasama ang kaniyang ama. Naging inspirasyon ang tagpong iyon upang magsikap siya sa buhay.
Dahil sa kaniyang talino ay naging iskolar si Gina. Naging daan ito upang kahit kailan ay hindi siya matigil sa pag-aaral.
Hanggang sa tuluyan na siyang naging isang matagumpay na Interior Designer sa ibang bansa at doon na rin sila nanirahan ng kaniyang ama.
Ngunit ninais niyang bumalik ng Pilipinas nang nabalitaan niyang ang restawran na pinagdalhan sa kaniya ng kaniyang ama ay nalulugi na at kailangan nang ipasara.
Suot ang pinaka magara nilang damit ay muling nagbalik ang mag-ama sa naturang restawran upang sa huling pagkakataon ay sariwain ang lahat ng nangyari.
Umorder sina Mang Cardo at Gina ng cake at ice cream para sa kanilang dalawa. Masaya silang makita si George na ngayon ay may-ari na ng restawran. Sa pagkakataong ito ay hindi na sila nito nakilala pa.
“Ginoo, talaga bang magsasara na ang restawran na ito?” tanong ni Gina kay George.
“Nakakahinayang man ay tama ka. Ilang linggo na lamang ay kailangan nang isara ang restawran na ito. Unti-unti na rin kasing dumarami ang mga kainan sa paligid. Nag-iba na rin ang hilig ng mga tao. Nalipasan na talaga kami ng panahon,” malungkot na kwento ng may-ari.
“Sayang naman kung isasara ang restawran na ito. Sa tingin ko ay may magagawa itong anak ko para makabayad ng pagkakautang ang restawran. Isa siyang magaling na interior designer sa ibang bansa kung hindi mo naitatanong,” pahayag naman ni Mang Cardo.
“Naku, ginoo, nakakalungkot sabihin na wala po kasi kaming ipambabayad sa kaniya. Pero salamat po sa inyong alok,” tugon ni George.
“Sino po nagsabing magpapabayad ako? Gagawin ko po ang lahat ng ito ng libre. Magbibigay po ako ng serbisyo sa inyo upang mapaganda ang restawran na ito at makasabay sa uso. Marami din akong kakilala at kakausapin ko sila upang mag-invest sa restawran niyo. Dahil kahit na maraming magagandang restawran sa paligid ay hindi pa rin nagbabago ang pagkain niyo dito,” wika naman ni Gina.
Nagtataka si George sapagkat ngayon lamang naman niyan nakita ang mag-ama sa tagal na niyang pinamamahalaan ang restawran.
“Alam ko pong hindi niyo na kami natatandaan. Kami po ang mag-ama na inilibre niyo ng pagkain dahil top one po ako. Wala kaming pera no’n pero hindi niyo kami pinagdamutan. Kayo po ang naging inspirasyon ko upang magtagumpay sa buhay. Ngayong asensado na po ang buhay namin ay kami naman po ang magbabalik sa inyo ng kabutihan,” saad pa ng dalaga.
Napaluha na lamang si George sa sinabi ng dalaga. Higit kailanman kasi ay ngayon niya kailangan ng tulong upang maisalba ang restawran. Hindi rin siya makapaniwala sa nangyari sa buhay ng mag-ama.
Tinulungan ni Gina na mapaganda ang restawran ng ginoo. Unti-unti na rin itong nakabayad sa pagkakautang dahilan upang hindi na ito isara pa.
Masayang sinariwa ng mag-ama ang lahat ng kanilang nakaraan lalo na ang pinakasamasayang araw ng kanilang buhay. Iyon ay nang makakain sila sa restawran ng libre dahil sa mabuting puso ng may-aring si George.

Naglayas ang Dalaga Dahil Hindi Niya Matanggap ang Muling Pag-Aasawa ng Ama; Huli na ang Lahat sa Kaniyang Pagbabalik
