Naglayas ang Dalaga Dahil Hindi Niya Matanggap ang Muling Pag-Aasawa ng Ama; Huli na ang Lahat sa Kaniyang Pagbabalik

“Dad, huwag mo na akong iwan. Natatakot ako baka mamaya ay hindi na tayo magkita,” saad ng batang si Apple sa kaniyang amang si Rolly.

“Mabilis na mabilis lang talaga ako, anak. May kukuhain lang si daddy. Basta kahit anong mangyari ay huwag kang sasama kahit kanino. Kapag may kumausap sa iyo ay agad kang humingi ng tulong sa gwardya. Sandali lang ako, anak, babalik din ako,” bilin naman ni Rolly sa anak.

Pinilit ni Apple na labanan ang kaniyang takot habang hinihintay niya ang kaniyang ama sa naturang restawran. Palinga-linga siya sa palagid. Napakaraming tao na nagdaraan sa kaniyang harapan. Nais na sana niyang umiyak ngunit nakita na niya ang mukha ng amang si Rolly at may bitbit itong isang malaking kahon.

“Happy birthday, anak!” sambit ni Rolly sa anak.

“O ‘di ba, sabi ko sayo, sandali lang ako. Kinuha ko lang itong regalo ko para sa iyo. Heto at buksan mo na!” masayang saad ng ama.

Tuwang-tuwa si Apple na binuksan ang regalo ng kaniya.

“Wow! Ang gandang doll house po nito daddy! Matagal ko na pong gustong magkaroon nito. Maraming maraming salamat po! I love you, daddy!’ napayakap pa si Apple sa kaniyang ama dahil sa sobrang kaligayahan.

“Alam kong hindi mapapalitan ng doll house na iyan ang pagnanais mong makasama ang mommy mo ngayon. Pero sana kahit paano ay napasaya kita, anak. Tandaan mo na kahit wala na ang mommy mo ay mananatili pa rin akong narito para sa iyo kahit kailan,” sambit muli ni Rolly.

Advertisement

Unang araw kasi iyon na magdiriwang ng kaarawan si Apple nang wala ang kaniyang ina. Ilang taon na kasi ang nakakalipas nang magkaroon ito ng matinding karamdaman at dalawang buwan bago ang kaarawan ng bata ay tuluyan na itong namaalam.

Kaya hindi alam ni Rolly kung paano ipagdiriwang ang kaarawan na parehas silang nangungulila sa kanilang ilaw ng tahanan.

Lumaki namang malapit si Apple sa kaniyang ama. Sa katunayan nga ay daddy’s girl ito. Si Rolly kasi ang tipo ng ama na inuuna niya palagi ang kaniyang mag-ina. Kahit na may trabaho ay sinisikap niyang maging laging nariyan lalo na para sa kaniyang anak.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay tuluyan nang nagdadalaga na si Apple. Hindi maitatanggi ni Rolly na nahihirapan siya dahil mag-isa lang niyang pinapalaki ang kaniyang anak.

“Alam mo, Rolly, mas madali kung magkakaroon ka ng katuwang. Hindi talaga madaling magpalaki ng anak lalo pa at babae ang anak mo,” saad ng nakatatandang kapatid ng ginoo na si Sylvia.

“Akala mo ba ay hindi ko napapansin ang kakaibang tinginan ninyo ng kaopisina mong si Wendy? Alam kong may pagtingin ka sa kaniya at ganun din siya sa’yo. Sa tingin ko ay magiging mabuting ina siya para kay Apple,” dagdag pa ng ginang.

“Hindi ko naman itinatanggi na gusto ko si Wendy. Pero ayokong saktan ang anak ko. Alam kong ayaw niyang magpakasal akong muli. Baka imbis na mapalapit siya sa akin ay lalo siyang lumayo,” saad pa ng ginoo.

“Mabait na bata naman si Apple. Kausapin mo siya at alam kong maiintindihan ka niya,” wika muli ni Sylvia.

Advertisement

Dahil na rin sa payo ng kapatid ay kinausap ni Rolly ang kaniyang anak tungkol sa pagpapakasal niya kay Wendy.

“Kayo po ang bahala, daddy. Ayaw ko namang sabihin niyo sa akin na ako pa ang nging hadlang sa kaligayahan ninyong dalawa,” sambit ng dalaga.

Ang akala ni Rolly ay ayos lamang kay Apple ang pagpapakasal niya kay Wendy kaya itinuloy niya ito. Ngunit habang tumatagal ay napapansin niya ang paglayo sa kaniya ng anak.

“Akala ko ba ay ayos lang sa’yo na magpakasal ako? Pero bakit ganito ang nangyayari sa atin?” tanong ni Rolly kay Apple.

“Ikaw lang naman ang may gusto ng bagay na iyan. Dad, hindi ako makapaniwala sa iyo na tuluyan mo nang ipinagpalit si mommy! Nasaan na ang pangako mo sa kaniya na mamahalin mo siya hanggang wakas?” sambit ni Apple sa ama.

“Mahal na mahal ko ang mommy mo at walang kahit sinong makakapalit sa pwesto niya sa puso ko ngunit wala na siya, anak. Kailangan ko ng katuwang ng magpapalaki sa iyo at mag-aalaga din sa akin sa pagtanda ko,” paliwanag ng ginoo.

“Kaya mabilis mong pinalitan si mommy. Tapos magkakaanak kayo niyang si Tita Wendy at ano? Ako naman ang papalitan mo sa buhay mo? Bago pa mangyari ang lahat ng iyan ay kusa na akong aalis. Tutal mula nang pinakasalan mo ‘yang babaeng iyan ay tanggap ko na siya ang pinili mo!” sumbat pa ng dalaga.

Pilit mang pigilan ni Rolly ang anak ay wala na siyang nagawa. Umalis na ito ng kanilang bahay at namuhay na lamang na mag-isa malayo sa kaniya.

Advertisement

Ilang taon ang lumipas at hindi na nagparamdam pa si Apple sa kaniyang ama. Hindi niya sinasagot ang mga tawag at sulat nito. May mga pagkakataon na iniisip niya ang kaniyang ama ngunit sa tuwing naaalala niya na may bago na itong pamilya ay napapalitan ang lahat ng ngiti mula sa magagandang alaala ng poot at galit.

Hanggang sa isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Wendy.

“Alam kong ayaw mo akong makausap. Pero bago mo ibaba ang telepono ay may nais sana akong sabihin sa iyo. Malala na ang kalagayan ng daddy mo at sa tingin ko ay hindi na siya magtatagal. Kung nais mo pa siyang makita ay gawin mo na ngayon, Apple. Gawin mo na, anak, bago pa mahuli ang lahat,” saad ng kaniyang madrasta.

Sa puntong iyon ay tila nawala na ang lahat ng galit. Agad siyang pumunta ng ospital upang makita ang may sakit na ama. Napaluha na lamang siya nang datnan niya ito na malubha na ang kalagayan.

“Daddy, narito na po ako. Patawarin mo ako, daddy!” lumuluhang sambit niya sa ama.

Nahihirapan man ay pilit siyang nilingon ng kaniyang ama. Nang makita ni Rolly ang mukha ng anak ay kusa na lamang pumatak ang mga luha sa kaniyang mata.

“Daddy, patawarin mo ako sa lahat ng maling nagawa ko. Hindi ako dapat umalis sa tabi mo. Hindi kita dapat binalewala,” pagtangis pa ng dalaga.

Pilit na inilapat ni Rolly ang kaniyang mga kamay sa mukha ng anak.

Advertisement

“Masaya kong muli kang makita, Apple, anak ko. Miss na miss ka na ng daddy,” hirap man ay pilit na nagsasalita ang ginoo.

Maya-maya ay tila nahihirapan na si Rolly na huminga. Agad na nagtungo ang mga nars at doktor upang isalba ang kaniyang buhay.

“Lumabas na muna po kayo at kailangan po naming magsagawa ng lunas sa kaniya,” saad ng nars.

“Ayaw ko pong umalis. Dito lang ako sa daddy ko,” pagpupumilit ni Apple.

“Sige na, miss. Kailangang kailangan na talaga,” giit pa ng nars.

Napatingin si Apple sa kaniyang ama at nakita niyang nakatitig ito sa kaniya. Tumango lamang ito na tila inuutusan ang anak na sundin na ang sinasabi ng doktor.

“Dad, huwag mo akong iwan. Natatakot ako baka mamaya ay hindi na tayo magkita,” wika ni Apple sa ama habang lumuluha.

Sa kasamaang palad ay iyon na pala ang huling pagkikita nilang mag-ama. Ilang minuto matapos ang pangyayari ay tuluyan na rin namaalam si Rolly.

Advertisement

“Walang araw na hindi ka niya iniisip, Apple. Kahit na matindi na ang sakit niya’y inaalala pa rin niya kung nasa mabuti ka bang kalagayan o kung nakakain ka ng maayos,” saad ni Wendy sa dalaga.

Labis ang pighati sa nararamdaman ni Apple. Labis siyang nagsisisi dahil sa pagmamalaking ginawa niya sa kaniyang ama.

Nguni kahit anong iyak niya ay hindi na niya maibabalik pa ang panahon na nawala sa kanilang mag-ama. Wala siyang ibang hiling ngayon kung hindi sana’y bigyan pa siya ng isang pagkakataon upang makasamang muli nang makabawi sa kaniyang pinakamamahal naDaddy Rolly.