Gumawa ng Kabutihan ang Isang Delivery Rider; Hindi Niya Akalain kung Paano Babalik sa Kaniya ang Kabutihan

Hindi pa man tumutunog ang alarm ni Mando ay gising na siya at tinitignan ang mga mensahe sa kaniyang selpon. Nang tumunog ang kaniyang alarm ay agad siyang bumangon upang simulan ang araw. Maaga siyang gumayak upang makabyahe na.

Isang delivery boy si Mando. Nawalan kasi siya ng trabaho nang magsara ang kompanyang kaniyang pinapasukan noon. Nag-apply naman na siya sa iba ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya tinatawagan ng mga ito. Upang mabuhay ang pamilya ay napilitan siyang umekstra mula sa pagdedeliver.

Tanghali na at nakakadalawang byahe pa lamang itong si Mando. Kaya naisipan niyang tumambay muna sa karinderyang madalas niyang kainan. Doon ay sama-sama silang mga delivery boy na nagkakainan.

Maya-maya ay muling tumitig si Mando sa kaniyang selpon.

“Kanina ka pa tingin ng tingin sa selpon mo, may hinihintay ka bang tawag o text?” tanong ng isang kaibigan kay Mando.

“Oo, pare. Ang tagal kasing tumawag ng mga kompanyang pinag-aplayan ko. Hindi rin kasi sapat ang kinikita ko bilang isang delivery rider,” tugon naman ng ginoo.

“Pero nagpapasalamat na rin ako sa trabahong ito dahil kahit paano ay malaking bagay na may nauuwi ako para sa pamilya ko,” dagdag pa ni Mando.

“Hayaan mo, Mando, pasasaan ba at matatanggap ka rin sa trabaho. Kaunting tiis na lang. Hindi naman natutulog ang Panginoon,” wika pa ng kaibigan.

Advertisement

Dahil sa sinabi na ito ng kasamahan niya ay lumakas ang kaniyang loob. Pagkatapos niyang kumain ay agad siyang umikot sa lugar upang makahanap ng magpapadeliver.

Hanggang sa tuluyan nang may pumasok sa kaniyang booking.

“Kailangang maideliver kaagad ang ice cream na ito sa bumili baka malusaw. Sabagay ay ilang minuto lang naman ang layo ng umorder dito sa amin,” mariing bilin ng ginang.

Dali-daling idiniliber ni Mando ang sorbetes. Ngunit habang siya ay papunta na sa kaniyang destinasyon ay nakita niya ang isang may edad nang ginang na nasiraan ng sasakyan. Kailangan nitong magpalit ng gulong ngunit walang tumutulong sa kaniya.

Kaya agad itong hinintunan ni Mando.

“Ma’am, sandali lang po at idedeliber ko lang itong order. Sa kabilang kanto lang po ito. Babalik ako kaagad para palitan ang gulo ng sasakyan niyo,” saad ng ginoo sa ale.

Nang maideliber niya ang ice cream ay agad niyang binalikan ang sirang sasakyan upang palitan ng gulong.

“Maraming salamat sa iyo. Ako nga pala si Mel. Kanina pa ako dito pero walang humihinto para tulungan ako. Kailangan ko pa namang pumunta ng ospital. Pasensya ka na rin kung nakaabala ako. Nadumihan pa tuloy ang damit mo,” saad ng ale.

Advertisement

“Wala pong anuman po iyon, Ma’am Mel. Ako nga po pala si Mando,” saad naman ng ginoo.

“Kay buti mo, Mando. Tanggapin mo itong ibibigay kong pera para man lang makabawi kahit paano,” saad pa ng babae.

“Huwag na po, ma’am. Maliit na bagay lang po iyon,” tugon pa ng ginoo.

Ngunit nagpupumilit ang ginang.

“Kung nais niyo talagang mabayaran ang kabutihang nagawa ko ay ipasa niyo na lang po sa higit na nangangailangan. Isipin niyo ang kabutihan kong ito at ipasa niyo sa iba,” wika muli ni Mando.

Labis ang pasasalamat ng ginang sa ginawang tulong ni Mando sa kaniya.

Muli ay bumalik sa paghahanap ng booking itong si Mando upang magkaroon ng mas malaking kita.

Sa kabilang banda nama’y muling nagmaneho si Mel upang magtungo sa ospital. Gabi na at dahil hindi biro ang pinagdaanan niya ng buong araw ay naisipan niyang dumaan muna sa restawran at kumain.

Advertisement

Isang buntis na waitress ang nagsilbi sa kaniya. Hindi niya maiwasang pagmasdan ang babae. Kahit na hirap na kasi ito dahil sa bigat ng kaniyang tiyan ay magiliw pa rin itong nagtatrabaho. Hindi rin matatawaran ang serbisyong ibinibigay nito sa bawat kostumer.

Nang ibibigay na sa kaniya ng buntis na ang waitress ang bill ng kaniyang nakain ay hindi niya naiwasan na magtanong. Tinignan niya ang name tag nito at saka niya ito kinausap.

“Anna, hindi ba?” tanong niya sa waitress. Tumango naman ang babae.

“Pasensya ka na, Anna, alam kong hindi ko na ito dapat tanungin pa. Pero hindi ko kasi maiwasan na magtaka dahil sa tingin ko ay kabuwanan mo na. Bakit hindi ka pa rin lumiliban sa trabaho mo?” tanong ni Mel sa buntis na waitress.

“Kahit po gustuhin ko ay hindi pa po kasi sapat ang naipon naming mag-asawa. Nawalan din po kasi siya ng trabaho. Pero kahit paano naman po ay gumagawa siya ng paraan ngayon para makapaghanapbuhay din para kahit paano ay may pangpaanak ako,” sagot ni Anna.

Sa sinabing iyon ng waitress ay biglang nagbalik kay Mel ang ginawang kabutihan ni Mando.

“Alam mo, Anna, isa akong OB-Gyne. Sa katunayan ay galing akong ospital ngayon. Nais sana kitang tulungan. Ito ang calling card ko. Tawagan mo ako at puntahan. Dalhin mo ang lahat ng mga records mo at ako na ang bahalang magpaanak sa iyo,” nakangiting sambit ni Mel.

Hindi makapaniwala si Anna sa kaniyang narinig. Napaluha na lamang siya sa sobrang kasiyahan.

Advertisement

“Totoo po ba ito? Hindi po ba kayo nagbibiro?” saad ni Anna sa ginang na isang doktor pala.

“Hindi ko po alam kung paano kayo pasasalamatan. Matutuwa po ang asawa ko nito kapag nalaman niya. Kasi hanggang ngayon ay problemado din siya sa paghahanap ng halagang kakailanganin para sa panganganak ko,” dagdag pa ng buntis na waitress.

“May isang lalaki kasing gumawa din ng kabutihan sa akin kanina at ang nais niyang kabayaran ay gumawa ako ng mabuti sa kapwa. Naisip kong sa iyo na lamang ito ibigay,” saad ni Mel.

Hindi na makapaghintay si Anna na umuwi at ibalita ito sa kaniyang asawa. Nasa labas pa lamang ng kanilang bahay ay agad na niyang tinawag ang asawa.

“Mando! Mando! May ibabalita ako sa iyo!” bungad ni Anna sa mister.

“Pumasok ka nga muna dito sa bahay, mahal. Huwag kang magmadali at baka mamaya’y matalisod ka. Ano ba ang sasabihin mo?” tanong ni Mando.

“Nasagot na ang panalangin natin. May isang doktor kanina sa restawran ang sasagutin ang panganganak ko. Maraming salamat talaga sa Panginoon at dininig niya ang mga dasal natin!” wika pa ng ginang.

Napatalon sa saya si Mando sa ibinalita ng asawa.

Advertisement

Nang puntahan nila ang doktor ay laking gulat ni Mel na makita doon si Mando.

“A-asawa mo itong si Anna?” saad ng doktor.

“Kayo po pala ang doktor na tutulong sa asawa ko?” gulat na wika din ng ginoo.

“Magkakakilala kayo?” tanong naman ni Anna sa dalawa.

“Siya ang lalaking gumawa ng kabutihan sa akin noong isang araw. Siya ang dahilan kung bakit sa iyo ko ibinalik ang kabutihang nagawa niya. Sadyang kay liit ng mundo,” natutuwang wika ni Mel.

Hindi makapaniwala ang tatlo sa pangyayaring ito. Hindi sukat akalain ni Mando na ang maliit na kabutihan na kaniyang ginawa ay siya mismong tatapos sa kaniyang suliranin. Hindi man siya matawagan pa ng mga kompanyang inaplayan niya ay mapapanatag na sa wakas ang kaniyang loob dahil makakapanganak na ng maayos ang kaniyang misis.

Si Mando ang isang patunay na may kapalit na gantipala ang kabutihang iyong ginagawa sa iyong kapwa. Dahil malaki man ang mundo’t tiyak na may Diyos na nakatanaw sa ating lahat.