Inday TrendingInday Trending
Mahusay na Guro ang Ina, Subalit Pakiramdam Niya, Wala na Siyang Panahon sa mga Anak Niya; Nagtatampo Nga Ba ang mga Ito sa Kaniya?

Mahusay na Guro ang Ina, Subalit Pakiramdam Niya, Wala na Siyang Panahon sa mga Anak Niya; Nagtatampo Nga Ba ang mga Ito sa Kaniya?

Napapangiti si Leslie, isang guro sa elementarya, habang binabasa niya ang mga liham at mensahe ng kaniyang mga mag-aaral. Teacher’s Day kasi. Malalaman kung sino sa mga guro ang paborito ng mga mag-aaral, batay sa mga regalo, bulaklak, at liham na natanggap nila. Punumpuno ang desk ni Leslie.

“Wow! Ang dami mo namang regalo! Mahal na mahal ka talaga ng mga pupils mo,” bati sa kaniya ng kapwa-guro at kaibigang si Jocy, na guro naman sa Grade 3. Naka-assign naman si Leslie sa Grade 4, at magkakasama sa isang napakalaking faculty room ang mga guro sa elementarya.

“Oo nga eh… ang sweet nila,” nakangiting sabi ni Leslie. Isinilid na niya sa malaking eco bag ang mga regalo ng kaniyang mag-aaral.

“Eh paano iyan? Kapag na-promote ka na bilang master teacher, malilipat ka na sa ibang school? Handa mo ba silang iwan?”

Napahinto si Leslie. Naalala na naman niya ang sinabi sa kaniya ng punungguro. Ito mismo ang nagsabi sa kaniyang lakarin na niya ang mga papeles niya para maiangat na siya bilang master teacher. Tataas ang sahod niya. At kailangang-kailangan iyon ng kaniyang pamilya, lalo na para sa kaniyang dalawang anak na nag-aaral na rin sa elementarya.

“Iniisip ko nga eh… kapag nagproseso na ako at nagpasa sa Division Office, mapapalayo na ako sa mga pupils ko. Saka mapapalayo na ako rito sa inyo. Nakakalungkot lang na iiwan ko sila,” malungkot na saad ni Leslie habang tinititigan ang mga liham ng kaniyang advisory class, at iba pang mga mag-aaral, para sa kaniya.

Mahal na mahal niya ang mga pupils niya. Mahal na mahal niya ang pagtuturo. Mahal na mahal niya ang paaralan. Subalit kailangan niyang gawin ang promotion. Sayang ang pagkakataon. Sayang ang kita. Sayang ang pribilehiyo.

Kapag naging MT siya, tiyak na lalaki ang sahod niya. Mabibili niya ang mga bagay na gusto ng mga anak niya. Makakabawi siya sa mga araw niya na hindi niya maturuan ang sariling mga anak, kapag kailangan siya nito.

Iyan ang masaklap sa isang guro. Napaka-ironic. Naturingang guro, hindi maturuan ang sariling mga anak. Hind matulungan sa mga assignment. Pagod na kasi siya pagkauwi sa bahay. Mabuti na lamang at may kasambahay sila. Imbes na matutukan ang mga anak, mas napagtutuunan pa niyang gawin ang visual aids na gagamitin niya sa susunod na araw ng klase.

Kagaya ngayon. Pagkauwi niya, tutok kaagad siya sa laptop. May pinagagawa ang department head. Nasilip naman niyang abalang-abala ang dalawang anak sa artwork, na pakiramdam niya ay gawain sa paaralan.

Nakita niya sa sulok ng kaniyang mga mata na tila nais lumapit ng kaniyang mga anak sa kaniya. Ang panganay niyang si Nini ay 8 taong gulang, at ang bunso naman na si Maymay ay 6 na taong gulang.

Nginitian niya ang mga anak. “Yes mga anak?”

Tila nasaktan si Leslie nang makita niyang bantulot lumapit ang dalawa sa kaniya. Naihambing niya agad sa kaniyang mga pupils na kapag pinalapit na niya sa kaniya, agad siyang dudumugin.

“Mga anak… bakit? Lapit kayo sa akin…” nakangiting tawag ni Leslie sa dalawa.

Nakita niyang itinutulak ni Maymay ang kaniyang ate sa unahan. Unti-unti namang lumapit ang mag-ate sa kanilang ina.

“Mommy…” saad ni Nini.

May iniabot sa kaniya ang bata. Isang malaking card.

“Happy Teacher’s Day!”

Kinuha ni Leslie ang artwork na gawa nina Nini at Maymay. Pinasadahan ito ng tingin. Hindi niya napigilan ang pangingilid ng kaniyang mga luha. Pinalapit niya ang mga anak. Niyakap.

“Salamat mga anak! Ang ganda naman ng ginawa ninyo para kay Mommy. Maraming salamat, mga anak! Sorry kung walang panahon si Mommy sa inyo. Pero sana maintindihan ninyo na kaya ko ginagawa ang mga bagay na ito ay dahil para din sa inyo. Patawarin ninyo ako kung feeling ninyo wala na akong time sa inyo,” paghingi ng tawad ni Leslie sa kaniyang mga anak.

“Mom, we understand naman po… We love you!” nakangiting saad ni Maymay. Muling niyakap nang mahigpit ni Leslie ang dalawang anak niya.

Naging mahirap man, inasikaso na ni Leslie ang kaniyang mga papeles para sa kaniyang promosyon. Hindi rin naging madali sa kaniya ang gagawin, lalo’t mapapalayo siya sa kaniyang pupils. Subalit nang mabalitaan ito ng kaniyang mga pupils, lahat sila ay umiyak, subalit masaya naman daw dahil naipaliwanag naman sa kanila na para iyon sa ikabubuti ng career ng kanilang Ma’am Leslie.

Ipinangako ni Leslie sa kaniyang sarili na bagama’t maganda na ang nangyayari sa kaniyang career, hindi rin niya dapat kalimutan ang responsibilidad niya sa kaniyang mga anak.

Advertisement