
May Talento ang Binatilyo sa Pagguhit at Pagpinta Subalit Tutol Dito ang Kaniyang Ama, Na Siyang Nagpamana Sa Kaniya Nito; Paano Niya Magagamit ang Talento sa Tamang Panahon?
“Nay, tingnan po ninyo, naiguhit ko po kayong dalawa ni Tatay. Ang ganda po hindi ba?” pagmamalaki ni Henry sa kaniyang inang si Aling Filomena, na noon ay naglalaba ng mga tinanggap na palaba mula sa mga kapitbahay.
“Oo nga anak! Ang ganda! Buhay na buhay ang mga mata namin ng Tatay mo, wala pang kulay ‘yan ah? Nakuha mo sa kaniya ang husay sa pagguhit at pagpinta,” papuri ni Aling Filomena sa anak.
“Hindi ba sinabi ko na saiyo na tigilan mo na ang pagguhit?”
Nabigla sina Henry at Aling Filomena sa biglaang pagdating ni Mang Domingo mula sa trabaho. Dati itong pintor. Tinalikuran ang trabaho at hilig, dahil na rin sa impluwensya ng iba, na wala naman daw pera sa pagpipinta.
“Domeng, tingnan mo ang anak mo… ang husay! Nagmana sa iyo,” kinuha ni Aling Filomena ang papel na kinalalagyan ng guhit ni Henry, ipinakita sa asawa.
Mabilis itong sinulyapan ni Mang Domingo. Ngunit agad na nilamukos.
“Tigilan mo na ‘yan. Wala kang mapapala sa kaguguhit mo! Mag-aral ka na lamang mabuti at tigilan na ang mga paguhit-guhit na ‘yan. Filomena, maghain ka na at nagugutom na ‘ko.”
Hindi napigilan ni Henry ang mapaiyak.
“Bakit po ganoon si Tatay, Nanay? Parang hindi siya natutuwa na namana ko sa kaniya ang talento sa pagguhit at pagpinta?”
“Intindihin na lamang natin ang Tatay mo, anak. May mga bagay lamang siyang pinagdaanan noon. Pero sa totoo lang, tiyak na ipinagmamalaki ka niya.”
Hanggang sa kinalakhan na nga ni Henry na tutol na tutol ang kaniyang Tatay sa kaniyang pagpipinta. Subalit hindi talaga mapipigilan ang puso, lalo na kapag mahal na mahal mo ang ginagawa mo. Palihim siyang bumibili ng mga kagamitan para sa pagguhit at pagpipinta. Saka siya gumuguhit at nagpipinta kapag pumapasok na sa trabaho ang Tatay. Kapag parating na ito, itinatago niya ang mga gawa.
Subalit isang araw, natuklasan ni Mang Domingo ang kaniyang paglilihim. Ganoon na lamang ang panggigipuspos ni Henry nang makitang sinira nito ang kaniyang mga obra. Natagpuan na lamang niya ang mga kagamitan niya sa basurahan, nilalamon ng apoy.
“Hindi ba sinabi ko sa ‘yong huwag na huwag ka nang guguhit at magpipinta?” hindi malilimutang sabi ni Mang Domingo, habang hinahataw siya ng sinturon sa kaniyang puwitan. Tumatak ito kay Henry. Kasabay ng paglamon ng apoy sa kaniyang mga pinag-ipunang kagamitan, ay unit-unting paglagablab ng ningas sa kaniyang damdamin laban sa ama.
Isang araw, pag-uwi ni Henry mula sa paaralan, nagulat siya dahil wala ang kaniyang Nanay.
“Henry, ang Tatay mo ay isinugod sa ospital. Nagbilin ang Nanay mo. Puntahan mo raw siya kapag nakauwi ka na,” saad ng kapitbahay.
Hindi na nagpatumpik-tumpik si Henry. Agad siyang nagtungo sa ospital. Sinalubong siya ni Aling Filomena. Lumuluha.
“Anak… ang Tatay mo… nalaglag siya mula sa building na ginagawa nila. Nabalian siya ng buto pero ayos naman siya.”
Nararamdaman ni Henry ang bigat sa dibdib ng kaniyang Nanay. Bukod sa kinasapitan ng kaniyang Tatay, hindi rin biro ang biglaang gastusin sa ospital.
Kailangan niyang kumilos. Hindi niya kayang makita ang mga magulang sa ganoong kalagayan.
Naisip niya ang pagguhit. Madali lang namang humanap ng komisyon. Subalit naalala niya, paano siya makaguguhit at makagagawa ng magagandang obra kung wala naman siyang kagamitan? Sinunog lahat ni Mang Domingo.
Tila siya binangag na aso.
Hindi siya puwedeng tumigil. Kailangan niyang umisip ng paraan. Nakatanaw siya sa malayo. Sa harapan na kaniyang natatanaw, nakakita siya ng mga dahon ng malunggay. At tila may natanaw siyang bombilya sa itaas ng kaniyang ulo.
Namitas siya ng mga dahon ng malunggay. Gagawin niyang kakaiba ang kaniyang mga obra maestra. Likhang-sining na yari sa mga dahon ng malunggay. Ginawan niya ng portrait ang mukha ng kaniyang ama. Pagkatapos, kinuhanan niya ito ng larawan, at ipinost sa social media.
Hindi naman nabigo si Henry. Naging viral ang kaniyang obra maestra—ang malunggay artwork! Maraming humanga sa kaniyang talento, subalit ang mas nakaantig sa mga netizen, ang kaniyang layuning makapangalap ng pondo para sa kaniyang Tatay.
Marami ang nagpadala ng mensahe kay Henry. Ang iba, nagpagawa ng artwork kapalit ang malaking halaga, subalit karamihan din ay kusang-loob na nagbigay ng tulong-pinansyal.
Nang malaman ito ni Mang Domingo, umiiyak itong nagpasalamat sa kaniyang anak.
“Patawarin mo ako anak kung pinipigilan kita sa iyong talento. Natakot kasi ako na baka mangyari din sa iyo ang naranasan kong panlalait noon mula sa mga kamag-anak at kakilala ko. Ayokong masaktan ka dahil mahal na mahal kita.”
Sa tulong ng mga artwork ni Henry at tulong na rin ng mga mapagmalasakit na tao, tuluyang gumaling si Mang Domingo at nabayaran nila ang mga bill sa ospital. Masayang-masaya si Henry dahil sa biyaya ng paggaling ng ama, gayundin, mas ipinagpapasalamat niya ang talentong ibinigay sa kaniya ng Dakilang Manlilikha.