Ipinadala Niya sa Babae ang Litrato Niyang Kasama ang Asawa Nito; Hindi Niya Inaasahan ang Reaksyong Matatanggap Mula Rito!

Lihim na kinuhanan ni Michelle ang kaniyang sarili habang katabi niya si Liam, ang lalaking matagal na niyang gustong mapasakaniya. Malaki ang pagkagusto ng dalaga sa lalaki, ngunit napag-alaman niyang hindi na ito binata, dahil may asawa na ito!

Noong una ay nagdalawang isip pa si Michelle na ipagpatuloy ang pagkagusto niya sa lalaki ngunit katuwiran niya noon sa sarili, hindi naman masama kung hahangaan niya lang ito nang palihim… ngunit hindi naman ganoon ang nangyari dahil habang tumatagal ay nahuhulog na siya kay Liam. Katrabaho niya kasi ito kaya naman halos araw-araw silang magkasama. Dahil doon ay nakita niya pang lalo ang magagandang katangian ng lalaki na matagal na niyang pinapangarap. Mabait ito, gentleman at masipag pa! Dahil doon ay nagsimula si Michelle na pag-isipang agawin ito sa kaniyang asawa.

Nang makakuha ng pagkakataon si Michelle ay agad niya iyong ginamit upang umpisahang buwagin ang samahan ni Liam at ng asawa nitong si Meryl. Ipinadala niya ang litrato niya kung saan kasama niya si Liam habang sila ay pauwi galing sa trabaho. Bukod doon ay may litrato rin siya na sabay silang kumakain at dikit na dikit pa sa isa’t isa! Ang totoo ay hindi lamang napapansin ni Liam ang kaniyang mga ginagawa dahil wala naman itong malisya sa lalaki.

“Ito ang ginagawa ng asawa mo kapag nasa trabaho siya. Kung ako sa ’yo, hihiwalayan ko na siya!” Ito ang mga sinabi ni Michelle kay Meryl, kalakip ang naturang mga litrato nila ni Liam. Gumawa pa siya ng panibagong account upang lalong maging kakumbi-kumbinsido ang kaniyang ginagawa.

Napapangisi si Michelle habang iniisip na magtatagumpay ang kaniyang planong pang-aagaw sa asawa nang may asawa at mapapasakaniya na ang lalaking matagal na niyang pinapantasya!

Kinabukasan, nang pumasok si Meryl sa trabaho ay nagulat siya dahil nalaman niyang nag-file ng leave of absence si Liam. Hinintay ni Michelle ang lalaki hanggang sa muli itong makapasok sa kompanya kung saan sila parehong nagtatrabaho. Bakas ang pananamlay niya sa mga araw na hindi pumapasok ang lalaki. Panay din ang silip niya sa social media accounts nito ngunit mag-iisang linggo na itong hindi nagbubukas ng kahit anong accounts nito sa social media platforms. Sinubukan din niyang tawagan si Liam ngunit hindi nito sinasagot ang kaniyang tawag.

Hinala ni Michelle ay baka nagkaroon na ng malaking away sa pagitan ni Liam at Meryl kaya naman kinailangan munang magpahinga ni Liam. Baka nagkakalabuan na ang mag-asawa. Ibayong saya ang nadama ni Michelle sa kaisipang ’yon!

Nang sa wakas ay pumasok na si Liam sa trabaho ay kapansin-pansin ang pagod sa hitsura nito. Tila ba puyat din ang lalaki at natutuwa si Michelle sa ipinakikitang sign ng lalaki. Dama niyang malapit na niya itong maagaw kay Meryl!

Advertisement

Nang malapit nang mag-uwian ay tinawag ni Liam ang atensyon ng lahat. Nagyayaya itong pumunta sa kanilang bahay upang magkaroon daw ng kaunting salu-salo at inuman. Napangisi pa si Michelle dahil para bang gusto lamang ni Liam ng makakasamang uminom ngayong gabi kaya ito nag-aaya. Lalo pa nga siyang kinilig nang lapitan siya mismo ng lalaki at personal na imbitahin!

Todo paganda si Michelle bago siya tumuloy sa bahay ni Liam. Sinisigurado niyang siya ang pinakamaganda sa lahat ng naroon ngayong gabi. Kumpleto na sila nang abutan niya ang mga ito roon. Ngunit ang ipinagtataka ni Michelle ay kung bakit naroon si Meryl?! Hindi maikakailang ito ang center of attraction ng mga kalalakihan kahit napakasimple lang ng suot nito ngayon!

“Guys, sa totoo lang, wala pa akong tulog dahil galing kami sa bakasyon ni misis. Iyon ang dahilan kung bakit ako absent ng ilang araw,” pag-uumpisang anunsyo ni Liam. “Alam n’yo ba, may isang taong nagtangkang sirain kami ng asawa ko, pero lalo ko lang napatunayan na napakasuwerte ko sa babaeng pinili kong pakasalan. Imbes na awayin ako’y sinabi niya lang sa akin na hindi raw siya naniniwala sa pictures na ’yan. Malaki ang tiwala niya sa akin.”

“Dahil doon ay nagpasya akong magbakasyon kami. Regalo ko sa kaniya ’yon. Hindi ko akalaing doon pa namin malalaman na binigyan na pala kami ni God ng magiging bagong miyembro ng pamilya namin!” masayang-masayang sabi pa ni Liam habang nakaakbay sa kaniyang asawa!

Matinding pagkapahiya at hinagpis naman ang nadarama ni Michelle. Kahit hindi binanggit ni Liam ang pangalan niya, alam niyang alam nito at ng asawa nito na siya ang tao sa likod ng tangkang paninira sa kanilang pamilya!

Matapos ang gabing iyon ay nag-file na ng resignation letter si Michelle sa kompanyang pinagtatrabahuhan nila dahil wala na siyang mukhang maiharap kay Liam at sa iba pa nilang katrabaho.