
Umiiyak ang Matandang Lalaki nang Lumapit Ito at Nanghingi ng Isang De-Latang Pagkain; Ano pa Kaya ang Tulong na Kaya Niyang Ibigay sa Nakakaawang Matanda?
Pauwi na si Jenny kaya nagdesisyon siyang maglakad na lamang kaysa sumakay ng dyip. Mas tipid kasi at makakapagpapawis pa siya sa paglalakad. Wala naman siyang dapat madaliin sa pag-uwi, kaya hindi niya kailangang mangarag sa nagpupunuang dyip at nagsisiksikang mga pasahero.
“Ineng, pwede ba akong makahingi ng kaunting tulong?” nakikiusap na wika ng matandang lalaki sa babaeng nasa kaniyang unahan.
Ngunit imbes na bigyan ng tulong ang matandang lalaki ay pasimple nitong tinaboy ang mamá na para bang may nakakahawa itong sakit. Bukod sa pag-ismid ay bahagya pang umasim ang itsura nito.
Gusto niyang lapitan ang babae at pagsabihan sa kaartehan nito ngunit mas pinili na lamang niyang manahimik at huwag nang pansinin. May kaniya-kaniyang pamantayan ang bawat tao at mahirap pangunahan ang bawat isa. Sadyang may mga tao nga lang talagang ayaw madikit sa mga kagaya ni lolo.
“Ineng, baka pwede akong makahingi sa’yo ng tulong,” mangiyak-ngiyak nitong pakiusap sa kaniya.
Nakabukas ang kanang palad nito, nanghihingi.
“May problema po ba, tatay? Bakit umiiyak kayo?” aniya.
Hindi niya maiwasang hindi mag-alala sa nakitang mangiyak-ngiyak nitong itsura.
“Neng, pwede bang bilhan mo ako ng kahit isang de-latang ulam lang, talagang gutom na gutom na kasi ako at anong oras na’y hindi pa nakukumpleto ang pera kong pambili ng ulam. Kahit de-latang sardinas lang, ‘neng, malaking bagay na upang lamnan ang kumakalam kong sikmura,” humihibing pakiusap nito.
Dala ng awa ay hindi nagdalawang isip na humugot ng pera sa kaniyang pitaka si Jenny upang bilhan ang mamá ng hinihingi nitong de-latang sardinas.
“Sigurado ba kayo, tatay, na iyan lang ang kailangan niyo?” tanong niya matapos ibigay ang isang de-latang sardinas na nabili. Tumango ito saka matamis na ngumiti at nagpasalamat.
“Alam mo ‘neng, siguro pang-sampung tao ka nang nilapitan ko at ikaw lang ang bukod tanging pumansin sa’kin at nagbigay ng hinihingi kong ito,” anito, pigil ang pag-iyak.
“Nangangalakal kasi ako, ‘neng, at tanghali na’y pangbigas lang kayang bilhin ng pera ko. Wala pa akong almusal at wala pa akong tanghalian, kaya sobra nang pangangalam ng tiyan ko. Sinubukan kong mamalimos, nagbabakasakaling may maawa sa’kin at bilhan ako ng kahit isang de-latang sardinas. Pero imbes na dinggin ang hinihingi ko, nandidiri silang lahat sa’kin,” anito saka pinunasan ang luhang tumulo sa kulubot na pisngi.
Hindi maiwasan ni Jenny ang makaramdam ng awa sa matandang lalaki. Nasaksihan niya ang sinasabi nito kanina sa babaeng nasa kaniyang unahan. Imbes na dinggin ang simpleng hinihingi ng matanda ay umismid ito at nagtakip pa ng ilong.
“Pero hindi ko naman sila masisisi, ‘neng, gano’n talaga ang buhay kapag ganitong may edad ka na’t wala nang kakayahan sa buhay,” anito saka malungkot na ngumiti at tinitigan ang hawak na de-lata.
“Sa wakas may ulam na kami ng mga alaga kong aso’t pusa. Maraming salamat, ineng ah. Diyos na ang bahalang magbalik ng biyaya sa’yo,” anito.
Bahagya itong yumuko sa harapan niya tanda ng labis na pasasalamat at nagpaalam.
“Tatay, teka lang po,” pigil niya sa matanda. “May alaga pa kayong mga hayop na pakakainin?” klaro niya sa sinabi nito.
“Oo ‘neng at paghahatian namin ang pagkaing ito, dahil kagaya ko’y nagugutom na rin ang mga iyon at baka nga nanghihina na rin sila dahil simula pa kaninang umaga’y pare-pareho kaming walang kinain,” anito.
Mas lalo siyang nakaramdam ng awa sa matanda at sa kabilang banda’y humanga rin siya sa kabutihan ng puso nito.
Hindi lang sarili nito ang tanging iniisip kung ‘di pati na ang mga alaga nitong hayop. Imbes na kainin na lamang ang ulam at kanin ay hinahatian pa nito ang mga alaga. Mas lalong naawa si Jenny sa matanda kaya imbes na hayaan na itong umalis ay dinagdagan niya ang ibinigay rito.
“Naku ‘neng, sobra-sobra na iyang ibibigay mo. Huwag ka nang mag-abala pa, mangangalakal naman ako bukas kaya may pambili na ako ng ulam at bigas para sa’min ng mga alaga ko,” anito.
“Hayaan niyo na po, tatay, basta ang mahalaga maibili po kita ng pandagdag kunsumo niyo ng mga alaga mo, baka sakaling hindi maganda ang takbo ng panahon bukas ay hindi niyo na kailangang manghingi pa sa mga taong ayaw kayong lapitan,” ani Jenny.
Hindi na napigilan ng matanda ang pag-agos ng luha sa sinabi niya.
“Napakabait mo ineng, hindi ko alam paano maibabalik ang kabaitang ginawa mo sa’kin,” anito. Pinupunasan ang luhang nasa mukha.
Matamis na ngumiti si Jenny saka inakbayan ang umiiyak na matandang lalaki.
“Maging malusog lang po kayo, tatay, sapat na para maging masaya ako,” aniya.
Dahil hindi naman nito kayang bitbitin ang binili niyang limang kilong bigas, anim na noodles, tatlong de-latang meat loaf, tatlong piraso ring corned beef at limang sardinas ay sinamahan na niya ito sa tinutuluyan nito sa ilalim ng tulay.
Ayon kay Tatay Pedro ay limang taon na mula noong namayapa ang kaniyang asawa at mula noon ay nagpalaboy-laboy na lamang siya dala-dala ang kaniyang kariton. Kung saan abutan ng gabi ay doon na siya natutulog. Pero simula noong nagkaroon ito ng mga alagang hayop ay nag-pirme na ito sa ilalim ng tulay at itinuring na nito iyong tahanan.
Hindi niya lubos na kilala si Mang Pedro, pero ramdam niyang isa itong mabuting tao, dahil kaya nitong mahalin ang mga hayop at mukhang gano’n rin ang mga alaga nito sa kaniya.
Alam ni Jenny na hindi pa iyon ang una at huling beses na magkikita sila ni Mang Pedro, hindi siya mayaman, pero alam niyang may kakayahan siya upang tulungan ang matandang lalaki at iyon ang kaniyang gagawin upang hindi na ulit ito manlimos sa mga taong nandidiri sa mga kagaya nito.