Matagal na Panahon Siyang Nanabik sa Ama, Ngayong Kasama Niya na Ito’y Akala Niya’y Kumpleto na Siya; Bakit Pinapalayas Siya Nito?

Matagal na Panahon Siyang Nanabik sa Ama, Ngayong Kasama Niya na Ito’y Akala Niya’y Kumpleto na Siya; Bakit Pinapalayas Siya Nito?

FamilyHeartbreakingStories

“Ayokong umalis papa,” umiiyak na wika ni Kim. “Pakiusap, hayaan niyo akong tumira sa poder niyo. Hindi ko alam kung saan ako pupunta kapag pinalayas niyo ako,” dugtong niya.

Mula noong pumanaw ang kaniyang inang si Loren ay hinanap niya ang amang matagal na hindi nakilala at nakasama. Lumang litrato lamang ang hawak niya na may nakasulat sa likurang bahagi ng address nito na hindi siya sigurado kung naroroon pa ba ito.

Kaya noong nalaman niyang naroon pa rin ang ama sa address na nakasulat sa lumang litrato’y labis ang kaniyang pasasalamat. Isang gulat na gulat na reaksyon naman ang natanggap niya nang magpakilala siyang anak nito, hindi kasi nito alam na nagkaroon ito ng anak sa nanay niya.

Dahil sa mga dala-dalang patunay na anak siya nito’y napilitan itong tanggapin siya kasama ang kaniyang anak. Labing-apat na taon pa lang siya’y nabuntis na siya’t nagka-anak sa nobyong iniwan rin siya matapos malamang nagdadalantao siya sa anak nila.

Kaya nga sinikap niyang hanapin ang ama, dahil wala na siyang ibang matatakbuhan kung ‘di ito na lang. Ang kaso’y nagalit ito sa kakulitan ng kaniyang anak, kaya pinapalayas sila nito. Hindi kasi ito sanay sa maingay na kapaligiran dahil nasanay itong mamuhay na mag-isa.

“Huwag mo akong tawaging papa, dahil hindi pa ako nakakasigurong ako nga ang ama mo,” anito.

Parang may matalim na bagay ang humiwa sa puso niya dahil sa sinabi nito. Isang buwan na sila halos magkasama, tapos hindi pa rin pala ito sigurado na anak siya nito.

“Pero kayo po talaga ang ama ko,” humihikbi niyang wika. “At apo niyo po ang anak ko.”

“Kapag lumabas na ang resulta ng DNA test, saka lang ako maniniwalang magkadugo tayo,” anito.

“Kahit wala pa ang resulta ng DNA, ako alam ko… ramdam ko na kayo talaga ang ama ko at naniniwala ako sa lukso ng dugo. Akala ko naramdaman mo rin iyon sa’min, ‘pa—.” Hindi niya kayang tapusin ang salitang papa.

“Pero tama nga yata si mama na hindi ka pa handang magkaroon ng pamilya kaya mas pinili na lang niyang lumayo at itago ako, dahil natatakot siyang baka palayasin mo lang rin gaya ng ginagawa mo sa’min ngayon. Anak mo ako, papa, bakit mo ako itinataboy nang ganito?” aniya.

Pilit pinipigilan ang luhang kanina pang nag-uunahan sa pag-agos.

“Ano bang gusto mong gawin ko para lang umalis kayo ng anak mo sa buhay ko? Gusto mo ba ng bahay? Sige ibibili kita ng bahay. Ano pa, gusto mo ba ng sasakyan? Sige ibibili kita… dadagdagan ko pa ng pera para may panggastos kayo. Ang pakiusap ko lang ay umalis na kayo at lumayo sa’kin!” anito.

Mas lalong nawasak ang puso ni Kim dahil sa sinabi nito. Ito ba ang akala ng papa niya kaya niya ito hinanap? Akala ba nito’y nais niya itong huthutan?

“Iyon ba ang akala mo kaya ko kayo hinanap? Hindi mo ba naisip na kailangan ko ng ama kaya hinanap kita? Anak mo ako, hindi ba pwedeng iyon ang isipin mong dahilan kaya ako nandito ngayon? Hindi dahil sa mga materyal na bagay na iyan,” tumatangis niyang wika.

“Hinanap mo ako dahil walang bubuhay sa’yo at sa anak mo, iyon naman ang totoo, ‘di ba?” nang-uuyam nitong wika.

“Simula pagkabata, hindi ko kilala kung sino ang totoo kong ama, kinaiinggitan ko ang lahat ng kaibigan at kaklase ko kasi buti pa sila may tinatawag na papa, samantalang ako’y wala. Kaya sobrang saya ko noong nahanap kita, dahil sa wakas… may tatawagin na akong papa. Pero salungat sa naramdaman kong saya ay hindi ka pala masaya na makilala ako,” umiiyak niyang wika.

“Kasi ang iniisip mo, nandito ako dahil huhuthutan kita ng pera, na nandito ako dahil walang magpapakain sa’min. Iniisip mo na nandito kami ng anak ko dahil wala kaming ibang matatakbuhan,” aniya.

Kinuha ang maleta at ang anak. “Salamat sa pagpapatuloy sa’min ng anak ko,” aniya.

Hila-hila ang umiiyak niyang anak ay lumabas sila ng bahay at umalis na nang tuluyan sa poder ng kaniyang ama. Bahala na kung saan sila pupunta ngayon ng anak niya, kaya niyang buhayin ang anak kahit wala ang tulong ng ama.

Makalipas ang dalawang linggo ay nagkaroon ng hindi inaasahang bisita si Kim, ang kaniyang ama. Anong masamang hangin ang nagdala nito sa kaniya?

“Bumalik na kayo ng anak mo sa bahay, Kim,” anito.

“Hindi na po kailangan, kaya naman po naming mabuhay ng anak ko kahit wala ang tulong niyo,” aniya.

Tumingin ito nang deretso sa mga mata niya at tila nakikiusap saka malalim na bumuntong hininga.

“Patawarin mo ako sa lahat ng nasabi ko, Kim,” anito. “Ang totoo’y pinagsisihan ko ang nangyaring sagutan natin. Nandito ako upang pabalikin kayo sa poder ko, pasensya ka na kung mainit ang ulo ko noong araw na iyon at sa inyo ko naibaling. Pero mahal ko kayo ng apo ko, anak, at kahit wala pa ang resulta ng DNA ay alam kong anak kita at apo ko ang anak mo. Sadyang duwag lang talaga ako, Kim. Hindi ko alam kung paanong mabuhay na may kasama dahil masyado akong nasanay na mag-isa,” mangiyak-ngiyak na wika ng kaniyang ama.

“Naiintindihan ko ang mama mo kung bakit mas pinili niyang lumayo kaysa sabihin sa’kin na nagdadalantao siya dahil duwag ako, Kim. Duwag ang papa mo, at ikaw mismo, nasaksihan mo iyon,” umiiyak na nitong paliwanag sa kaniya.

“Kahit duwag ka, papa pa rin naman kita. Kaya ano’ng pakialam ko kung anong klaseng tao ka? Wala namang ibang mas mahalaga sa’kin kung ‘di ikaw mismo,” ani Kim, saka niyakap ang ama.

Kahit ano pa ang mangyari sa pagitan nila’y handa siyang patawarin nang paulit-ulit ang papa niya, dahil wala namang ibang mas mahalaga sa kaniya kung ‘di ang makasama ito.

Simula sa araw na nagdesisyon siyang bumalik ulit sa poder ng kaniyang ama ay naging maayos na ang samahan nila. Sa tagal ng panahong hindi niya ito nakilala at nakasama, nabawi at napunan naman nito ang mga lumipas na mga taong iyon ngayon. Hindi lang siya ang inalagaan at minahal nito kung ‘di pati na ang kaniyang anak na apo nito.

More Stories