
Madalas Makipag-Inuman ang Dalaga Kahit Ayaw ng Ina; Nabisto Siya Nito Dahil sa Kaniyang Bunsong Kapatid
Walang araw na hindi pinaaalalahanan ng kaniyang ina ang dalagang si Aymie na huwag na huwag makikipag-inuman kung kanino man. Lalo na’t siya ay mag-isang nangungupahan ng isang silid kalapit ng unibersidad na kaniyang pinapasukan.
Nag-aalala ang ina niya na baka kapag siya’y nalasing habang nakikipag-inuman sa mga kalalakihan, siya’y mapagsamantalahan ng mga ito.
Hindi maaaring lilipas ang isang araw nang hindi siya nito tinatawagan upang pagsabihan tungkol dito na madalas, labis na niyang ikinaiinis.
Kahit pa halos malunod na siya sa paalala ng ina, nagagawa niya pa rin itong suwayin at makipag-inuman sa kaniyang mga kaklase, mapababae man o lalaki. Katwiran niya, “Hindi naman niya malalamang nag-iinom ako, eh, basta huwag lang ako madidisgrasya na imposibleng mangyari dahil mababait naman ang mga kaklase ko.”
Sa katunayan, sa loob ng isang linggo, nakakatatlo hanggang limang beses siyang nakikipag-inuman sa kaniyang mga kaklase. Lalo pa tuwing marami silang ginagawang aktibidad sa paaralan. Ginagawa nila ito upang maibsan daw ang hirap at stress na kanilang nararanasan.
Dagdagan pa rito, hindi lang sila sa bahay nag-iinuman, madalas, nagpupunta pa sila kung saan-saang bar para mag-inom kasama ang iba’t ibang taong hindi naman nila kakilala.
Pakiramdam niya nga, hindi na dugo kundi alak na ang dumadaloy sa kaniyang katawan dahil isang araw lang na mapahinga siya rito, hinahanap-hanap na ng kaniyang katawan ang init na dulot nito.
Ito ang dahilan para siya’y bumili ng sarili niyang alak na kaniyang iniinom mag-isa sa tuwing wala silang usapan ng kaniyang mga kaklase.
“Bakit ba kasi ang hihina ng katawan nila? Kinakailangan pang magpahinga ng isang araw bago uminom ulit? Nakakainis naman, wala tuloy akong kasamang mag-inom ngayon! Nakakaburyo rito sa dorm!” sigaw niya saka tinungga ang alak na nasa kaniyang tumbler.
Ngunit mayamaya lang, narinig niyang may kumakatok sa kaniyang pintuan dahilan para agad na magliwanag ang kaniyang mga mata.
“Sabi na, eh, hindi niyo rin matitiis na hindi mag-inom!” natataranta niyang sabi saka agad na binuksan ang pintuan, “O, mama, ano pong ginagawa niyo rito?” gulat niyang tanong matapos makitang ang ina niya pala ang kumakatok kasama ang kaniyang bunsong kapatid na lalaki na nasa anim na taong gulang lamang.
“May nabalitaan akong masama, eh. Nagba-bar ka raw dito sa Maynila,” agad na sambit nito saka pumasok sa kaniyang silid na labis niyang ikinakaba.
“Kalokohan naman ‘yan, mama! Saan mo naman po nakuha ang balitang ‘yan, mama?” kinakabahan niyang sabi habang iniinis ang kaniyang mga gamit.
Pasimple niya na ring tinago sa ilalim ng kama niya ang bote ng mga alak na kaniyang binili.
“Sa tito mo! Nakita ka raw niyang nakikipagsayawan sa lalaki sa isang bar habang umiinom ng alak!” sermon nito saka siya sinabunutan.
“Diyos ko, mama! Sa dami ng ginagawa namin sa school, imposible pong makapag-bar pa ako!” pagsisinungaling niya pa.
“Siguraduhin mo lang na totoo ‘yang sinasabi mo dahil kapag nalaman kong nainom ka ng alak kahit dito sa dorm mo, papauwiin na kita sa atin!” sermon nito sa kaniya na ikinailing niya.
“Ate, ang sarap naman ng juice mo, lasang apple! Naubos ko na tuloy!” sabat ng kaniyang kapatid, hawak-hawak nito ang tumbler niya may alak dahilan para siya’y labis na mataranta, “Kaso, biglang naikot ‘yong kwarto mo,” dagdag pa nito saka agad na bumagsak sa sahig.
“Sinasabi ko na nga ba, Aymie! Sinong hindi nag-iinom? Mag-empake ka na, uuwi na tayo bago pa may hindi magandang mangyari sa’yo!” sigaw ng kaniyang ina na talaga nga namang ikinabuntong-hininga niya.
Dahil nga siya’y nabisto na, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang sumunod na lang sa ina niyang galit na galit sa kaniya.
Pinalipat na rin siya ng paaralan nito na labis niyang ikinalungkot.
“Sana pala sumunod na lang ako sa gusto ni mama noon pa man. Para naman sa ikabubuti ko ‘yon, eh. Ngayon tuloy, makikisama ulit ako sa ibang estudyante sa bagong unibersidad na pag-aaralan ko!” pagsisisi niya, isang araw bago siya pumasok sa bago niyang papasukang paaralan.
Kahit na may lungkot na nararamdaman, tinuon niya ang atensyon sa pag-aaral upang bahagyang makalimot. Bahagya naman siyang natuwa dahil ilang linggo lang ang lumipas, may mga bago na siyang kaibigang natagpuan na hindi masama ang impluwensya sa kaniya na talagang ikinatuwa ng kaniyang ina.