Kinaiinisan ng Dalaga ang Antipatikong Kapitbahay Dahil sa Nang-Uuyam Nitong Ngiti; May Pag-Asa pa Kaya Silang Magkasundo?

Kinaiinisan ng Dalaga ang Antipatikong Kapitbahay Dahil sa Nang-Uuyam Nitong Ngiti; May Pag-Asa pa Kaya Silang Magkasundo?

FunLoveStories

Inis na lumabas ng bahay si Marga upang sitahin ang maingay na kapitbahay na si Marcos. Anong oras na? Hindi man lang ba alam ng mga itong nakakabulabog na sila ng tao dahil sa ingay na ginagawa nila?

“Mawalang galang na po ano,” bungad ni Marga, pagkabukas ng pintuan ni Marcos. “Baka hindi mo pa nakikita ang orasan mo, kaya ako na ang magsasabi sa’yong ala-una na ng madaling araw. Nakakahiya naman sa mga kapitbahay natin ang ingay niyo,” dugtong niya.

Malumanay lang naman ang tono ng kaniyang boses at hindi halatang sobra na siyang nagagalit. May laman nga lang ang kaniyang bawat salita, kaya kung may isip ito… maiintindihan nito ang ipinapahiwatig niya. Pero kung wala—

“Ah, gano’n ba? Nagpaalam naman ako kay Ate Vicky na baka abutin kami ng alas-tres, kaya pagpasensyahan na muna kung medyo maingay. Pumayag naman siya at sinabing ayos lang, basta isarado ang pintuan para hindi gano’n karinig ng mga kapitbahay,” ani Marcos.

Nakaukit sa mukha ang ngiting nang-uuyam.

“Pero bilib din ako sa talas ng pandinig mo, Marga, kasi kahit nakasarado na ang pintuan ko, naririnig mo pa rin ang ingay namin dito,” anito.

May ibang ibig sabihin ang tingin at ngiti.

“Matalas talaga ang tainga ko, Marcos! Mas matalas pa sa utak mong kinakalawang!” inis niyang sambit. “Magpakasaya kayo, kahit naiistorbo kami at hindi makatulog sa ingay niyo. Nakakahiya naman kasi sa inyo,” aniya.

Hindi na niya hinintay ang sagot ng lalaki. Ura-urada na siyang tumalikod at nagmartsa pabalik sa bahay niya. Nakakainis talaga ang lalaki, kahit anong gawin nito’y kinaiinisan niya.

Makasalubong niya lang ito’y nawawala na ang sigla ng araw niya. Naiinis kasi siya sa nang-uuyam nitong ngiti at sa mayabang nitong lakad.  Gwapong-gwapo sa sarili, iyon ang bansag niya rito. Akala mo kasi artistahin kung mag-feeling!

“Uuwi ka na, Marga?” ani Naih, ang kasamahan niya sa trabaho.

“Oo e, ikaw saan pa ang rampa mo?” tanong ni Marga.

“Uuwi na rin ako. Sa isang linggo pa ang sahuran, kaya tipid-tipid na muna tayo,” anito.

Nang matapos ligpitin ang mga gamit ay nagpaalam na rin siya sa babae upang makauwi na’t makapagpahinga. Nakakapagod ang araw na ito at mukhang kailangan na ng kaniyang likod ang kama.

Nasa gate pa lang siya ng mismong inuupahan niya’y sinalubong na siya ni Vivian, na natataranta at hinihingal na para bang galing sa marathon o ano.

“Marga, baka pwede mong kausapin si Marcos,” hingal nitong wika.

“Ano?” salubong ang kilay niyang sambit.

“Kahapon pa kasi nakasara ang pintuan niya at hindi namin kayang buksan. Nandoon lang siya sa loob at hanggang ngayon ay hindi pa lumalabas, kahapon pa siya walang kain at baka kung ano na ang mangyari sa kaniya,” anito.

Ano naman ang paki niya? Sigaw ng kaniyang isipan, ngunit salungat no’n ang lumabas sa kaniyang bibig.

“Bakit, ano ba ang nangyari?” tanong niya.

Ipinaliwanag ni Vivian ang nangyari kay Marcos. Sinabi nitong noong isang araw pa malungkot ang lalaki, dahil sa pakikipaghiwalay ng nobya. Kaya nga ito inom nang inom dahil hindi nito matanggap ang sitwasyon, lumala nga lang noong nakita nitong may bago na agad ang nobya nito.

“Sa tingin mo ano ang gagawin niya sa loob ng kaniyang silid na mag-isa? Walang kain at ayaw lumabas,” ani Vivian.

Kung siya naman ang tatanungin, sa totoo lang ay wala naman talaga siyang pakialam. Pero sa ganitong sitwasyon… nilingon niya ang mga boarders na parehong nakikiusap sa kaniya na kausapin si Marcos ay alam niyang wala siyang magagawa kung ‘di kausapin ang lalaki.

“Marcos,” tawag niya sa lalaki.

Nakailang katok rin siya bago nito binuksan ang pinto. At tama nga ang mga kapitbahay niya, dahil ang kaharap niyang Marcos ay malayo sa Marcos na kinaiinisan niya.

“Ano bang nangyari sa’yo? Bakit gan’yan ang drama mo?” Hindi niya maiwasang mainis lalo sa lalaki.

Kumpara sa Marcos na kaharap niya ngayon ay mas gugustuhin niyang makita ang antipatikong Marcos na kaniyang kinaiinisan. Malalim at nangingitim ang mata nito, magulo ang buhok, at amoy alak. Kaunting-kaunti na lang at magmumukha na itong palaboy.

“Sa babae lang, nagkakagan’yan ka?! Bumangon ka d’yan at kakain tayo,” aniya.

Umangal pa ito no’ng una ngunit wala ring magawa sa huli dahil sa kakulitan niya. Sa panahong lugmok si Marcos ay nariyan si Marga upang kulitin ito at pagalitan. Sa ganoong paraan ay dahan-dahang naka-move on si Marcos sa dati nitong kasintahan.

Hindi lubos akalain ni Marga na ang kinaiinisan niyang si Marcos ay magiging kaibigan niya rin pala sa huli. Hindi niya namamalayan na unti-unting naghuhulog ang loob niya sa lalaki, dahil na rin sa mga kabutihang nakita niyang taglay nito.

Kaya noong nanligaw sa kaniya ang lalaki ay hindi na siya nagdalawang-isip na sagutin ito. Ngayong opisyal na silang magkasintahan ay mas napatunayan niyang nagkamali siya noon sa pagkakakilala sa lalaki.

“Tama nga siguro talaga ang kasabihang the more you hate, the more you love

Natatawa na lamang sa sarili.

“Alam ko naman noon na may gusto ka na talaga sa’kin, pakipot ka lang talaga,” tudyo ni Marcos.

“Kapal ah! Wala akong gusto sa’yo noon, feeling mo lang iyon!” aniya saka tumawa na lamang.

Kahit ano namang sabihin niyang pagdepensa sa sarili’y wala rin namang patutunguhan dahil magkasintahan na sila ngayon. Siguro nga’y noon pa man ay may pagtatangi na siya para sa lalaki, hindi nga lang niya binibigyang pansin dahil natatabunan iyon ng inis.

Sadyang mahiwaga ang pag-ibig dahil kaya nitong pagbatiin ang dalawang taong mortal na magkaaway.

More Stories