Inday TrendingInday Trending
Habang Tinitingnan ng Dalaga ang Simple at Mabait na Amo ay may Napagtanto Siya; Hindi Dahil sa Sahod Kaya Siya Nagtagal Bilang Empleyado Nito

Habang Tinitingnan ng Dalaga ang Simple at Mabait na Amo ay may Napagtanto Siya; Hindi Dahil sa Sahod Kaya Siya Nagtagal Bilang Empleyado Nito

“Darra, halika kain muna tayo nitong kwek-kwek,” nakangiting aya ni Tanya sa sekretaryang si Darra. “Pumili ka d’yan ng gusto mo at ako na ang bahalang magbayad. Basta kumain ka lang nang kumain,” dugtong pa nito.

Hindi alintana ni Tanya kung ano ang mayroon sa paligid nito, dahil masyado itong masaya sa nakikitang mga pagkain sa harapan. Wala itong pakialam kung naaalikabukan ba ng mga dumadaang sasakyan ang kakainin at mas lalong wala itong pakialam sa mga taong kasabay na kumakain. Para itong batang sabik sa pagkaing nakahain sa harapan.

“Darra, nakapagpaluto ka na ba?” tanong nito mayamaya matapos makapili ng kakainin.

“Pipili pa lang po, Miss Tanya,” ani Darra.

Naiilang na lumingon-lingon si Darra sa paligid, habang pasimpleng tinitingnan ang among tuwang-tuwa sa pinapalutong pagkain. Nasa isang turo-turo sila ngayon na hindi sinasadyang madaanan nila papunta sanang City Hall dahil may aasikasuhin ang among si Tanya tungkol sa bagong negosyong nais nitong ipatayo.

Hindi niya inaasahang ipapahinto ni Miss Tanya ang pagmamaneho ni Mang Jose, para lang lumabas ng sasakyan upang kumain saglit sa ganitong klaseng kainan. Maalikabok at maraming taong nagsisiksikan makapili lang ng makakain.

Dahil mura lang naman ang bilihing iyon kaya blockbuster ito sa mga taong tama lang ang budget sa bulsa at wala sa itsura ni Miss Tanya ang pagkahilig sa ganitong klaseng lugar. Para sa kaniya’y nababagay ang ganda at kinis ng amo sa mamahalin at disenteng restawran.

“Darra, pinalutuan ko na rin si Mang Jose, para makakain din siya nito,” ani Miss Tanya saka nginata ang pagkaing naluto na pala.

Nang matapos silang kumain at mabusog ay pumasok na ulit sila sa kotse at tuwang-tuwa ang amo habang panay ang himas sa tiyan nitong bahagyang umumbok sa kabusugan.

“Tingnan mo, Darra, lumaki bigla ang tiyan ko.” Tuwang-tuwa nitong wika habang pinipisil ang maliit na bilbil.

“Nabusog ba kayo, Miss Tanya?” tanong ni Darra.

Masaya siyang nakikitang masayas ang mabait na amo. Parang buong buhay niya’y wala na siyang ginawa kung ‘di ang humanga rito.

“Sobra,” sagot nito. “Mang Jose, balik tayo dito bukas ah, kung gusto mo sa ibang kainan naman tayo iyong pang-masa, libre ko ulit kayo ni Darra,” masayang wika ni Miss Tanya.

Isang tipid na tawa lamang ang isinagot ng drayber na kagaya nila’y busog na busog na rin sa ibinigay ni Miss Tanya.

“Sa totoo lang, namiss kong kumain sa gan’yang klaseng kainan,” anito. “Alam mo ba, Darra, noong highschool ako kwek-kwek lang ang pinakain sa’kin ng mama ko bilang selebrasyon dahil sa wakas ay graduate na ako ng sekondarya,” masayang gunita ni Tanya sa alaalang animo’y tubig na dumaloy sa isipan.

“‘Yong mga kaklase ko, may handang letson sa lamesa, o ‘di naman kaya’y bongga talaga nilang ginaganap ang graduation nila noon. Ang alam kong simpleng handaan ay iyong sa bestfriend ko, binilhan siya ng mama niya ng ice cream, saka isang buong letson manok at nilutuan ng pansit,” ani Tanya, saka bahagyang ngumiti sa alaala.

“Pagkatapos ng graduation, pauwi na kami nang madaanan namin ang kagaya niyan.” Turo nito sa kinainan kanina. “Sabi ng mama ko sa’kin noon, may bente pesos lang daw siya sa bulsa, kaya humingi siya ng pasensya sa’kin kasi ‘di niya ako mabilhan ng masarap na pagkain. Kung ayos lang daw sa’kin ay bibilhan na lang niya ako ng isang kwek-kwek at paresan ko na lang ng tiglilimang pisong palamig,” ani Tanya.

Nababanaag sa mga mata nito ang luhang nais mag-unahang lumabas dahil sa alaalang iyon.

“S’yempre wala naman akong magagawa, alangan naman pilitin ko ang nanay ko, ‘di ba? Kaya sumang-ayon ako sa pakiusap niya, at iyon lang ang naging handa para sa graduation ko. Pero alam mo, Darra, ang saya ko noon kasi pinakain ako ni mama ng kwek-kwek, madalas kasi fishball lang ang binibili niya noon sa’kin, kaya noong pinakain niya ako ng kwek-kwek, parang ang laking bagay na para sa’kin,” nakangiting kwento ni Tanya.

Matamis na ngumiti si Darra. “Pero tingnan mo naman ngayon Miss Tanya, kaya mo nang bumili ngayon ng mas maraming kwek-kwek kung gugustuhin mo,” aniya.

Lumingon si Tanya sa gawi niya saka matamis na ngumiti. “Oo, at ngayong mas malayo na kami sa dati naming buhay ay mas masarap pa rin talagang balik-balikan ang alaalang iyon.”

Marahang tumango si Darra habang matamang tinitigan ang among babae. Limang taon na niyang pinagsisilbihan si Tanya, at hanggang ngayon ay labis pa rin talaga ang pagkabilib niya sa babae dahil nanatili pa rin sa lupa ang mga paa nito at hindi man lang nagbago ng kaunti para sa mga kagaya niyang trabahante nito.

Minsan ay napapagalitan sila ni Miss Tanya, lalo na kapag usapang trabaho. Pero kapag usaping pera at pangangailangan ay kay dali nitong lapitan. Ang palaging sinasabi nito’y pinagdaanan nito ang hirap na nararanasan nila kaya alam nito kung ano ang pakiramdam, at wala ito sa posisyon na hindi sila unawain.

Kaya nga siguro siya tumagal sa poder ng amo dahil napakabuti ng puso nito para sa mga kagaya nila. Kahit gaano pa kalaki ang sinasahod ng isang trabahante, kung hindi marunong makisama ang amo ay mas pipiliin nilang umalis at maghanap ng among mas naiintindihan ang pangangailangan nila.

Ibig sabihin, hindi sa sahod nakasalalay ang pagtagal ng mga empleyado sa trabaho, kung ‘di nasa kung paano sila tratuhin at pahalagahan nito.

Advertisement