
Ikinagulat ng Lahat ang Biglaang Pagpapakasal ng Binata sa Dalagang Hindi Nito Gusto; May Malalim Palang Dahilan ang Kasalang Iyon
“Bobby, sigurado ka ba talaga sa desisyon mong ito? Pakakasalan mo si Sabel?” usisa ni Mang Berting sa anak na ngayon ay bihis na bihis na sa damit nitong pangkasal.
“Nandito na ito, ‘pa,” anito. Bahagyang ngumiti, pero ngiting hindi man lang umabot sa mga mata. “Wala na ho itong atrasan.”
Hindi man sabihin ni Bobby ay ramdam ng kaniyang ama na may itinatagong dahilan ang anak sa biglaang pagpapakasal nito kay Sabel, kung ano man ang dahilang iyon ay hindi niya pa alam sa ngayon.
Nilapitan niya ang anak saka marahang tinapik sa likuran.
“Sana hindi mo pagsisihan ang naging desisyon mo, anak,” ani Mang Berting.
Pigilan man niya si Bobby ay mukhang malabo na iyong mangyari. Handa na ang lahat at nakatay na ang iilang hayop para sa handa nito. Kaya wala na siyang dapat pang gawin kung ‘di ang suportahan ang pagpapakasal ng anak.
“Para po sa ikabubuti ng lahat ang gagawin ko, ‘pa,” ani Bobby.
Hindi na sumagot pa si Berting, tinitigan na lamang niya ang malungkot na awra ni Bobby saka marahang tumango. Malaki na ang anak niya at may sarili na itong pag-iisip at kaya na nitong magdesisyon sa buhay.
Habang ginaganap ang kasalang Bobby at Sabel ay panay ang usap nina Teri, Candy, at Mabel sa kung ano nga ba ang totoong nangyari at nagpakasal si Bobby kay Sabel, na kung tutuusin ay alam naman ng lahat na hindi gusto ng binata ang dalaga.
“Malay niyo naman mga mars, nagbago ang ihip ng hangin. Ang dating inaayawan ngayon ay minahal na niya, kaya naisip niyang pakasalan,” ani Candy.
“Hindi ako naniniwala sa gan’yan, mars,” ismid ni Teri. “Ramdam ko talagang may malalim na dahilan si Bobby kaya niya pinakasalan si Sabel,” dugtong pa nito.
“May nakarating sa’kin na balita, kaya raw nagpakasal si Bobby kay Sabel dahil sa malaking perang inialok ng pamilya ni Sabel kay Bobby pakasalan lang nito ang anak nilang dalaga,” ani Mabel. “Pero hindi naman ako naniniwala sa tsismis na iyon. Alam kong hindi ganoong klaseng lalaki si Bobby, may paninindigan ang batang iyan. Kaya nga nakakapagtaka kung bakit bigla-bigla na lang ang kasalang ito.”
Nagkatinginan si Candy at Teri sa dahil sa tsismis na sinabi ni Mabel, saka sabay na humalikupkop at kunwa’y nag-isip nang malalim.
“Pero hindi imposible ang bagay na iyon,” sabay pang sambit ni Teri at Candy.
Isang malisyosang irap lamang ang ibinigay ni Mabel sa dalawa. Kung ano man ang dahilan ni Bobby ay labas na sila sa bagay na iyon. Ang mahalaga ay imbitado sila sa kasal ng dalawa at kahit labis man silang nagtataka’y naroon sila upang suportahan ang relasyon nila.
Sa reception ng kasal ay masaya ang lahat habang panay ang sabit ng pera sa bride at groom na nagsasayaw sa gitna ng bulwagan. Kahit alam ng lahat na biglaan at mukhang disgusto si Bobby sa nagaganap na kasal ay walang ni isa man ang gumawa ng eksena upang hindi maging masaya ang kasalang iyon.
Makalipas ang dalawang buwan mula noong kasal nina Bobby at Sabel ay nagulantang naman ang lahat sa biglaang pagkam*tay ni Sabel. Imposibleng mangyari ang bagay na iyon dahil malusog at walang palatandaan na malapit nang mawala ang babae dahil maayos naman ang itsura nito at mukhang malusog.
Hindi maiwasang isipin ng lahat na si Bobby ang may kagagawan sa pagkawala ng asawa dahil una pa lang ay ayaw naman talaga nito sa babae. Sa mata ng nakararami ay si Bobby ang naging suspek sa maagang pagkawala ng asawa nitong si Sabel.
Huling lamay na at ilang oras na lang ay ihahatid na sa huling himlayan si Sabel. Nasa simbahan ang buong pamilya nito pati na ang pamilya ni Bobby upang makiramay sa pagkawala ng babae. Nagsasalita ang ama nito tungkol sa magandang alaala nito sa anak, habang panay ang hagulhol ng iyak.
“Bago ko tatapusin ang salitang ito’y nais kong magpasalamat sa manugang kong si Bobby,” anang ama ni Sabel at bahagyang tumingin sa gawi ng lalaki. “Maraming salamat dahil sa huling sandali ni Sabel sa mundo’y inalagaan mo siya’t minahal. Pinaramdam mo sa kaniya na kamahal-mahal siya at kailangan niyang labanan ang kaniyang sakit,” anito. Hindi magawang dumeretso ng pagsasalita dahil sa emosyong lumulukob sa puso nito.
“Kahit ayaw ni Sabel na pakasalan mo siya dahil alam niyang balang araw ay iiwan ka rin niya, pero ang sabi mo, pakakasal kayo at pinatunayan mo sa anak ko kung gaano mo siya kamahal, kaya maraming-maraming salamat, Bobby,” anito. Iyak pa rin ito nang iyak.
Hindi na rin napigilan ni Bobby ang paghagulhol sa alaalang animo’y recorded tape na paulit-ulit naglalaro sa kaniyang isipan.
Akala ng marami ay hindi niya mahal si Sabel, lingid sa kaalaman ng lahat ay siya ang mas nagmamahal sa babae kaysa sa pagmamahal na nakikita ng lahat sa kanila. Tulak ng bibig, kabig ng dibdib. Ilang beses niyang sinabi na hindi niya gusto si Sabel, pero sa tuwing hindi niya ito nakikita’y hindi kumpleto ang araw niya.
Nang malaman niyang may malubhang sakit ang nobya ay nagdesisyon agad siyang pakasalan ito na palagi naman nitong tinatanggihan. Ayaw nitong matali siya sa kaniya dahil alam nito na balang araw ay iiwanan din siya nito.
Kaya noong sa wakas ay pumayag itong magpakasal sila’y nagaroon sila ng kasunduan na irerehistro lang nila sa City Hall ang kanilang kasal kapag napagtagumpayan niya ang malubhang sakit. Ang kaso’y hindi na nagawa ni Sabel na labanan ang sakit nito, kaya hindi na nila nagawang ipa-rehistro ang kasal nila.
Pero wala siyang pakialam sa bagay na iyon… dahil sa ngayon ang mahalaga’y ikinasal siya sa babaeng kaniyang pinakamamahal.
“Kung saan man naroroon ngayon si Sabel, alam kong wala siyang ibang hinihiling kung ‘di ang maging maligaya ka, Bobby, kahit wala na siya. Dahil alam kong mahal na mahal ka ng anak ko,” anang ama ni Sabel saka tinapos ang pagsasalita.
Doon nalaman ng lahat na mali pala ang akala nila. Kahit ang pamilya ni Bobby ay hindi makapaniwala sa rebelasyong kanilang natuklasan. Mahal pala talaga ni Bobby si Sabel, kaya nito pinakasalan ang babae, kahit na alam nitong balang-araw ay iiwanan din siya nito.

Dalawang Dekada ang Lumipas Saka Nagkaroon ng Lakas ng Loob ang Ginang na Harapin ang Taong may Sala sa Kaniya; Tuluyan na Kaya Niya Itong Mapatawad?
