Dalawang Dekada ang Lumipas Saka Nagkaroon ng Lakas ng Loob ang Ginang na Harapin ang Taong may Sala sa Kaniya; Tuluyan na Kaya Niya Itong Mapatawad?

Dalawang Dekada ang Lumipas Saka Nagkaroon ng Lakas ng Loob ang Ginang na Harapin ang Taong may Sala sa Kaniya; Tuluyan na Kaya Niya Itong Mapatawad?

Stories

“Sigurado ka ba sa desisyon mo, Alma?” naguguluhang tanong ni Albert, ang kaniyang asawa. “Kaya mo na bang harapin ang taong gumawa ng kasalanan sa anak natin?”

Nilingon niya ito dahil gusto niyang sagutin ang tinatanong nito, ngunit hindi niya makuhang ibuka ang bibig upang sambitin ang mga salitang nais sabihin. Ang totoo’y hindi pa rin siya sigurado kung kaya na nga ba niyang makita at patawarin ang taong naging dahilan ng pagkawala ng anak nila.

“Ang totoo’y matagal na panahon na rin naman ang lumipas upang isipin kong sapat na ang mga taong iyon upang pagdusahin ko ang sarili at kasuklaman siya,” aniya.

Nagtanggal ng bara sa lalamunan saka muling nagsalita.

“Hindi ko alam kung kaya ko bang maging pormal kapag nagkaharap kami, o ano ang magiging reaksyon ko. Pero iisa lang ang sigurado ko sa ngayon, Albert… gusto ko siyang makita at gusto ko siyang tanungin kung bakit niya iyon nagawa sa anak natin,” dugtong niya.

Pilit pinipigilan ang luhang nais nang mag-unahan sa pagtulo. Ilang dekada na ang nakakalipas, pero pakiramdam niya’y tila kahapon lamang nangyari ang lahat. Nasasaktan pa rin siya at nadudurog pa rin ang puso niya sa tuwing naiisip ang anak.

“Carlito Rodelas, may dalaw ka,” anang bantay sa presong si Carlito.

“Talaga po ba? Sa wakas dinalaw na ulit ako ng pamilya ko,” masayang sambit ni Carlito.

Sabik na inayos ang sarili at hinanda ang sariling lumabas sa visiting area. Nang sa kaniyang paglabas ay labis ang kaniyang pagkabigla nang makita si Alma, ang dati niyang amo. Agad na lumukob sa puso niya ang labis na pagsisisi, pagkaawa sa mabait na ginang at gusto niyang humagulhol ng iyak habang nakaluhod sa harapan nito.

Ang laki ng kasalanan niya kay Ma’am Alma at kulang pang kabayaran ang buhay niya para patawarin siya nito.

“M-ma’am A-alma,” nauutal niyang sambit.

Hindi niya alam kung ano ang nararapat niyang sabihin sa babae. Napakalaki ng nagawa niyang kasalanan dito dahilan upang wala na siyang mukhang maihaharap pa sa babae.

“Kumusta ka na?” ani Alma.

Hindi napigilan ang paghagulhol ng iyak nang makita ang dating katiwala na si Carlito. Ang laki na pala ng itinanda ng mukha nito. Noong huli niya itong nakita’y binatang-binata pa, pero ngayon ay matanda na ang mukha ng lalaki.

“Patawarin niyo po ako sa kasalanan ko, ma’am,” umiiyak na wika ni Carlito, sabay luhod. “Wala ako sa tamang pag-iisip nang gawin ko ang bagay na iyon kay Amy, aminado akong lulong ako noon sa ipinagbabawal na gamot. Kung maibabalik ko lang ang panahon ma’am, hinding-hindi ko iyon gagawin sa anak niyo,” tumatangis na paliwanag nito.

“Alam kong kulang pang kabayaran ang buhay ko sa sakit na naidulot ko sa inyo,” dugtong ni Carlito.

Humahagulhol na ito ng iyak. Matagal na panahon niyang itinago sa puso ang labis na pagsisisi sa ginawa. Walang siyang dapat sisihin kung ‘di ang sarili lang niya. Nagpadala siya sa bawal na gamot kaya nagawa niya ang karumaldumal na bagay na iyon. Nasaktan niya ang isang napakabuting amo. Dalawang dekada siyang nagdusa sa piitan dahil sa malaking kasalanang iyon at labis-labis niya iyong pinagsisihan.

“Dalawang dekada na rin ang nakakalipas, Carlito, pero hanggang ngayon nandito pa rin ang sakit,” umiiyak pa ring wika nito. “Pero siguro sapat na ang mga nagdaang panahon upang patawarin na kita at palayain ang sarili ko sa galit na itinanim ko sa puso ko dahil sa ginawa mo.”

Hindi siya Diyos at hindi ganoon kadali para sa kaniya ang magpatawad sa taong gumawa sa kaniya ng masama. Hindi lang simpleng kasalanan ang ginawa ni Carlito sa kaniya, isang beses pero halos ikasawi niya ang ginawa nitong pagdurog sa puso niya.

Pero siguro nga’y naghihilom ang lahat ng sugat. Naroroon pa rin ang peklat, ang peklat na tanda ng sugat ay hindi kailanman mabubura, pero hindi na ganoon kasakit. Ngayong nasa mismong harapan na niya si Carlito’y naisip niyang napatawad na niya pala ang lalaki, at handa na siyang palayain ang sarili sa galit na matagal niyang itinanim sa puso.

Hindi madali, walang pagpapatawad ang nagiging madali. Pero nakakagaan sa puso. Pakiramdam niya’y natanggalan bigla ng bara ang daluyan ng kaniyang hangin at maluwag na siyang nakakahinga ngayon.

Inalalayan niya sa pagtayo si Carlito at umiiyak silang pareho na nagyakapan.

“Sinusubukan kong patawarin ka nang buo, Carlito, pero sa ngayon ay umasa kang dahan-dahan na kitang napapatawad. Dahan-dahan ko nang pinapalaya ang sarili ko sa pagkapoot ko sa’yo,” tumatangis na wika ni Alma.

“Patawarin mo ako, Ma’am Alma,” tanging salitang lumabas sa bibig ni Carlito bago bumalik sa malamig na rehas na naging tahanan na niya sa loob ng ilang taon.

More Stories