Inday TrendingInday Trending
Hiya ang Naramdaman ng Binata nang Malaman Kung Ano ang Tunay na Trabaho ng Ama; Hindi Niya Kailangan ang Kayamanan, Matinong Ama ang Nais Niya

Hiya ang Naramdaman ng Binata nang Malaman Kung Ano ang Tunay na Trabaho ng Ama; Hindi Niya Kailangan ang Kayamanan, Matinong Ama ang Nais Niya

“Ikaw Ryan, ikinakahiya mo rin ba ako dahil sa ginawa kong panloloko ng ibang tao at pagtangay sa mga pera nila? Ikinakahiya mo rin ba na naging ama mo ako?!” inis na singhal nito sa kaniya.

Hindi man niya isa-tinig ang nais sabihin ay oo… ikinakahiya niya ang ginagawa nito sa ibang tao. Mula noong bata pa siya, ang buong akala niya’y matino ang trabaho ng kaniyang ama. Mayaman sila dahil sa sipag at talino nito sa negosyo, hindi niya akalain na nanlilinlang ito ng ibang tao para umangat sa buhay. Ngayon lang niya nalaman ang lahat, matapos pumutok ang balitang itinakas nito ang kulang-kulang trenta milyones na perang puhunan ng mga kasamang kapwa negosyante.

Isang buwan na rin ang nakalilipas mula noong pumutok ang balitang iyon at isang buwan na ring nagtatago ang kaniyang ama. Ngayon lang ito muling lumabas upang magpakita sa kanila at kumuha ng perang pambaon sa pagtakas nitong muli.

“Itong bahay,” anito. “Binili ko ‘to para may matirhan tayo, at alam niyo ba kung kaninong pera ang ipinambili ko nito…” dugtong nito at bahagya pang huminto upang harapin silang lahat. “Gamit ang perang kinupit ko.”

Bahagya pa itong tumawa.

“Lahat ng ginagawa ko’y para iyon sa inyo, tapos ngayong nagkakabistuhan na’y mag-isa ko na lang na hinaharap ang kahihiyan!” malakas na singhal nito dahilan upang magulat ang kaniyang ina at mga kapatid.

Matalim na tinitigan ni Ryan ang ama saka lakas loob na tumayo upang sagutin ito. “Ginusto mo iyan, walang sinuman sa’min ang nag-utos sa’yong manlamang ng kapwa upang guminhawa ang buhay natin,” matapang niyang sagot sa ama.

Iyon ang totoo. Nanloloko ito para guminhawa ang buhay nila, pero walang sinuman ang nag-utos rito upang gawin ang bagay na iyon. Ginusto nitong gumaan ang buhay nila, sa maling paraan nga lang.

“Simula noong umangat tayo sa buhay, halos hindi na namin maramdaman ang presensya mo. Palagi kang wala sa bahay, sa lahat ng okasyon ay isang malaking pasasalamat kung makakadalo ka kahit na late, basta ang mahalaga umabot ka. Hindi ka na namin halos maramdaman, dahil wala kang ibang inisip kung ‘di ang magkapera, dumami ang pera natin. Ikaw ‘pa, ikaw ang may gusto no’n hindi kami!” inis na litanya ni Ryan sa ama.

Nanlilisik ang mga matang inabot nito ang kwelyuhan ni Ryan. “Bakit Ryan, sa tingin mo kung hindi ako nagsumikap para umangat ang buhay natin, mabibili mo ba ang lahat ng luho mo sa katawan?! Magkano ang halaga ng kotse mo? Kung ‘di dahil sa’kin ay hindi niyo mabibili ang lahat ng luho niyo! Kaya huwag mong isumbat sa’kin ang lahat ng ginawa ko, dahil para ‘yon sa inyo!”

Galit, takot, at pagkalito ang nakikitang itsura ngayon ni Ryan sa ama. Mabuting tao ang ama niya, ni minsan ay hindi ito naging masama sa kanila. Ngayon nga lang nila nakitang nagkakaganito ito. Pero buong buhay nila’y lahat ibinigay nito sa kanila ang lahat ng gustuhin nila.

Pero sa sitwasyong kinasadlakan nito ngayon ay naisip niyang mas maigi pa sigurong hindi na lamang sila umangat sa buhay, kung ganito lang rin pala ang kahihinatnan ng lahat. Mayaman sila, nabibili nila ang lahat ng gusto nila, marami silang pera, pero naging gahaman at mapaghangad naman ang kanilang ama. Naging masama ito dahil sa pera, kaya mas nais niyang piliin na lamang ang simple pamumuhay basta wala lang silang ibang naaagrabyado at naaapakang ibang tao.

“Humingi ka na lang ng tawad sa kanila, papa,” maya maya ay sambit niya. “Tanggapin mo ang pagkakamali mo at ibalik ang natirang pera. ‘Di baleng maghirap tayo, basta maayos at tahimik ang buhay natin, hindi iyong ganito,” aniya saka nilingon ang ina at mga kapatid na panay ang iyak.

“Nagtatago ka sa batas at sa mga taong nagawan mo ng kasalanan. Nadadamay kami, nadadamay kami sa kasalanan mo dahil ama ka namin, pamilya tayo. Nadadamay kami at nagugulo na nang tuluyan ang pamilya natin. Mag-sorry ka na sa kanila Papa, para matapos na ang lahat ng ito,” ani Ryan.

Tuluyan na niyang pinalaya ang mga luhang kanina pa nais mag-unahang lumabas sa kaniyang mga mata. Nahihirapan sila at naaapektuhan sa nangyari. Ikinakahiya niya ang sariling ama, ngunit hindi naman niya magawang itakwil ito dahil kahit anong gawin ay dugo nito ang nananalaytay sa katawan niya.

Kinabukasan ay nagulat silang lahat sa naging desisyon ng kanilang padre-de-pamilya. Sinunod nito ang sinabi ni Ryan, sumuko na ito sa batas at humingi ng kapatawaran sa mga taong nagawan nito ng kasalanan.

Nahatulan ng pitong taong pagkakakulong ang ama dahil sa patong-patong na kasalanan, at nabawasan iyon nang kaunti dahil sa kusang-loob na pagsuko nito sa batas.

“Babalik kami rito sa susunod na schedule ng dalaw mo. Ano’ng gusto mong dalhin ko? Baka kasi may namiss ka ng pagkain sa labas, bibilhin ko para sa’yo,” ani Ryan sa ama.

“Dalawin niyo lang ako, anak, sapat na iyon para sumaya ko,” mangiyak-ngiyak ngunit nakangiti nitong sambit. “Kahit wala kayong dala, kahit ang sarili niyo lang mismo ay ayos na ako.”

Humakbang si Ryan sa ama saka niyakap ito nang mahigpit. “Makakalaya ka rin pa at muli rin tayong magkakasama,” aniya.

“Wala akong ibang dinadalangin kung ‘di sana’y mangyari ang bagay na iyan, anak. Tama ka, mas maiging simple ang pamumuhay, basta ang mahalaga’y masaya tayong lahat at sama-sama. Pasensya ka na, anak, kung ngayon ko lamang napagtanto ang bagay na iyon,” anang ama.

Muli niyang niyakap ang ama saka tuluyang nagpaalam dito. Alam niyang hindi pa huli ang lahat para sa pamilya nila, dahil ito pa lang ang simula ng masaya nilang pagsasama. Nakakalungkot nga lang isipin na kailangan pang makulong ito bago nito napagtanto ang kahalagahan ng pamilya.

Advertisement