Simpleng Pasasalamat ang Hinanda ng Binata para sa Kaniyang Masipag na Ama; Ilang Trabaho ang Pinasok Nito Mapagtapos Lamang Siya ng Pag-Aaral

Simpleng Pasasalamat ang Hinanda ng Binata para sa Kaniyang Masipag na Ama; Ilang Trabaho ang Pinasok Nito Mapagtapos Lamang Siya ng Pag-Aaral

FamilyInspiringStories

Pagkaalis ng kanilang padre de pamilya ay naging abala na silang tatlong magkakapatid sa pagluluto at paghahanda ng simpleng dekorasyon para sa gagawing selebrasyon mamaya. May mahalaga kasi siyang sasabihin sa ama at nais niya rin itong handugan ng simpleng handaan sa dumaang kaarawan nito tatlong araw na ang nakalilipas.

“Kuya Vince, luto na po ang adobong baboy, pansit, at kalderetang manok,” ani Martha, ang kaniyang bunsong kapatid. “Sabi ni mama, ihanda na raw ang mga paglalagyan no’n at para mamayang pagdating ni papa ay masorpresa na natin siya,” dugtong nito.

“Oo alam ko, Martha. Heto na nga oh, abala na kami ni Maricel sa paglalagay ng dekorasyon. Kalmahan mo lang,” aniya saka bahagyang tumawa.

Ang hirap umaligaga sa mga gagawin. May hinatid lang kasing pagkain ang papa nila, kaya anumang oras ay tiyak na pabalik na iyon sa bahay nila upang gumawa naman ng lesson plan habang naghihintay ulit ng panibagong booking.

“Tulungan mo kaya muna kami rito para mas mapabilis ang ginagawa namin,” ani Maricel.

“Eh! Ako kaya ang assistant ni mama sa pagluluto,” ismid nito. “Bahala na nga kayo riyan.”

Tumalikod na ito at iniwan sila. Imbes na mainis sa maarteng bunsong kapatid ay nagtawanan na lamang silang dalawa. Kailangan nilang madaliin ang ginagawa para mas bongga ang sorpresa nila sa ama.

Nang dumating ito’y agad nilang ginulat upang sorpresahin ang ama na labis ang gulat sa biglang pagsigaw nila at sa mga maliliit na confetti na nagkalat sa sahig.

“Belated happy birthday, papa!” anila.

“Anong mayroon?” takang tanong ng kanilang ama.

“Wala naman po, gusto lang namin na ipaghanda ka ng simpleng handaan sa nagdaan mong kaarawan,” ani Vince. “Pasensya ka na po, papa, kung huli na nating na-celebrate ang kaarawan mo, nag-ipon pa po kasi ako ng pera para sa araw na ito,” dugtong niya.

Masayang ngumiti Mang Vicente at inakbayan ang panganay na anak.

“Naku! Wala naman iyon, mga anak. Sanay na akong walang handa sa kaarawan ko, basta ang mahalaga’y may nakakain ang buong pamilya’y sapat na sa’kin iyon. Kapag nabubusog kayo ay parang kaaarawan ko na rin kung maituturing,” anito.

Mangiyak-ngiyak na ngumiti silang lahat dahil sa sinabi ng ama. Iyon nga ang nagpapasaya rito, ang makakain silang lahat ay masaya na ang ama nila.

“Pero simula po ngayon papa ay hindi na ako papayag na hindi ka handaan sa tuwing kaarawan mo,” ani Vince. “Kaya dapat masanay ka na rin na sa tuwing birthday mo’y maghahanda tayo, okay ba iyon?”

Muling ngumiti si Mang Vicente at mangiyak-ngiyak na pinunasan ang mga mata sa luhang nagbabantang tumulo.

“Nga pala pa, may importante po akong sasabihin sa inyo,” dugtong ni Vince. “Matagal kong pinaghandaan ang importanteng araw na ito upang sabihin sa inyong nakapasa po ako sa board exam, ‘pa, at natanggap na rin po ako sa trabahong in-applyan ko.” Hindi napigilan ni Vince ang pagpiyok ng kaniyang boses dahil sa pinipigilang pag-iyak.

“Teacher na po ako, ‘pa, at pwede niyo na pong bawasan ang tinatanggap niyong trabaho dahil simula po sa araw na ito’y may katuwang na kayo sa lahat ng gastusin dito sa bahay,” umiiyak na wika ni Vince.

Sa lahat ng paghihirap ng ama ay nararapat lamang na suklian niya ito. Halos wala na itong pahinga maibigay lang sa kanila ang lahat. Tig-tatatlong trabaho ang tinatanggap nito, mapag-aral at matustusan lang ang pangangailangan nila.

Kaya ngayong may trabaho na siya at katuwang na siya nito sa paghahanapbuhay ay sapat na sigurong magpokus ito sa pagtuturo at bitawan na ang iba pang trabaho, upang kahit papaano’y makapagpahinga naman ang pagod nitong katawan.

Umiiyak na niyakap siya ng kaniyang ama at panay ang pasasalamat sa Diyos dahil sa wakas, natupad na rin ang ilang taong hiling nito na makapagtapos siya sa pag-aaral. Dahil ayon nga sa mga magulang niya, ang pag-aaral lamang ang tanging maireregalo nila sa kaniya, dahil hindi naman mayaman ang mga ito.

Ito ang kayamanang maipapamana sa kaniya na walang sinuman ang makakanakaw. Kaya isa lang talaga ang pakiusap ng mga ito, ang tapusin niya ang pag-aaral hangga’t kaya pa ng mga itong pag-aralin siya.

“Salamat, anak,” tangis nito. “Balewala ang ilang taong paghihirap ngayong sinabi mo ang magandang balitang iyan. Masayang-masaya ako para sa’yo, Vince. Walang paglagyan ang saya ko dahil sa wakas, isa ka nang guro!” anito saka niyakap ang anak nang mahigpit.

Lahat ng ginagawa at gagawin pa niya sa buhay ay para iyon sa kaniyang pamilya. Walang ibang magpapasaya sa kaniya kung ‘di ang makita ang ngiti sa labi ng mama at papa niya.

More Stories