Inday TrendingInday Trending
Inakusahan ang Kaniyang Ama sa Salang Hindi Naman Nito Ginawa; Tatlong Dekada ang Lumipas Bago Niya Napatunayang Inosente Ito

Inakusahan ang Kaniyang Ama sa Salang Hindi Naman Nito Ginawa; Tatlong Dekada ang Lumipas Bago Niya Napatunayang Inosente Ito

“Makalipas ang mahigit tatlong dekada, ngayon ay napatunayan sa husgadong ito na si Mister Niño Salve ay inosente sa salang pagtapos sa buhay ni Attorney Melvin Cruz,” ani Judge Olivar saka ipinukpok ang hawak na malyete.

Hindi napigilan ni Kristine ang pag-agos ng luha matapos i-anunsyo ng judge na inosente ang kaniyang ama, makalipas ang tatlong dekada ay saka lamang nila napatunayan na walang kasalanan ang kaniyang amang si Niño Salve sa ipinaratang rito.

Tatlong dekada na rin ang dumaan at halos isang dekada mahigit nang namayapa ang kaniyang inosenteng ama sa loob ng kulungan.

“Matatahimik na rin si papa, Kristine,” umiiyak na wika ng kaniyang ate na si Kris saka niyakap siya nang mahigpit.

“Salamat, anak. Sa wakas napatunayan na rin natin na inosente ang papa mo,” segunda naman ng kaniyang ina.

Hindi kayang magsalita ni Kristine. Basta ang alam niya’y masayang-masaya siya sa naging resulta ng kasong matagal nang naisara, pero nalulungkot siya dahil wala na rito ang taong ipinaglalaban niya.

Naalala niya noong dinakip ng mga pulis ang kaniyang papa saka ikinulong. Ilang beses nakiusap ang kaniyang ama at nagsabing wala itong kinalaman sa nangyari sa nasawing na abogado, pero walang ni isa ang nakinig sa paliwanag ng ama. Buo na ang desisyon ng lahat… si Mister Niño Cruz, ang kaniyang ama ang tumapos sa buhay ng matalik nitong kaibigan.

“Hindi ko kayang gawin ang bagay na iyon, Corazon,” mangiyak-ngiyak na wika ng ama noong minsang dumalaw sila rito sa kulungan.

“Oo, nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan ni Melvin dahil sa pera, pero hindi iyon ang magiging dahilan upang tapusin ko ang buhay ng matalik kong kaibigan,” dugtong nito. “Kahit si Melvin, alam kong hindi ako ang sinisisi niya sa pagkawala niya,” anito. Hindi na napigilan ang pag-iyak dahil sa nararamdamang desperasyon.

“Alam ko, Niño, alam kong hindi mo iyon kayang gawin.” Tumatangis na hinawakan ni Corazon ang kamay ng kawawang asawa.

“Pero bakit ako ang idinidiin nila sa salang ito?” hindi na napigilan ni Niño ang paghagulhol.

Matagal na panahon na ang lumipas ngunit hanggang ngayon ay tandang-tanda pa rin iyon ni Kristine. Tandang-tanda niya ang itsura ng ama noong masaya itong kasama silang namamasyal na kaanak. Tandang-tanda niya ang takot sa mukha nito noong hinuli ito ng mga pulis. Tandang-tanda niya ang depresyon nito sa kasong pilit inilalaban at tandang-tanda niya ang bawat luhang umaagos sa mga mata nito, upang sabihin sa lahat na wala itong kasalanan.

Natatandaan niya ang lahat na tila ba kahapon lamang nangyari… dahil hanggang ngayon ay baon niya pa rin ang sakit sa pagkawala nito dahil sa pagkakasakit sa loob ng kulungan.

“Kaunting-kaunti na lang yata ay kukunin na rin ako ni San Pedro,” anang kaniyang ama. “Isang bulate na lang yata ang hindi pa pumipirma para sa pagpanaw ko,” biro pa nito at saglit na tumawa.

Naalala niya kung paanong humagulhol ng iyak ang kaniyang ina at mga kapatid sa sinabi nito, samantalang panatag at payapa lamang ang mukhang nakikita niya sa ama. Hindi man lang makikitang natatakot itong sumakabilang buhay at iwanan sila.

Hindi niya akalain na iyon na rin pala ang huling beses na makikita niya ang kaniyang papa. Namayapa itong hindi man lang napapatunayan na inosente ito sa lahat ng bintang. Kaya simula noon ay ipinangako niya sa sariling kapag nasa tamang edad na siya’y muli niyang bubuksan ang kaso nito at patutunayan niya sa lahat na hindi ang papa niya ang tumapos sa matalik nitong kaibigan.

Dugo at pawis ang ipinuhunan niya para lamang maging isang mahusay na abogado. Kaya noong nakapasa sa abogasya ay nagdesisyon siyang muling buksan ang kaso ng kaniyang ama, marami ang tumutol sa nais niyang gawin, ngunit hindi siya nagpatinag. Isa sa dahilan kung bakit ginusto niyang maging abogado ay para linisin ang pangalan ng namayapa niyang ama, at ngayon ay naisakatuparan niya iyon.

“‘Pa, panalo tayo. Malinis na ang pangalan mo. Napatunayan na sa lahat na hindi nga ikaw ang tumapos kay Uncle Melvin, kung ‘di ang kabit pala ni Auntie Dani,” umiiyak niyang kausap sa puntod ng ama.

Mula sa husgado ay dumiretso siya sa sementeryo upang kausapin ang puntod ng ama.

“Kaya ikaw ang idinidiin sa kasong hindi mo naman ginawa ay dahil ayaw nilang madungisan ang pangalan nila. Ginamit nila ang naging alitan niyo ni uncle upang gawing motibo para pag-isipan mong tapusin si uncle,” tangis niya.

“Sorry ‘pa, kung tatlong dekada muna ang lumipas bago ko nalinis ang pangalan mo. Pero kahit papaano’y masaya ako, kasi alam kong masaya ka na kung nasaan ka man ngayon naroroon. Alam kong matagal na kayong nagkita at nagkausap ni Uncle Melvin sa langit at matagal na niyang nasabi sa’yo ang katotohanan. Ngayon, alam na rin ng mga taong humusga sa’yo noon na isa kang mabuting tao.”

Kung sino man ang makakakita sa kaniya ngayon ay iisipin ng ibang nawawala na siya sa sarili. Wala siyang pakialam, basta ang pakiramdam niya’y kaharap niya ang kaniyang ama at ang matalik nitong kaibigan, nakangiti ang dalawa sa kaniya at umuusal ng pasasalamat sa pagkamit niya ng hustisya.

Advertisement