Hinahanap-hanap ng Ginang na Ito ang Buhay-Pagkadalaga; Paano Kaya Niya Mapagtatantong Mapalad Siya sa Kalagayan Niya?

Hinahanap-hanap ng Ginang na Ito ang Buhay-Pagkadalaga; Paano Kaya Niya Mapagtatantong Mapalad Siya sa Kalagayan Niya?

FamilyInspiringStories

Masayang-masaya si Leila habang pinapanood ang mga kaibigang humahataw sa dance floor sa bar na kanilang pinuntahan. Girls night out. 

“Hoy Leila, baka hinahanap ka na ng asawa at mga inaanak namin ha? Okay ka lang ba?” usisa sa kaniya ng kaibigang si Jessica. 

“Hayaan mo sila. Kaya namang magluto ni Henry. Malalaki na sila. Nag-eenjoy pa ako rito,” wika ni Leila habang tinutungga ang ladies’ drink na inorder niya. 

“Nag-eenjoy? Eh hindi ka nga umaalis diyan sa kinauupuan mo at nakikisayaw sa dance floor eh. Come on Leila… matagal na tayong magkakaibigan. Yes, ikaw ang unang nag-asawa sa atin, pero hindi pa rin ibig sabihin niyan na hindi na kita kilala. Alam ko may problema ka. On the rocks ba kayo ni Henry?”

“Hindi. Okay kami ni Henry, Jes,” tugon ni Leila sa kaniyang kaibigan. 

“Huwag mong sabihin sa akin na may ibang babae si Henry?”

“Hindi… wala…”

“Eh ikaw? Baka naman ikaw ang may ibang lalaki?”

Kumuha ng isang piraso ng mani si Leila at ibinato sa kaibigan.

“Loka! Hindi rin. Mahal na mahal ko ang asawa ko.”

“Eh anong ginagawa mo rito sa ganitong oras ng gabi na dapat ay nasa bahay ka at inaasikaso ang asawa at anak mo?

Napabuntung-hininga naman si Leila.

“Ewan ko ba… nalilito ako, Jes. Parang nakakaramdam ako nang sobrang kalungkutan. Masaya naman kami ni Henry at ng mga bata, pero pakiramdam ko, nasikil ako sa isang bagay na hinahanap-hanap ng katawan ko. Siguro yung pagiging single,” sabi ni Leila.

“Kasi naman po, maaga kang humarot, hayun, nabuntis ka kaagad sa edad na 18! Hindi mo pa na-enjoy ang buhay-dalaga kasi napasabak ka kaagad sa pag-aalaga ng asawa at anak. Iyan ba ang nararamdaman mo ngayon?” tanong ni Jessica.

“Nadali mo. Tama ka… naiinggit nga ako sa inyo ng mga kaibigan natin. Kahit anong oras, kahit saan, puwede kayong magpunta. Magwalwal. Ako, hindi ko na puwedeng gawin kasi may mga bagay na akong dapat ikonsidera.”

“Pero tanong ko sa iyo, masaya ka pa ba sa buhay mo ngayon?” tanong ni Jessica sa kaibigan.

Hindi na nakasagot pa si Leila dahil isang text message ang natanggap niya mula sa kaniyang anak. Hinahanap na siya nito. May sasabihin daw ito sa kaniya. Isang sorpresa.

“Mukhang kailangan ko nang umuwi. Nag-text na ang inaanak mo, pinapauwi na ako. Pakisabi na lang sa mga kaibigan natin, hayun, hindi na sila maalis sa mga lalaking nakilala nila,” paalam ni Jessica sa kaibigan. Tumayo na siya at tumayo na rin ito at niyakap siya.

“Ingat ka mare ha? Kapag may problema ka, text mo lang ako. Halika nga at ihahatid na kita sa labas.”

Nakakuha kaagad ng taxi si Leila, at isang matandang lalaki ang kaniyang nasakyan.

Minabuti niyang kausapin ito upang hindi siya mabagot.

“Mabuti po at nakakaya pa ninyong bumiyahe, ano ho?”

Napatingin sa kaniya ang taxi driver. Napangiti.

“Kailangan, Ma’am. Wala naman po akong ibang aasahan kundi sarili ko lang,” tugon nito.

“Ibig ninyong sabihin ay wala kayong mga anak o asawa?”

“Wala po Ma’am. Ako lang po ang mag-isa. Wala na rin po akong mga kamag-anak dito sa Maynila. Lahat po ay nasa lalawigan na namin sa Catanduanes.”

“Bakit ho hindi kayo nag-asawa?”

“Nabuhos ko po ang atensyon ko sa pag-aalaga sa aking tatay. Ako lang po ang anak niya. Sumakabilang-buhay ang nanay ko sa pagkakasilang sa akin. Kaya bilang ganti, kinargo ko ang pag-aalaga sa tatay ko. Kaya lang… wala na rin siya. Heto ako, naiwang mag-isa.”

May kurot sa dibdib na naramdaman si Leila nang marinig ang kuwento ng matandang taxi driver.

“May bagay po ba kayong pinagsisisihan sa edad ninyo?”

“Oo. Ang tumandang mag-isa. Sana nagkaroon man lamang ako ng anak. kaya lang, wala eh… ganoon talaga.”

At naalala ni Leila ang kaniyang sariling pamilya; kung tutuusin, napakapalad niya dahil pinagkalooban siya ng mapagmahal at maunawaing mister, mababait na mga anak.

At nagpatuloy ang taxi driver.

“Mahirap mamuhay nang mag-isa lamang. Solo katawan mo lahat, wala kang aasahan. Kung maibabalik ko lang ang kabataan ko, sana nakapag-asawa pa ako. Kaya lang, niloko lang din ako ng unang pag-ibig ko nang sumama siya sa iba. Ayaw niya kasi ang prinsipyo ko sa buhay na alagaan ang tatay ko.”

Laking-tuwa ng taxi driver nang abutan siya ng 1,000 piso ni Leila, bukod pa sa talagang bayad nito.

“Naku, maraming-maraming salamat po, Ma’am,” naiiyak na pasasalamat ng matanda.

“Hindi po, mas maraming salamat po sa paghahatid sa akin nang ligtas, at salamat din po sa pagkukuwento ng buhay ninyo. Lagi po kayong mag-iingat!” bilin ni Leila sa taxi driver.

Pero ang tunay na ipinagpapasalamat ni Leila, ang mga butil ng karunungang napulot niya mula sa karanasang naibahagi nito nang ‘di-sinasadya.

Kaya naman masaya siyang pumasok sa loob ng kabahayan at sinalubong ng yakap at halik ang kaniyang mag-aama.

Simula bukas, hindi na niya haharapin ang pakiramdam ng panghihinayang na nagkapamilya kaagad siya. Sila ang kaniyang kayamanan.

More Stories