Pitong Taong Pagsasama ng Mag-Asawang Ito ay Biglang Mababagabag; Sa Huli, Diyos Pala ang May Gawa
“Mabel! Bakit nakatulala ka riyan, anong iniisip mo?” tanong ni Liza sa babae habang kumakain ito ng squidballs sa labas ng eskwelahan.
“Wala, iniisip ko lang si Katrina, ang bilis kasi ng panahon. Ang laki na ng anak ko,” sabi niya sa kaibigan at saka sumubo rin ng fishball na hawak niya.
“Naku, sinabi mo pa, ang bilis ng panahon ngayon at ang bibilis magsilaki ng mga bata! ‘Yung anak mo, sobrang kamukha mo at napakagandang bata! Balita ko ay ipanglalaban na naman sa UN ‘yun, ‘di ba?” tanong muli ni Liza sa kaniya.
“Hindi ba kamuka ni Katrina ang asawa ko?” tanong ni Mabel sa kaibigan.
“Diyos ko, kahit isang porsyento yata ay walang nakuha sa asawa mo. Sa’yo lahat!” masiglang sagot ng kaibigan niya at ngumiti na lamang si Mabel dito nang makitang nagbukas na ang gate ng paaralan at naglabasan na ang mga estudyante.
Nakangiti niyang tinititigan si Katrina habang papalapit ito sa kaniya.
“Panginoon ko,” bulong nito sa sarili saka niyakap ang bata at umuwi na sila.
Pitong taon na ang nakaraan ngunit ngayon lamang siya muling binagabag ng kaniyang malaking pagkakamali.
“Bess, sa tingin mo magkano ngayon ang magpa-DNA test?” tanong ni Madel sa kaniyang matalik na kaibigan sa telepono.
“O, sino ang ipapa-DNA mo? Anong ganap?!” tanong kaagad ni Arya na isang doktor.
“Wala, may nagtatanong lang din sa akin, nanay ng kaklase ni Katrina. Nagbabakasakali lang akong alam mo,” sabi ni Mabel dito.
“Akala ko naman ikaw kaya gulat na gulat ako. Ang alam ko kasi mga nasa kinsemil din pero kung sa akin ipapadaan ako na bahala sabihin mo ay bibigyan ko siya ng discount,” sabi ni Arya.
“T@ng*na! Ganun ka mahal ‘yun?! Siya sige, babalikan kita kapag nasabi ko na sa kaniya. Maraming salamat,” sabi ni Mabel saka mabilis na ibinaba ang telepono at napatulala sa kaniyang mesa.
“Saan ako kukuha ng ganoong kalaking pera? Mahahalata ni Oliver kapag bumawas ako sa ipon namin, paano na ‘to!” naiiyak niyang wika sa sarili saka napahawak ito sa kaniyang ulo.
Dating magkasintahan sina Oliver at Mabel noong nasa kolehiyo pa lamang sila ngunit noong nagkalabuan ang dalawa at nagkaroon ng ibang relasyon ay saglit itong naghiwalay. Hanggang sa nagkabalikan ito ngunit halos sabay na sa loob ng isang buwan ay may nangyari sa kanila ni Oliver at ng isa pa niyang lalaki at sakto namang nagdalang tao siya.
“Isa kang malaking p*t@! Anong gagawin mo ngayon, paano kayo ng anak mo!” bulong niyang muli sa sarili at nagsimulang sumakit ang kaniyang ulo.
Hanggang sa hindi na niya namalayan ang oras at dumating na pala ang kaniyang mister.
“Anong problema mo, ‘ma? Bakit parang pasan mo ang buong daigdig?” bati sa kaniya ni Oliver at hinalikan siya sa noo.
“Hala, gabi na pala. Hindi ko na namalayan ang oras, wala, wala naman. Kumain ka na ba?” tanong ni Mabel rito.
“Pero, Oliver, may tanong ako,” biglang banat muli ng babae sa mister niya.
“Paano kung, wala, wala–” putol niya.
“Ano ba ‘yun? May problema ba?” tanong muli ng lalaki.
“Paano kung sa loob ng mahabang panahon ay nagkamali pala tayo? Paano kung isa akong malaking kasalanan sa’yo,” sabi ni Mabel at seryosong umupo ito sa harap ng lalaki at isinara ang pinto ng kanilang kwarto.
“Alam mo, nakakatakot ka, anong problema,” iling ni Oliver sa kaniya.
“Hindi ka man lang ba nagtataka? Bakit hindi mo kahawig si Katrina? Oliver-” nanginginig na binitiwan ni Mabel ang pahayag na iyon at sinuri muna niya ang reaksyon ng mister niya.
Huminga lamang ito nang malalim saka pumikit.
“Ang tagal kong inisip, bago pa tayo magpakasal, kampante akong ikaw ang ama ng dinadala ko hanggang sa nanganak ako at naging pamilya tayo. Pero habang tumatagal at lumalaki ang bata, hindi ko makitaan ng kahit anong wangis na mula sa’yo at para akong minumulto ng kahapon,” iyak ng babae.
“Patawarin mo ako, Oliver, tatanggapin ko kung papalayasin mo kami, tatanggapin ko ang lahat, mahal na mahal kita at hindi ko na kayang mag-isip pa. Hindi ko alam ang gagawin ko, ako na yata ang pinakawalang kwentang babae sa mundo. Patawarin mo ako,” luhod ni Mabel sa lalaki.
Mabilis siyang niyakap ng kaniyang asawa at sinabing “Anak ko siya, anak natin siya at kung hindi ko man talaga dugo ang nananalaytay sa kaniya, tatangapin ko pa rin iyon ng buong puso, Mabel. Mahal na mahal ko kayo at hindi ako papayag na masira ng nakaraan ang pamilya natin.”
“Alam kong parehas tayong nagkamali noon at wala nang dapat pang sisisihin sa kung ano man ang nangyari dahil ang importante ay ang ngayon. Kayo, ikaw at si Katrina, kayo ang buhay ko,” iyak ni Oliver sa kaniya.
Hindi makapaniwala si Mabel sa kaniyang narinig na parang isang iglap naglaho ang mabigat niyang dinadala at umiyak lamang siya ng umiyak sa lalaki. Hindi niya inaasahan ang naging reaksyon nito. Buong akala niya ay magwawala si Oliver dahil ngayon lamang niya inamin ang matagal na niyang lihim. Hindi niya alam ay matagal na palang nagkaroon ng hinala si Oliver sa kaniya at kay Katrina ngunit mas nanaig daw ang pagmamahal niya para sa dalawa kaya naman kinalimutan nya na ito.
Pinag-ipunan nila ang pagpapa-DNA test kay Katrina hanggang sa lumabas ang resulta.
“Sabi ko naman sa’yo, hiniling kita sa Diyos kaya alam kong sa akin ang bata,” sabi ni Oliver nang makita ang resulta at anak nga niya si Katrina.
Ngayon ay mas minahal ng babae ang kaniyang mister at naging normal na sa kaniyang isipan ang katotohanang hindi talaga kamukha ng bata ang kaniyang ama. May mga ganoon nga siguro talagang pangyayari sa totoong buhay ng isang tao. Ngayon ay alam niyang nalagpasan nilang mag-asawa ang pagsubok na ibinigay sa kanila ng Diyos at nagpapasalamat sila sa dahil sa huli’y dininig ng Panginoon ang tanging hiling niya at iyon ay ang protektahan ang kaniyang pamilya.