Buwan-Buwan na lang na May Sakit ang Tatay ng Babaeng Ito, Sa Huli’y Isang Manok lang Pala ang Tatapos sa Karamdaman ng Lalaki
“Kayo naman ang magpadala kay tatay sa probinsiya, walang-wala na rin talaga kami ngayon ni Osep dahil sarado na ang karinderya,” wika ni Wilma, panganay sa magkakapatid habang nagvi-video call ang mga ito.
“Buwan-buwan na lang yatang humihingi ng pera si tatay sa sa’tin. Parang kulang na lang ibalik na nung babae ‘yung tatay natin dahil wala nang silbi,” baling ni Erma, pangalawang kapatid ng babae.
“Kung ako lang ang tatanungin ay mas gusto kong sa atin na lang si tatay. Kahit naman kasi anong gawin natin ay tatay pa rin natin ‘yun at saka para hindi na rin ganiyan na hingi nang hingi. Parang kulang na lang ay buhayin natin ‘yung pamilya nila Helen at ng mga anak niya,” baling din ni Rina, bunsong kapatid nila.
“Ang tanong diyan ay kung tatanggapin ba ni mama ‘yang si tatay kapag pinilit nating sa atin na lang ulit? Sasabihin nung isa ay binigyan lang natin siya ng alagain,” pahayag ni Wilma at pare-parehas na natahimik ang magkakapatid.
“Siya, kayo muna ang bahala. Magbigay muna kayo kahit limang daan lang at kawawa rin naman baka tayo pa ang magkasala kapag na-ospital ulit ‘yun,” wika muli ni Wilma at saka tinapos ang kanilang pag-uusap.
Bata pa lamang sila ay naghiwalay na ang kanilang mga magulang. Hindi na hinabol pa ng kaniyang nanay na si Aling Aurora ang tatay nilang si Mang Jing para magkaayos pa ang dalawa. Hanggang sa nagkaroon ng ibang pamilya ang lalaki habang ang nanay naman niya ay abala sa paghahanapbuhay upang mapalaki sila.
“Mahal, baka naman may extra ka kahit limang daan lang. Padadalhan ko lang sana ang tatay,” wika ni Wilma sa kaniyang mister na kakauwi lamang galing sa trabaho.
“O, bakit? May sakit na naman?” tanong ni Darwin, mister ni Wilma.
“Masama raw ang lasa, umuubo at pabalik-balik ang lagnat tapos sumasakit din ang sugat sa paa dahil mukhang nagnanana na naman daw,” paliwanag naman ng babae.
“Ayaw ko sanang magsalita ng masama pero narinig ko ang usapan niyong magkakapatid noong nakaraang buwan na parang gumagawa na lang daw si tatay ng dahilan para makahingi sa inyo ng pera. Baka may punto ang mga kapatid mo,” sagot ng lalaki.
“Hindi ako sa nagdadamot, ang akin lang siguraduhin mo kasi hindi naman tayo nagpupulot ng pera at napapansin ko rin na buwan-buwan na lang na may sakit ang tatay, baka naman malalala na at kailangan niyo nang puntahan,” dagdag pa ni Darwin sa babae.
Hindi na nagsalita pa si Wilma at inintindi na lamang niya ang mister. Sa loob-loob niya’y may tiwala siya sa ama at sa mga nararamdaman nito dahil sa tuwing tumatawag ito ay palaging umiiyak at nagmamakaawang bigyan siya ng tulong.
Naiintindihan din naman niya si Mang Jing dahil simula nang mabulok ang paa nito dahil sa diabetis at naputulan ng daliri ay nahirapan na itong pumasada na pinagkukunan nito ng hanap-buhay. Pero kahit anong awa ang nararamdaman niya ngayon ay tiniis niya ang ama hanggang sa lumipas ang isa pang buwan.
“Wilma, mukhang kailangan ko nang dalhin sa ospital, dumumi ako nang may kasamang dugo kanina,” umiiyak na tawag ni Mang Jing sa kaniya.
“Naku naman, ano na ho bang nangyayari sa inyo? Ayos pa ho ba talaga kayo?” tanong ng babae rito.
“Alam kong sobra-sobra na ang abalang naibigay ko sa inyong magkakapatid pero hindi naman na kayo nagpadala nung nakaraan baka pwede sana ako makahingi ngayon kahit pang check-up lang at pambili ng gamot. Patawarin mo ako, anak!” hagulgol sabay ubo pa ng lalaki at naputol ang tawag nila.
“Wala na sigurong load ‘yun! Hay buhay!” buntong hininga ng babae saka napatingin sa kisame ng kanilang bahay.
Kinaumagahan ay nagpasya siyang bisitahin ang ama sa pangalawa nitong pamilya at kamustahin ano na ba ang lagay nito.
“Kahit i-gcash niyo na lang sa akin ang pera na ibibigay niyo kay tatay tapos ako na bahala magwithdraw dito sa kanila. Pagtulungan na lang nating magkakapatid para sa tatay natin,” pakiusap ni Wilma sa dalawa niyang kapatid saka ibinaba ang telepono.
Kaagad niyang naiparada ang sasakyan sa kanto at naglakad na lamang patungo sa bahay ng kaniyang ama.
Malayo pa lang ay nakikita na niyang nasa bakuran ito at hinihimas ang manok na pangsabong.
“Akala ko ho ba ay dumudumi kayo ng dugo?” baling kaagad ni Wilma pagkakita sa kaniyang ama.
“Wilma! Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Mang Jing at mabilis na hinatak ang anak niya palabas sa bakuran ng bahay nito.
“Tignan niyo nga naman, wala na pala kayong problema sa paa? Samantalang noong nakaraang buwan lang ay iniinda niyo ‘yan sa aming mga anak niyo! Anong palabas ‘to, ‘tay!?” nangingigil na tanong ni Wilma rito.
“Hinaan mo lang ang boses mo! Napapahiya ako! Siyempre magaling na ‘yung paa ko pero hindi pa rin ako makapasada at kaya nanghihingi ako sa inyo ng pera para may maibigay ako sa pamilya ko rito,” bulong ng ama niya at mabilis na natawa ng malakas si Wilma sa kaniyang narinig.
“Makinig ka muna! Huwag mo akong tawanan, alam ko na ang iniisip mo ngayon ay sinungaling ako pero nakakahiya kasi na wala akong maiabot dito baka sabihin nila wala na akong kwenta kaya naman sa inyo ako lumapit kasi kayo lang naman ang anak ko. Alam niyo naman ‘yan, sana naiintindihan niyo ako. Saka ‘yung mga pera na binibigay niyo sa akin ay napupunta naman sa maganda, minsan nga napaparami ko pa pag nananalo ako sa sabong!” pahayag muli ng kaniyang ama.
“Bitiwan niyo ako, simula ngayon wala na kayong anak!” baling ng babae rito.
“’Wag kang bastos, Wilma! Pera lang naman ang hingi ko pero buhay ang binigay ko sa inyong tatlo! Tandaan niyo, kung wala ako ay wala rin kayo sa mundong ito! Ano ba ‘yung bigyan niyo ako ng kaunti sa mga kita nyo!” baling din ni Mang Jing sa kaniya.
“Alam niyo, hindi ko rin naman ho alam kung saang kapal ng mukha kayo kumuha para masabi ang lahat ng iyan sa akin. Sana diniretso niyo na lang kaming magkakapatid na sana buhayin namin kayo kasama ng pangalawa niyong pamilya, mga ganon ba para naman hindi na kayo nahihirapan na gumawa pa ng kwento!” mahina ngunit mariing wika ng babae habang nakatitig sa kaniyang ama.
“Kahit na nagkaroon kayo ng ibang pamilya, pinatawad namin kayo. Ginalang bilang tatay kahit na ni singkong kusing wala kaming natanggap sa inyo! Huwag niyong masabi-sabi na dahil sa inyo kaya kami nandito sa mundong ito? Dahil sana, hindi na lang kami nabuhay kung alam naming pababayaan niyo lang kami at gagamitin pagdating ng panahon!” dagdag pa ng babae.
“Ang tagal kong naniwala! Ang tagal kong nagtiwala pero sinira niyo lang lahat ng ‘yun! Patawarin ako ng Diyos pero ito na ang tamang oras para kami naman ang mang-iwan sa inyo, sa lahat ng pagsisinungaling niyo sa amin. Dito na nagtatapos ang pagiging anak namin sa inyo,” bitiw muli ni Wilma at umalis.
Alam niyang walang kapatawaran ang pagsagot sa magulang at pagiging bastos ngunit alam din niyang sa pagkakataong iyon ay nasa tama siya.
Kaya naman simula noon ay hindi na nagpadala pa ng pera ang magkakapatid sa kanilang ama ngunit hindi pa rin naman nila inaalis na tatay nila ito ngunit hindi sa aspeto ng pinansiyal na usapin.