Inday TrendingInday Trending
Tumatanda na Ngunit Wala pa ring Asawa ang Babae, Nakakadurog Pala ng Puso ang Dahilan Niya

Tumatanda na Ngunit Wala pa ring Asawa ang Babae, Nakakadurog Pala ng Puso ang Dahilan Niya

“Anak! Kamusta ang buhay riyan sa Ermita? Balita ko’y dalawa na raw ang kainan mo riyan at malakas pa! Bakit wala ka pa ring asawa?” tanong ni Aling Dolores, nanay ni Ninya.

“Naku naman, ito na naman ho kami sa asawa. ‘Ma, ‘di ba sabi ko naman sa inyo na may asawa na ako!” baling ng babae sa kaniyang ina.

“Ninya, hindi ka mabibigyan ng anak niyang restawran mo! Walang t@m*d ‘yan! Humanap ka ng lalaki na kaya kang bigyan ng bata! Mag kwa-kwarenta ka na! Ikaw na lang ang walang asawa sa mga kapatid mo at ikaw na lang din ang pinoproblema ko,” sabi ng ale.

“Ma, ang tanda mo na pero bastos ka pa rin,” natatawang wika ni Ninya rito.

“Seryoso ako, ‘nak, ‘pag umuwi ka rito ay magdala ka ng lalaki na magagayuma natin para ikaw na ang sunod na ikasal. Siya sige, abala pa ako sa paghahanda, mag-iingat ka palagi at parang awa mo na, mag-asawa ka na!” paalam ni Aling Dolores saka natapos ang kanilang usapan.

Panganay sa limang magkakapatid at siya na lamang ang walang asawa. Uuwi siya sa katapusan upang dumalo sa kasal ng kaniyang bunsong kapatid.

“Mukhang hindi pa rin sumusuko si tita sa pagpilit sa’yo!” saad naman ni Tinay, kasosyo ng babae sa kaniyang negosyo.

“Hulaan ko, may ipapakilala na naman sa’yong lalaki ‘yun sa pag-uwi mo,” natatawa pang dagdag ng babae.

“Naku! Sinabi mo pa! Pero sanay na ako, kayang-kaya ko na ang mga lalaki sa amin at kahit sino pang lalaki. Kahit kailan ay hindi na ako magpapaloko pang muli,” sagot ni Ninya rito saka kinuha ang ballpen at nag-umpisa itong magkwenta.

“Si Paul pa rin ba?” mahina nitong tanong sa kaibigan.

“Ops, bawal pag-usapan ‘yan! Huwag kang mag-alala sa akin, ayos lang ako, Tinay. Ito na ang buhay na pinili ko at alam kong darating ang araw na matatangap din nila mama ang desisyon kong ito. Mas masarap magmahal ng pera,” halakhak na sagot ni Ninya rito.

Ilang linggo pa ang lumipas at umuwi na rin ang babae sa kasal ng kaniyang kapatid.

“Ma, wala ka bang ipapakilala sa akin ngayon?” tanong ni Ninya sa kaniyang ina.

“Wala, ako ang ka-date mo ngayon. Kaya naman sisimulan ko na ang pagtatanong,” sabi ni Aling Dolores sa kaniya sabay pulupot ng mga braso nito sa bewang niya.

“Ma, matanda na ako! Alam ko na ang gusto ko sa buhay at sigurado na akong hindi ako mag-aasawa. Masaya na akong napagsisilbihan ko kayo ni papa at mga kapatid ko,” sabi ni Ninya sa ale saka niya niyakap ito.

“Anak, may hindi ka sinasabi sa akin. Kilala kita at alam kong hindi iyan ang pangarap mo sa buhay, bata ka pa lang noon pinaplano mo na kung ano ang susuotin mo sa kasal mo. Bata ka pa lang gusto mo na mag-asawa sa edad na 22 para kapag lumaki na kamo ang anak mo ay magkamukha lang kayo. Bigla kang nagbago, anong nangyari, Ninya?” seryosong tanong ng ale sa kaniya at hinatak ito sa tabing dagat at sabay na tinitigan ang haring araw na palubog na.

“Ma, ang ganda-ganda ng reception ni bunso! Beach wedding!” pag-iiba ni Ninya sa usapan nila.

“Anak, pwede ka magsabi sa akin, hindi kita huhusgahan,” seryosong hinawakan ng ale ang kaniyang kamay.

“Ma,” mahina nitong sabi at naramdaman niya kaagad ang pangingilid ng kaniyang mga luha.

“Ma, wala na akong karapatan pang maging isang magulang. Kahit na kailan, habang buhay na akong magiging ganito,” nakangiti ngunit umiiyak na sabi ni Ninya sa kaniyang ina.

“Anak, bakit? Anong nangyari?” tanong ni Aling Dolores.

“Ewan ko ba, ang talino ko naman. Alam ko sa sarili kong matalino ako pero bakit nat@nga ako sa pag-ibig, ‘ma? Bakit?” iyak muli ng babae at tuluyan nang umagos ang mga luha sa kaniyang mga mata.

“Ang tagal na namin ni Paul, kaya akala ko magiging isang pamilya na kami nung nalaman kong buntis ako. Kaso ‘ma, bakit hindi ko nalaman? Kabit lang pala ako, may pamilya siyang iba. Ang tanga ko para ‘di ko malaman! Sabi niya sa akin, ipalaglag ko raw ang bata at ginawa ko naman kaagad dahil sa galit ko sa kaniya,” siwalat ni Ninya at mabilis siyang niyakap ng kaniyang ina.

“Ma! P*n@t!y ko ‘yung sarili kong anak! Anong klaseng magulang ako? Halos araw-araw kong iniyakan ‘yun, ‘ma, kahit hanggang ngayon dahil sa pagkakamali ko ay tinanggal ko na rin mismo ang karapatan kong maging isang magulang. Habang buhay kong pagbabayaran ang pagkawala ng anak ko,” hagulgol pang muli ng babae.

“Shh, tahan na, tahan na, anak,” paulit-ulit na sinabi ni Aling Dolores sa kaniyang anak habang umiiyak na rin ito. Sa mga sandaling iyon ay parang pinupunit din ang kalooban ng ale sa pinagdaanan ng kaniyang anak. Sinisisi rin niya ang kaniyang sarili dahil hindi niya nagabayan ito nang maayos. Kaya naman humingi siya ng tawad kay Ninya.

Habang si Ninya naman ay nakahingang muli sa loob ng mahabang panahon. Ngayon lamang niya nasabi ang matagal na niyang nililihim sa buong mundo. Gumawa ng puntod ang nanay ni Ninya at pormal nilang inilagak ang yumaong anak ng babae. Saka nila ginawa ang tama para kay Paul. Ipinagbigay alam ni Ninya ito sa asawa ng lalaki lalo na nung malaman niyang may bago na namang niloloko ito. Hindi nagtagal ay nakulong ang lalaki.

Ngayon ay nagbalik loob naman sa Diyos si Ninya at mas naintindihan niya ang mga nangyari sa kaniyang buhay. Tuluyan niyang pinalaya ang nakaraan at sinimulan nyang bigyan muli ng pag-asa ang kaniyang buhay.

Sa huli’y laking pasasalamat niya sa kaniyang ina na hindi siya iniwan kahit na nagkasala na siya at sa Panginoong Diyos na patuloy na nagpapagaling ng kaniyang mga sugat at nakaraan.

Advertisement