Dahil sa Pangit na Pag-uugali ay Walang Kaibigan ang Binatang ito, Paano kaya Siya Natuto?
“Dan, balita ko tapos ka na sa takdang aralin natin, baka pwede mo naman akong tulungan? Hindi ko kasi talaga maintindihan kung anong isasagot ko, eh. Sinubukan kong lumapit sa iba nating kamag-aral kaso lahat sila, hindi pa rin tapos at hindi alam ang gagawin, eh,” daing ni Kon sa pinakamatalino niyang kaklase, isang tanghali bago dumating ang kanilang propesor.
“Hindi mo nakitang may ginagawa ako?” masungit na sagot ni Dan habang abala sa pagpipipindot sa kaniyang selpon.
“Naglalaro ka lang naman ng selpon, eh, baka pwedeng tulungan mo muna ako. Mamaya na ang pasahan nito, hindi ba?” tugon nito dahilan upang mapatigil siya sa paglalaro.
“Medyo makapal din pala ang mukha mo, ano? Papatigilin mo ako para sa takdang aralin mo? Kung ikaw, nakikinig nang mabuti, e di sana nasagutan mo ‘yan!” sigaw niya sa mukha nito dahilan upang maagaw niya ang atensyon ng iba pa nilang kaklaseng pawang hirap na hirap din sa pagsagot sa naturang takdang aralin.
“Pasensiya ka na, nakinig naman ako, eh, hindi lang talaga ako matalino katulad mo para makuha agad ang leksyon,” nakatungong sambit nito.
“Hindi ko na problema ‘yon! Do’n ka na, naglalaro ‘yong tao, eh!” pagtataboy niya rito, laking tuwa naman niya nang umalis na ito, ngunit ramdam niyang siya na naman ang pinag-uusapan ng iba nilang kaklase.
Isa ang binatang si Dan sa maituturing na pinakaswerte sa buong lalawigan kung saan siya naninirahan. Bukod kasi sa galing siya sa mayamang pamilya na may ekta-ektaryang lupang taniman ng iba’t ibang prutas at gulay, talibre pa ang katalinuhang mayroon siya.
Sa katunayan nga, simula noong siya’y nasa kinder hanggang ngayo’y nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo, walang sinuman ang nakakaagaw sa pagiging pinakamatalino sa klase.
Kung iisipin, halos wala na siyang mahihiling pa sa buhay. Lahat nang pinapangarap ng mga tao sa paligid niya, mayroon siya. Mapa-talento man sa pagguhit, pagkanta, pagsayaw o mga materyal na bagay, lahat ay nasa kamay na niya.
Ngunit siguro nga, walang taong perpekto sa mundo dahil kahit mayroon siya lahat ng mga bagay na ito, ni isang kaibigan, wala siya, dahil sa ugaling mayroon siya. Ito ang dahilan ng kaniyang mga magulang upang siya’y ipasok sa isang pampublikong paaralan.
Dahil nga mayaman at matalino, kapag may taong lalapit sa kaniya na tingin niya hindi niya kapantay, hindi niya ito iniintindi dahilan upang lahat ng kamag-anak o kahit kamag-aral niya hindi niya makasundo.
Noong araw na ‘yon, ilang minuto lang ang lumipas simula nang sigawan niya ang isa sa kaniyang mga kaklase, dumating na ang kanilang guro at habang pinapapasa nito ang kanilang mga takdang-aralin.
‘Ika nito, “Ang takdang aralin na ito ay magagamit niyo kapag kayo’y nagtrabaho na,” dahilan upang lahat sila’y magtaka. Nang makuha na nito lahat ng mga papel, pinunit nito isa-isa ang kanilang mga gawa kaya naman lahat sila’y umalma at nagsimula nang magreklamo.
“Sir, pinaghirapan po naming sagutan lahat ‘yan!” sigaw ng isang mag-aaral ngunit hindi ito inintindi ng kanilang guro at naglagay lang ng tape sa tuktok ng mga punit na papel.
“Ngayon, buuin niyong muli ang takdang-aralin niyo,” sabi nito saka ito umalis dahilan upang lahat sila’y mapakamot.
Agad nang tumayo si Dan pagkaalis ng guro at hinanap ang bawat piraso ng kaniyang gawa. Sumunod na rin ang iba niyang kamag-aral ngunit halos dalawangpung minuto na ang nakalipas, tatlong piraso pa lang ng kaniyang gawa ang nahahanap niya habang ang iba niyang kamag-aral, buo na ang mga sagutang papel at pawang nagkukuwentuhan na lang dahilan upang siya’y sumuko na lang at maupo. ‘Ika niya, “Kahit naman bumagsak ako rito, makakapasa pa rin ako.”
Mayamaya, bumalik na ang kanilang guro. Abot tainga ang ngiti nito nang makita ang mga nabuong papel na kaniyang pinunit. Tanong nito, “Paano niyo nabuo ang papel niyo?”
“Kapag nakilala po namin ang sulat, binibigay po namin agad sa may-ari, nagtulungan po kami,” sagot ng isa dahilan upang lalo itong mapangiti.
“Tama ang teknik na ginawa ng ilan sa inyo. Sa buhay, hindi niyo magagamit lahat ng sinagutan niyong tanong dito, ang magagamit niyo, ang kakayahan niyong makisama at makiisa,” pagsang-ayon nito na talaga nga namang sumapol sa kaniyang puso.
Sa loob-loob niya, “Oo nga, ano? Ako lang ang hindi nakabuo, sigurado akong nakita nila ang papel ko pero hindi nila binigay sa akin. Dahil nga siguro ito sa pag-uugali ko. Kanina, mas inuna kong hanapin ang sarili kong papel, kaysa ibigay ang mga napupulot kong papel na hindi naman sa akin sa may-ari,” at dahil sa aktibidad na iyon, unti-unti niyang binago ang sarili.